Beyond the Horizon
Spring, Haru, Tagsibol. Magkakaibang-salita subalit may iisang kahulugan. Panahon para magpasalamat sa magandang klima ng tamang-tamang init at lamig at pagkakataon na rin upang ipagdiwang ang buhay, anuman ang pagsubok na kinakaharap. “Celebrate Life, Celebrate Spring”, ang handog namin sa April issue na ito ng Philippine Digest.
Marahil ay marami ang napapaisip kung bakit si Gabby Concepcion ang napiling cover para sa issue na ito. Katulad ng tagsibol, heto muli ang “Golden Boy”, nagbabalik-show biz, muling sisibol at nakahandang ibalik ang ningning ng kanyang bituin matapos ang “hibernation” na ginawa dulot ng sunud-sunod na eskandalong kinasangkutan.
Magandang balita para sa mga Filipino War Veterans ng WWII ang pag-apruba ng Amerika sa benepisyong dapat ay matagal na nilang pinapakinabangan. Sana lamang ay isaalang-alang din ang partisipasyon ng mga beteranong namayapa na at bigyan-benepisyo ang kanilang mga naiwang pamilya.
Tulad ng pamumukadkad ng mga bulaklak, refreshing at nakakahalina rin ang gandang taglay ng mga nanalong kandidata sa ginanap na Ms. International (Foreigner) in Japan ‘09 kung saan dalawa sa ating mga Pinay beauties ang nag-uwi ng karangalan. Mai-inspire rin kayo sa mga kwento ng isang dating ALT at isang call center agent, mga propesyong in-demand ngayon sa Japan at sa Pilipinas. Para naman sa mga nagbabalak mag-hanami, hindi rin dapat palampasin ang aming featured travel spot, ang Ueno Park na isa sa mga popular na lugar na pinagdarausan ng mga hanami parties. Atin din ipagdiwang ang buhay, Philippine style!
Kasabay ng gagawin nating "spring cleaning" sa ating mga sarili ay ang paggunita natin sa pagpapakasakit ni Hesu Kristo upang iligtas ang sanlibutan at pag-alala sa Kanyang muling pagkabuhay dahil sa pagmamahal sa sangkatauhan.
Tapos na ang taglamig. Baka tulad ng mga hayop ay nasa hibernation stage ka pa rin. Gising, gising at gumawa ng mabuti sa kapwa. Kasabay ng gagawing pagtitika ay pag-isantabi sa mga hindi mabuting gawain at pagtanggap kay Hesu Kristo ng buong puso.
Happy Spring reading sa inyong lahat!
*published in the April '09 issue of "Beyond the Horizon", Philippine Digest
No comments:
Post a Comment