"Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika, daig pa ang malansa at mabahong isda." -Dr. Jose Rizal
Bahagi na ng kulturang Pilipino ang wikang Ingles dahil sa ilang taong pagsakop ng mga Amerikano sa Pilipinas at patuloy na impluwensiya nila sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino. Ito rin ang pangunahing dahilan kung bakit marami sa atin ang may sapat na kaalaman at kasanayan sa pakikipagtalastasan sa wikang ito.
Madalas na ginagamit ang Ingles sa mga tahanan, paaralan, pribadong opisina at ahensya ng gobyerno. Sa katunayan, isa ito sa mga asignaturang pinag-aaralan ng mga estudyante. Ito rin ang wikang ginagamit ng mga guro sa kanilang pagtuturo. Sa Ingles din nakalathala ang karamihan sa mga aklat at babasahin. Ang ilang programa sa telebisyon at sa radyo ay mapapanood at mapapakikinggan din sa Ingles. Kaya naman hindi nakapagtatakang lumawak ang kaalaman ng mga Pilipino sa wikang banyaga na ito.
Itinuturing na "universal language", ang Ingles ay isa sa mga opisyal na wika ng mahigit sa 70 bansa. Kaya naman angat ang galing ng Pilipino lalo na ng mga call center agents at OFWs sa tuwing kakailanganin nila itong gamitin sa pakikipag-usap sa mga dayuhang kanilang pinagsisilbihan.
Sinasabi sa ilang mga survey na ang Pilipinas ang pangatlong bansa sa buong mundo, sunod sa Inglatera at Estados Unidos kung saan Ingles ang ginagamit ng mga tao. Ngunit ayon sa mga kritiko ay bumababa na ang kalidad ng Ingles ng mga Pilipino na nangangahulugan lamang ng pagbaba ng bilang ng magandang oportunidad para kay Juan dela Cruz. Dahil dito'y kabi-kabilang suhestiyon ang inilalatag para matugunan ang suliraning ito at maisulong ang pagtaas ng kalidad ng Ingles sa bansa.
Mabuting adhikain, hindi po ba? Subalit kung iisiping mabuti, hindi ba't ang Filipino ang pambansang wika ng Pilipinas at hindi ang Ingles? Kung isinusulong ng karamihan ang pagtaas ng kalidad nito, may natitira pa bang Pilipino, bukod sa iilang nasyonalista at makabayan na nagsusulong ng pagtaas ng kalidad ng wikang Filipino?
Sa totoo lang, ang wikang Filipino ay napagtutuunan na lamang ng pansin tuwing buwan ng wika at tila maririnig na lamang sa mga kampanya ng mga pulitiko at sa mga probinsya at malalayong lugar sa Pilipinas. Sa kamaynilaan naman, mabibilang na lamang ang mga Pilipinong gumagamit ng purong Filipino dahil sa paggamit ng "Taglish" o kombinasyon ng Tagalog at Ingles.
Ngayon na tila ang kahusayan sa Ingles ang nagiging sukatan at basehan ng kagalingan ng tao, saan na patungo ang wikang Filipino? Hindi ba't nararapat na mas una itong bigyang-pansin at pagyamanin kesa sa kung ano pa mang banyagang wika dahil ito'y sariling atin?
Oo nga't hindi maitatanggi ang katotohanang ang kahusayan sa Ingles ay may hatid na magandang oportunidad at trabaho para sa atin. Subalit huwag naman sana nating kaligtaan na responsibilidad din ng bawat isa sa atin na pagyamanin ang sariling wika natin, ang Filipino, at ipagmalaki ito. Kundi ay baka mag-amoy malansa nga tayo tulad ng winika ni Rizal. Higit na tataas ang tingin ng mundo sa lahing Pilipino kung sabay nilang makikita ang kasanayan natin sa Ingles at kahusayan at pagmamahal natin sa ating pambansang wika.
*published in the October '08 issue of "Beyond the Horizon", Philippine Digest*
- Maria Florenda N. Corpuz
- Editor-in-chief, Travel writer (International Press Japan Co. -- Philippine Digest Magazine); Intern (The Manila Times Publishing Corp.); Managing Editor (The Sentinel, Lyceum); News Editor (The Filters, BHS); 8th placer (News Writing, DSSPC)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment