- Maria Florenda N. Corpuz
- Editor-in-chief, Travel writer (International Press Japan Co. -- Philippine Digest Magazine); Intern (The Manila Times Publishing Corp.); Managing Editor (The Sentinel, Lyceum); News Editor (The Filters, BHS); 8th placer (News Writing, DSSPC)
Wednesday, 17 September 2008
Isulong ang Wikang Ingles, Pagyamanin ang Wikang Filipino
Bahagi na ng kulturang Pilipino ang wikang Ingles dahil sa ilang taong pagsakop ng mga Amerikano sa Pilipinas at patuloy na impluwensiya nila sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino. Ito rin ang pangunahing dahilan kung bakit marami sa atin ang may sapat na kaalaman at kasanayan sa pakikipagtalastasan sa wikang ito.
Madalas na ginagamit ang Ingles sa mga tahanan, paaralan, pribadong opisina at ahensya ng gobyerno. Sa katunayan, isa ito sa mga asignaturang pinag-aaralan ng mga estudyante. Ito rin ang wikang ginagamit ng mga guro sa kanilang pagtuturo. Sa Ingles din nakalathala ang karamihan sa mga aklat at babasahin. Ang ilang programa sa telebisyon at sa radyo ay mapapanood at mapapakikinggan din sa Ingles. Kaya naman hindi nakapagtatakang lumawak ang kaalaman ng mga Pilipino sa wikang banyaga na ito.
Itinuturing na "universal language", ang Ingles ay isa sa mga opisyal na wika ng mahigit sa 70 bansa. Kaya naman angat ang galing ng Pilipino lalo na ng mga call center agents at OFWs sa tuwing kakailanganin nila itong gamitin sa pakikipag-usap sa mga dayuhang kanilang pinagsisilbihan.
Sinasabi sa ilang mga survey na ang Pilipinas ang pangatlong bansa sa buong mundo, sunod sa Inglatera at Estados Unidos kung saan Ingles ang ginagamit ng mga tao. Ngunit ayon sa mga kritiko ay bumababa na ang kalidad ng Ingles ng mga Pilipino na nangangahulugan lamang ng pagbaba ng bilang ng magandang oportunidad para kay Juan dela Cruz. Dahil dito'y kabi-kabilang suhestiyon ang inilalatag para matugunan ang suliraning ito at maisulong ang pagtaas ng kalidad ng Ingles sa bansa.
Mabuting adhikain, hindi po ba? Subalit kung iisiping mabuti, hindi ba't ang Filipino ang pambansang wika ng Pilipinas at hindi ang Ingles? Kung isinusulong ng karamihan ang pagtaas ng kalidad nito, may natitira pa bang Pilipino, bukod sa iilang nasyonalista at makabayan na nagsusulong ng pagtaas ng kalidad ng wikang Filipino?
Sa totoo lang, ang wikang Filipino ay napagtutuunan na lamang ng pansin tuwing buwan ng wika at tila maririnig na lamang sa mga kampanya ng mga pulitiko at sa mga probinsya at malalayong lugar sa Pilipinas. Sa kamaynilaan naman, mabibilang na lamang ang mga Pilipinong gumagamit ng purong Filipino dahil sa paggamit ng "Taglish" o kombinasyon ng Tagalog at Ingles.
Ngayon na tila ang kahusayan sa Ingles ang nagiging sukatan at basehan ng kagalingan ng tao, saan na patungo ang wikang Filipino? Hindi ba't nararapat na mas una itong bigyang-pansin at pagyamanin kesa sa kung ano pa mang banyagang wika dahil ito'y sariling atin?
Oo nga't hindi maitatanggi ang katotohanang ang kahusayan sa Ingles ay may hatid na magandang oportunidad at trabaho para sa atin. Subalit huwag naman sana nating kaligtaan na responsibilidad din ng bawat isa sa atin na pagyamanin ang sariling wika natin, ang Filipino, at ipagmalaki ito. Kundi ay baka mag-amoy malansa nga tayo tulad ng winika ni Rizal. Higit na tataas ang tingin ng mundo sa lahing Pilipino kung sabay nilang makikita ang kasanayan natin sa Ingles at kahusayan at pagmamahal natin sa ating pambansang wika.
*published in the October '08 issue of "Beyond the Horizon", Philippine Digest*
Friday, 8 August 2008
Respecting the Philippine Flag
Sa isang undoukai (exercise meet), tanong ng isang Pilipina sa Nihonggo, "Bakit walang Philippine flag na nakasabit kasama ng ibang flags?" sagot ng kausap na Hapones, "Pumunta ka sa mga Philippine pub, malalaking flags ang nakasabit doon." Sunday, 6 July 2008
Paninita sa mga Dayuhan, May Limitasyon Ba?
"Sumimasen, gaijin toroku sho motte imasu ka?" ("Excuse me, do you have your alien card with you?"), karaniwan nang maririnig ang mga katagang ito kung ikaw ay masisita ng mga immigration officers o di kaya naman ng mga lokal na pulis na nagkalat sa Tokyo at iba pang lugar dito.Ang mga paninitang ito ay kadalasang nangyayari sa mga pampublikong lugar tulad ng mga "eki" (train station) at "shotengai" (shopping districts), dahil na rin sa patuloy na pagsuyod ng Immigration Bureau, Justice Ministry at kapulisan sa humigit-kumulang na 260,000 illegal migrants na nandito kabilang na ang mahigit sa 25,000 undocumented na Pilipino.
Marami sa mga Pilipino na nakaranas nang masita ay nakaramdam ng diskriminasyon at kahihiyan dahil sa ginagawang ito ng mga otoridad. Tila ba'y masyado na nilang nasasaklawan ang karapatang-pantao ni Juan dela Cruz at ng iba pang dayuhan dito. Sa mga ganitong pangyayari, may limitasyon ba ang kapulisan sa pagsita sa bawat dayuhang kanilang paghihinalaang overstay?
Ayon sa dating direktor ng Ministry of Justice Immigration Bureau na si Takefumi Miyoshi, walang limitasyon ang otoridad sa kanilang ginagawang paninita sa mga dayuhan at ito'y pinapayagan sa ilalim ng batas.
"This is the last year for the Immigration Bureau to implement their policy of reducing into half the number of illegal migrants here in Japan that began in January, 2004. That is why they are carrying out this policy in whatever possible way they can like questioning and accosting foreigners in public places," saad pa ni Miyoshi.
Oo nga't tumutupad lamang sila sa kanilang mga tungkulin ngunit nararapat lamang na pag-aralan din nilang mabuti kung paano nila ito isasagawa nang hindi naman masyadong nasasaklawan ang karapatang-pantao ng mga Pilipino at iba pang dayuhan na legal namang namimirmihan dito. Ang Japan ay isa ng multi-racial country kaya't natural lamang na marami ng mga dayuhan dito. Kahit tayo'y mga dayo lamang sa bansang ito, aba'y may malaking pakinabang din naman ang pamahalaang Hapon sa atin kaya't nararapat lamang na tayo'y tratuhin ng tama at patas.
*published in the July '08 issue of "Beyond the Horizon", Philippine Digest*
Thursday, 5 June 2008
Silang mga Migrante
Migrante. Sila ang itinuturing na mga bagong bayani ng bansa dahil sa malaking ambag nila sa paglago ng ekonomiya dulot ng padalang remittance para sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas. Ayon sa Republic Act 8042, ang migrante ay tumutukoy sa isang tao na naghahanap-buhay sa ibang bansa at karaniwa’y tinatawag din na Overseas Filipino Worker. Karaniwan na’y nagtatrabaho bilang mga factory workers, domestic helpers, constuction workers, seamen at nurses, patuloy sa pagtaas ang bilang ng mga migranteng Pilipino, babae man o lalake. Hindi matatawaran ang kanilang pagpupursige na mai-angat ang estado ng kabuhayan ng kanilang mga pamilya kaya naman ito ang nagiging inspirasyon nilang upang ipamalas ang angkin nilang kasipagan at kagalingan sa trabaho na siya namang hinahangaan ng mga dayuhang kanilang pinagsisilbihan.
Ang pagdarayuhang ito ng mga Pilipino ay matagal ng kalakaran sa bansa ngunit ang kasagsagan ng paghimok sa kanila na magtrabaho sa lupang banyaga ay nagsimula noong kalagitnaan ng dekada sitenta (70s) nang dumagsa ang trabaho sa Middle East dulot ng pagtaas ng presyo at pangangailangan sa langis. Hinimok ng dating pangulo Ferdinand Marcos ang mga kalalakihan na walang pirmihang trabaho sa Pilipinas sanhi ng mahinang ekonomiya, na tanggapin ang mga oportunidad na ito. Itinatag ng pamahalaan ang Philippine Overseas Employment Administration o POEA upang mangasiwa sa mga pangangailangan ng mga Pilipinong maghahanapbuhay sa ibang bansa. May mga Philippine-based recruitment agencies din na pinayagang mag-recruit sa kanila.
Ngunit dahil sa tumataas na bilang ng mga kaso ng pagpapahirap at pang-aabuso katulad ng panggagahasa, pagpatay, pagmamaltrato at hindi tamang pasweldo sa mga migranteng Pilipino, samu’t-saring batikos ang natatanggap ng pamahalaan ukol sa kanilang kaligtasan sa mga bansang kanilang pinagsisilbihan. Ang mga kontrobersyal na kaso nina Flor Contemplacion at Sarah Balabagan ang nagpasiklab sa damdamin ng taumbayan na kuwestiyunin ang kakayahan ng pamahalaan kung kaya ba nitong bigyan-proteksyon ang mga migrante.
Sa kabila ng mga pangyayaring ito, hindi pa rin natitinag si Juan dela Cruz sa kagustuhang mabigyan ng magandang buhay ang pamilya. Sa katunayan, mahigit sa tatlong libong migranteng Pilipino ang umaalis ng bansa patungo sa 182 destinasyon araw-araw. Dahil dito, umabot sa $17 bilyon ang kabuuang halaga ng kanilang remittances batay sa Migration and Remittances Factbook 2008 ng World Bank na naglagay sa Pilipinas sa ika-apat na pwesto sa buong mundo na nakakatanggap ng malaking remittances. Una ang India na may $27 bilyon, pangalawa ang China na may $25.7 bilyon at Mexico na may $25 bilyon.
Sa laki ng remittances na ito, malaking pakinabang ang nakukuha ng pamahalaan dahil sa pumapasok na dolyar sa bansa. Idagdag pa ang binabayarang remittance fees. Hindi lamang ‘yan, hindi pa man nakakaalis ng bansa si Juan dela Cruz, sangkatutak na bayarin na ang bumubulaga sa kanya sa pag-proseso ng mga dokumentong kailangan sa kanyang pag-alis katulad ng birth certificate, passport, NBI clearance, medical certificate at iba pa.
Ngayong ipagdiriwang ang Migrant Workers Day, ano ba ang magandang handog sa mga migranteng Pilipino na patuloy na nagsasakripisyo upang maingat ang kabuhayan ng kanilang pamilya? Sapat na bang kilalanin lamang ang paghihirap nila sa pamamagitan ng pagbibigay-parangal sa kanilang mga sakripisyo? Hindi ba’t mas magandang regalo ang pagsasabatas ng mga panukala na magbibigay-proteksyon sa kanila? Higit kailanman, ngayon kailangan ng proteksyon ng bawat isang migrante Pilipino na nandito sa Japan at ibang bansa.
Monday, 5 May 2008
Sad Plight of Modern-Day Heroes in Japan
Kahirapan, kakulangan ng oportunidad at trabaho, ito ay ilan lamang sa maraming dahilan kaya't patuloy na dumarami ang mga Pilipinong nangingibang-bansa. Sa kasalukuyan, may 221,817 Pilipino ang naninirahan at naghahanap-buhay dito sa Japan, mahigit 25,000 dito ay undocumented (Source: Immigration Bureau, Ministry of Justice of Japan, 2007). Ngunit sa mga nakalipas na buwan, nasangkot at naging biktima ng mga insidente ng murder, rape at suicide ang ilan sa kanila.
Gumulantang sa atin ang pagpatay ni Masayoshi Nagano, 43, isang Japanese, sa kanyang mag-ina na sina Crisanta Mahusay Lopez, 33, at anak na si Naomasa Nagano, pitong buwang gulang, sa loob ng kanilang bahay sa Tokyo. Ayon kay Nagano, nagawa niya ang krimen dahil sa labis na pag-aalala sa kanilang utang at kanyang trabaho. Si Lopez ay nagtungo dito sa Japan noong 1995 bilang entertainer. Siya ang tumayong breadwinner ng kanyang pamilya sa Pilipinas magmula ng pumanaw ang ama.
Nahaharap naman sa kaso ng panggagahasa ang construction worker na si Luisito Cunanan Florendo, 40, at indecent assault ang metalworker na si Menandro Fermo Rafer, 42, matapos diumano pagsamantalahan ni Florendo ang isang 22-taong gulang na lasing na babae, sa loob ng isang karaoke room sa Gifu habang kinukunan ng cellphone video ni Rafer ang pangyayari.
Pagtalon mula sa ika-limang palapag ng isang apartment sa Nagoya ang ginawa ni Franco Juan Paul, 39, dahil sa takot na mahuli ng mga otoridad dahil sa pagiging overstay na naging sanhi ng kanyang pagkamatay. Si Paul ay ilegal na nanirahan sa Japan mula pa noong May 2003.
Hustisya naman ang sigaw ng isang 21-taong gulang na Pilipina na itinago sa pangalang Hazel matapos diumano pagsamantalahan ng isang U.S. serviceman sa Okinawa noong Pebrero 18, tatlong araw pagkaraan niyang dumating dito upang magtrabaho. Namalagi ng isang linggo sa hospital ang biktima dahil sa naganap na insidente at ngayo'y nananatili sa isang center para sa mga inabusong kababaihan upang maka-recover.
Kasalukuyang iniimbestigahan din ang pagkawala ng Pilipinang si Honiefaith Ratilla Kamiosawa, 22, na pinaniniwalaang pinaslang at pinutulan ng mga bahagi ng katawan at itinapon sa iba't-ibang lugar dito sa Japan. Isa sa mga pinaghihinalaang suspek ay si Hiroshi Nozaki, 48, isang Japanese, na sinasabing kasama sa bahay ng biktima. Si Kamiosawa ay nagtungo dito bilang entertainer.
Tulad ng ibang OFWs, hangad lamang nila na makaahon sa hirap at mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga pamilya sa Pilipinas, kaya't pinili nilang makipagsapalaran dito sa Japan. Ngunit hindi lahat ay pinapalad. Kung sana'y may mailalaan lamang na trabaho ang gobyerno para sa bawat isang Pilipino sa Pilipinas, wala na sigurong magnanais pa na malayo sa kanilang pamilya at makipagsapalaran sa ibang bansa kung mga ganitong pangyayari rin lamang ang naghihintay sa kanila.
Batid ng taong-bayan na may mga programa at proyekto ang pamahalaan para sa mga bagong bayani ng bansa ngunit pagkatapos matugunan ang mga pangyayaring ito, ang tanong ni Juan Dela Cruz, ano ang susunod na hakbang ng gobyerno? Hihintayin pa ba nila na muling maulit ang mga ganitong insidente bago umaksyon at bigyang-solusyon ang kakulangan ng trabaho sa Pilipinas na siyang pangunahing dahilan kung bakit napakaraming Pilipino ang umaalis ng bansa.
"Filipinos can be found anywhere in the world," sabi nga nila. Sa isang banda, may magandang epekto nga naman sa ekonomiya ng bansa ang pagdami ng mga OFWs sapagkat ang mga dolyar na kanilang ipinapadala sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas ay nakatutulong upang maging matatag ang halaga ng piso sa pandaigdigang merkado. Ngunit kung iisiping mabuti, hindi ba't ang paglobo ng bilang ng mga OFWs ay ang siya namang pagkonti ng mga Pilipinong imbes na sa sariling bansa ibinabahagi ang sariling kakayahan ay lupang banyaga ang nakikinabang?
*published in the May '08 issue of "Beyond the Horizon", Philippine Digest*
Friday, 4 January 2008
Hopes for 2008
Department of Tourism, Tokyo
For this year, he has one dear wish he holds near his heart, his 2008 goal: he is determined to further improve his language proficiency in Nihongo by immersing himself in more Japanese journals and books. Gambatte, Sir Val!
Danilo M. Lim, Country Manager
Philippine Airlines, Tokyo
He may be the highest ranking and only Filipino official of Philippine Airlines here in Japan, but that does not give him airs; he has his feet planted firmly on the ground. When you meet him for the very first time, you will be beguiled by his simple grin and firm handshake. But just like the ordinary Filipino, it never leaves his mind that he is a foreigner in this strange land and is here because his job is here and he has to work for the sake of his family. Perhaps, he has not stayed here long enough to feel at home or get used to the foreign ways and means so unlike at home.
His wish for the coming year would be for the Philippines to have new leaders who can really guide and bring us to where we should really be. He also hopes that sooner or later, the country finds its true and real place in Asia. Up there among the best! Mabuhay ka, Ka Danny, that is a dream worthy of all Filipinos; a dream every Filipino worth his salt dreams of!

Col. Danilo T. Estropia
Embassy of the Philippines, Tokyo

Deputy Managing Director
Philippine National Bank, Tokyo
Best described as a family-oriented man, Mr. Lugtu wishes to welcome the coming year surrounded by his family, clan and friends in his beloved Cagayan de Oro, Philippines. As for his new year's resolution, he intends to hear Mass every Sunday with his family, "a family that prays together, stays together." God is good to him because his desires were granted as he left for the Philippines last December, after his two-year stint at the Philippine National Bank in Tokyo.

Third Secretary & Vice-Consul Cultural/Foreign Information Section
Embassy of the Philippines, Tokyo
Looking so young and so fragile, this reserved lady wishes prosperity for the Philippines, the Embassy, the Filipino communities in Japan and the Japanese institutions. Being the workaholic that she is, she couldn't find the time to think of any other resolution for the coming year but to just continue working and be more patient.
Our New Year's wish for her is that she shows more of the intelligent, capable woman that she really is, a demure diplomat perhaps, but with more spunk to reach out to the humble Pinoys who are too shy to talk to diplomats and government officials. Lady Anna, joys for 2008!
Lyra R. Cedeno
Marketing Manager
ABS-CBN Global, Japan
You cannot find a more lovely and simple woman than Ly. You cannot guess that she is an efficient executive of the Philippines biggest TV/Movie conglomerate just by looking at her, though pretty and sexy that she is. She keeps a low profile, content to work behind the scenes, doing her best in the background.
Ever loyal to her company's commitment to serve the Filipinos worldwide, Lyra wishes not for herself but for the Philippines to have a better year, and for the Filipinos to love their own country, more than any other place in the world. But, of course, Ly, a Filipino is forever a Filipino how far he may roam, wherever he may be, his dream Utopia is the Philippines forever!
*published in the January '08 issue of "Ang Pinoy", Philippine Digest*
*photos by Florenda Corpuz*