My photo
Editor-in-chief, Travel writer (International Press Japan Co. -- Philippine Digest Magazine); Intern (The Manila Times Publishing Corp.); Managing Editor (The Sentinel, Lyceum); News Editor (The Filters, BHS); 8th placer (News Writing, DSSPC)

Sunday, 6 July 2008

Paninita sa mga Dayuhan, May Limitasyon Ba?

"Sumimasen, gaijin toroku sho motte imasu ka?" ("Excuse me, do you have your alien card with you?"), karaniwan nang maririnig ang mga katagang ito kung ikaw ay masisita ng mga immigration officers o di kaya naman ng mga lokal na pulis na nagkalat sa Tokyo at iba pang lugar dito.

Ang mga paninitang ito ay kadalasang nangyayari sa mga pampublikong lugar tulad ng mga "eki" (train station) at "shotengai" (shopping districts), dahil na rin sa patuloy na pagsuyod ng Immigration Bureau, Justice Ministry at kapulisan sa humigit-kumulang na 260,000 illegal migrants na nandito kabilang na ang mahigit sa 25,000 undocumented na Pilipino.

Marami sa mga Pilipino na nakaranas nang masita ay nakaramdam ng diskriminasyon at kahihiyan dahil sa ginagawang ito ng mga otoridad. Tila ba'y masyado na nilang nasasaklawan ang karapatang-pantao ni Juan dela Cruz at ng iba pang dayuhan dito. Sa mga ganitong pangyayari, may limitasyon ba ang kapulisan sa pagsita sa bawat dayuhang kanilang paghihinalaang overstay?

Ayon sa dating direktor ng Ministry of Justice Immigration Bureau na si Takefumi Miyoshi, walang limitasyon ang otoridad sa kanilang ginagawang paninita sa mga dayuhan at ito'y pinapayagan sa ilalim ng batas.

"This is the last year for the Immigration Bureau to implement their policy of reducing into half the number of illegal migrants here in Japan that began in January, 2004. That is why they are carrying out this policy in whatever possible way they can like questioning and accosting foreigners in public places," saad pa ni Miyoshi.

Oo nga't tumutupad lamang sila sa kanilang mga tungkulin ngunit nararapat lamang na pag-aralan din nilang mabuti kung paano nila ito isasagawa nang hindi naman masyadong nasasaklawan ang karapatang-pantao ng mga Pilipino at iba pang dayuhan na legal namang namimirmihan dito. Ang Japan ay isa ng multi-racial country kaya't natural lamang na marami ng mga dayuhan dito. Kahit tayo'y mga dayo lamang sa bansang ito, aba'y may malaking pakinabang din naman ang pamahalaang Hapon sa atin kaya't nararapat lamang na tayo'y tratuhin ng tama at patas.


*published in the July '08 issue of "Beyond the Horizon", Philippine Digest*

No comments: