Ikaw ba ay bagong salta sa lungsod o kaya naman ay galing inaka at nagbabalak manirahan sa Tokyo? Nais mo bang maibsan ang iyong homesickness at mas dumami pa ang mga kaibigang Pinoy sa Land of the Rising Sun?
Sabi nga nila, saan man sulok ng mundo, tiyak may makakasalubong kang Pilipino. Karamihan sa kanila ay mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nakikipagsapalaran sa mga dayuhang lupain upang mabigyan ng maginhawang buhay ang naiwang pamilya sa Pilipinas. Dito sa Japan, may 202,592 Pilipino ang naitala ng Ministry of Justice sa taong 2007. Umakyat ito sa 221,817 noong nakaraang taon. Hindi pa kasama rito ang humigit kumulang sa 25,000 undocumented na Pilipino. Ngayon, tayo ay pang-apat sa dami ng bilang ng mga dayuhan sa buong bansa. Ang mga Japanese-Filipino marriages din ang may pinakamataas na antas sa taong 2006. Samantala, karamihan sa mga Pilipinong naninirahan at naghahanap-buhay dito ay mga short-term residents. Ang pamimirmihang ito ng mga Pilipino ay nagsimula pa noong panahon ng pananakop ng mga Hapones sa Pilipinas kung saan marami sa ating mga kababayan ang pumunta sa Japan upang mag-aral sa mga unibersidad.
Malaking lungsod ang Tokyo at kung ikaw ay bago sa lugar ay tiyak na maninibago ka sa bilis ng takbo ng buhay dito. Bahay-opisina ang karaniwang routine ng mga tao rito, mapa-Hapones man o dayuhan. Gayunpaman, maraming pasyalan dito na tunay na makakapagbigay-kasiyahan sa sinuman. Para sa ating mga Pilipino, mas masaya ang gagawing pamamasyal kung may makakasalamuha at makikilalang kapwa Pinoy. Darami na ang mga bagong kaibigan ay maiibsan pa ang nararamdamang kalungkutan.
Narito ang ilang lugar at pasyalan sa Tokyo na karaniwang puntahan ng mga Pinoy:
Embahada ng Pilipinas - Una na sa listahan ang ating Embahada sa Roppongi, partikular ang Consular section nito. Mula Linggo hanggang Huwebes ay siksikan ang mga kababayan natin sa loob nito habang nag-aayos ng mga dokumento. Sa labas naman ay ang mga kababayan nating nagbebenta ng mga international call cards, namimigay ng mga pamphlets at flyers at kung minsan pa nga ay nagtitinda ng mga pagkain at inumin.
Immigration Bureau - May iba’t ibang sangay ito sa buong bansa. Ngunit sa Tokyo, ang Shinagawa branch ang puntahan ng mga Pinoy na nag-aayos ng kanilang mga dokumento. May iba rin dayuhan na makikita rito.
Simbahan - Dahil ang mga Pinoy ay likas na relihiyoso, magsadya lamang sa mga simbahan tuwing Linggo at tiyak na maraming Pinoy na makikita rito. Ilan sa mga simbahang ito ay ang Franciscan Chapel sa Roppongi, Meguro Catholic Church, Akabane Catholic Church at St. Ignatius Church sa Yotsuya. Pagkatapos ng misa ay dagsa ang mga kababayan natin sa labas ng simbahan at di magkamayaw sa pagbili ng mga pagkaing-Pinoy na itinitinda rito.
Philippine store - Nagkalat ang mga Philippine stores sa Tokyo. Magtungo lamang dito at tiyak na magkakaroon ka ng nostalgic na pakiramdam sapagkat para ka na rin nasa isang mini-supermarket o sari-sari store sa sariling bansa. Bukod sa mga tindang Pinoy goods ay makakakilala ka pa ng kababayan dito.
Philippine restaurant - Marami na rin ang mga Philippine restaurants dito. Pumunta lamang sa Kinshicho at halos tabi-tabi na ang mga kainan na makikita rito. Tiyak na masarap na pagkaing Pinoy ang ihahain sa’yo ng nakangiting Pinoy staff.
Libreng Concerts at Events - Basta’t libreng concerts at events na may mga artista galing ‘Pinas ay tiyak na dudumugin ‘yan ng mga Pinoy. May mga pagtatanghal at pagtitipon din ang iba’t ibang Filipino groups na maaaring daluhan na tiyak na magpapalawak sa iyong network.
Shotengai - Mahilig mag-shopping ang mga Pinoy. Kung wala naman pera at matagal pa ang sweldo, kahit window-shopping ay ayos na rin.
Bazaar - Usong-uso ang mga ukay-ukay sa Pilipinas. Dito naman sa Japan ay tinatangkilik din ang mga bazaar na kadalasang matatagpuan malapit sa mga eki. Dahil ang mga Pinoy ay matiyaga sa paghalukay ng mga ‘hidden treasures’ at magaling tumawad ay pasok na pasok sila sa mga lugar na ito.
Second Hand Shop at 100 Yen Shop - Ang mga Pinoy ay mahilig sa abubot. Sa mga 100 yen at recycle shop ay may makikita at makikita kang kababayan na bumibili ng kung anu-ano para punuin ang balikbayan box na ipapadala sa mga mahal sa buhay sa Pilipinas.
Pamilihan at Parke - Marami rin Pinoy sa mga pamilihan katulad ng Ameyoko market sa Ueno at sa mga parke katulad ng Arisugawa Park sa Minami-Azabu at kung saan-saan pa.
Ilan lamang ito sa mga lugar na maaari mong puntahan kung ikaw ay naho-homesick at nais makakita ng mga kababayan at makaramdam ng Pinoy atmosphere sa Japan. Kaya naman sana’y iwasan na ang hindi pagpapansinan sa tuwing may makakasalubong na kapwa Pinoy sa daan. Ika nga sa isang kasabihan, “No man is an island.”
*published in the June '09 issue of "Let's Tour Tokyo", Philippine Digest
*photo by Din Eugenio
1 comment:
Nakakatuwang pagmasdan na ang bawat Filipino sa ibang bansa ay nagtutulungan. Sana kahit dito sa ating sariling bayan, we can show that we can help each other.
Post a Comment