My photo
Editor-in-chief, Travel writer (International Press Japan Co. -- Philippine Digest Magazine); Intern (The Manila Times Publishing Corp.); Managing Editor (The Sentinel, Lyceum); News Editor (The Filters, BHS); 8th placer (News Writing, DSSPC)

Monday, 5 May 2008

Sad Plight of Modern-Day Heroes in Japan

Kahirapan, kakulangan ng oportunidad at trabaho, ito ay ilan lamang sa maraming dahilan kaya't patuloy na dumarami ang mga Pilipinong nangingibang-bansa.

Sa kasalukuyan, may 221,817 Pilipino ang naninirahan at naghahanap-buhay dito sa Japan, mahigit 25,000 dito ay undocumented (Source: Immigration Bureau, Ministry of Justice of Japan, 2007). Ngunit sa mga nakalipas na buwan, nasangkot at naging biktima ng mga insidente ng murder, rape at suicide ang ilan sa kanila.

Gumulantang sa atin ang pagpatay ni Masayoshi Nagano, 43, isang Japanese, sa kanyang mag-ina na sina Crisanta Mahusay Lopez, 33, at anak na si Naomasa Nagano, pitong buwang gulang, sa loob ng kanilang bahay sa Tokyo. Ayon kay Nagano, nagawa niya ang krimen dahil sa labis na pag-aalala sa kanilang utang at kanyang trabaho. Si Lopez ay nagtungo dito sa Japan noong 1995 bilang entertainer. Siya ang tumayong breadwinner ng kanyang pamilya sa Pilipinas magmula ng pumanaw ang ama.

Nahaharap naman sa kaso ng panggagahasa ang construction worker na si Luisito Cunanan Florendo, 40, at indecent assault ang metalworker na si Menandro Fermo Rafer, 42, matapos diumano pagsamantalahan ni Florendo ang isang 22-taong gulang na lasing na babae, sa loob ng isang karaoke room sa Gifu habang kinukunan ng cellphone video ni Rafer ang pangyayari.
Pagtalon mula sa ika-limang palapag ng isang apartment sa Nagoya ang ginawa ni Franco Juan Paul, 39, dahil sa takot na mahuli ng mga otoridad dahil sa pagiging overstay na naging sanhi ng kanyang pagkamatay. Si Paul ay ilegal na nanirahan sa Japan mula pa noong May 2003.

Hustisya naman ang sigaw ng isang 21-taong gulang na Pilipina na itinago sa pangalang Hazel matapos diumano pagsamantalahan ng isang U.S. serviceman sa Okinawa noong Pebrero 18, tatlong araw pagkaraan niyang dumating dito upang magtrabaho. Namalagi ng isang linggo sa hospital ang biktima dahil sa naganap na insidente at ngayo'y nananatili sa isang center para sa mga inabusong kababaihan upang maka-recover.

Kasalukuyang iniimbestigahan din ang pagkawala ng Pilipinang si Honiefaith Ratilla Kamiosawa, 22, na pinaniniwalaang pinaslang at pinutulan ng mga bahagi ng katawan at itinapon sa iba't-ibang lugar dito sa Japan. Isa sa mga pinaghihinalaang suspek ay si Hiroshi Nozaki, 48, isang Japanese, na sinasabing kasama sa bahay ng biktima. Si Kamiosawa ay nagtungo dito bilang entertainer.

Tulad ng ibang OFWs, hangad lamang nila na makaahon sa hirap at mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga pamilya sa Pilipinas, kaya't pinili nilang makipagsapalaran dito sa Japan. Ngunit hindi lahat ay pinapalad. Kung sana'y may mailalaan lamang na trabaho ang gobyerno para sa bawat isang Pilipino sa Pilipinas, wala na sigurong magnanais pa na malayo sa kanilang pamilya at makipagsapalaran sa ibang bansa kung mga ganitong pangyayari rin lamang ang naghihintay sa kanila.

Batid ng taong-bayan na may mga programa at proyekto ang pamahalaan para sa mga bagong bayani ng bansa ngunit pagkatapos matugunan ang mga pangyayaring ito, ang tanong ni Juan Dela Cruz, ano ang susunod na hakbang ng gobyerno? Hihintayin pa ba nila na muling maulit ang mga ganitong insidente bago umaksyon at bigyang-solusyon ang kakulangan ng trabaho sa Pilipinas na siyang pangunahing dahilan kung bakit napakaraming Pilipino ang umaalis ng bansa.

"Filipinos can be found anywhere in the world," sabi nga nila. Sa isang banda, may magandang epekto nga naman sa ekonomiya ng bansa ang pagdami ng mga OFWs sapagkat ang mga dolyar na kanilang ipinapadala sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas ay nakatutulong upang maging matatag ang halaga ng piso sa pandaigdigang merkado. Ngunit kung iisiping mabuti, hindi ba't ang paglobo ng bilang ng mga OFWs ay ang siya namang pagkonti ng mga Pilipinong imbes na sa sariling bansa ibinabahagi ang sariling kakayahan ay lupang banyaga ang nakikinabang?

*published in the May '08 issue of "Beyond the Horizon", Philippine Digest*

No comments: