My photo
Editor-in-chief, Travel writer (International Press Japan Co. -- Philippine Digest Magazine); Intern (The Manila Times Publishing Corp.); Managing Editor (The Sentinel, Lyceum); News Editor (The Filters, BHS); 8th placer (News Writing, DSSPC)

Friday, 26 March 2010

Lahing Kayumanggi


Bayaning Pilipino sa Japan

“May gantimpala bang dapat na asahan

Upang kumilos ng tama’t makatwiran

Saglit lamang ang ating buhay

Tilamsik sa Dakilang Apoy

Ang bukas na nais mong makita

Ngayon pa ma’y simulan mo na.”

-Excerpts from the song “Awit ng Mortal” by Joey Ayala


“Maraming-marami. Para malaman na may Dakilang Maylikha. Para makita ang Kanyang mga dakilang gawa. Para malaman kung ano ang mali, ano ang tama. Para mapag-aralan kung paano maging tunay na tao,” ito ang mga salitang namutawi sa kanyang mga labi sa kung ano sa tingin niya ang layon niya sa buhay.

Nagmula sa isang pamilyang salat sa yaman, si Allison M. Opaon ay isinilang noong Pebrero 7, 1962 sa Gingoog, Misamis Oriental. Sa murang edad ay batid na ni Allison ang kahulugan ng buhay. Nang magtapos ng hayskul ay natutuhan niyang sakahin ang munti nilang lupain na nagbigay-daan para makapag-aral ang kanyang mga kapatid.

Nagsumikap at patuloy na nangarap, lumuwas ng Maynila si Allison at namasukan sa pabrika ng sako ng bigas at tela at naging NGO worker din. Dahil sa walang ibang inaasahan kundi ang sarili ay nagkayod-kalabaw si Allison. Hanggang sa isang araw ay napabilang siya sa Teatro Pabrika, isang grupong pangkultura ng mga manggagawa na may kaugnayan sa Philippine Educational Theater Association (PETA). Likas na mahilig sa musika at pagganap sa entablado si Allison kaya naman ito ang nagbigay-pagkakataon sa kanya para maging stage actor. Dito nagsimula ang gulong ng swerte sa buhay ni Allison. Dahil sa mga kaalaman at natutuhan sa teatro ay dalawang beses siyang naimbitahan na magbigay ng workshops sa Tokyo at Osaka. And the rest is history, ika nga.

Sa pananatili sa bansang Hapon ay nakilala ni Allison ang kanyang kabiyak ng labindalawang taon na si Yumiko, isang Haponesa. Napabilang man sa tinatawag na international marriage couples, hindi naging hadlang sa kanilang pagmamahalan ang pagkakaroon ng magkaibang kultura.

Ngayon ay nagtatrabaho sa isang food processing company si Allison at tumatayong chairman ng KAFIN-Yokohama Chapter na tumutulong sa mga Pilipinang biktima ng domestic violence pati na rin sa mga problema ng Japanese-Filipino children at iba pa.


Pinoy ang Lahi Ko

Ang “Lahing Kayumanggi” ay isang Filipino alternative, ethnic folk-rock band kung saan si Allison ang lider at bokalista. Ito ay binuo noong Marso 1997 matapos ang pagtatanghal ng “Rebuild My Church” sa direksyon ni Dessa Quesada Palm ng PETA. Noong una’y pawang mga lalakeng taga-Mindanao ang mga miyembro nito. Nang lumaon ay nagkaroon ito ng dalawang bokalistang babae, sina Liberty Ito, tubong-Bulacan at simpleng maybahay ng isang Hapon at Anabel Kawano, tubong-Carmen, Surigao del Sur, single mother at nagtatrabaho sa supermarket. Si Masako Ishii , alternate kulintang player naman ang bukod-tanging Haponesa sa grupo mula Osaka. Habang ang dalawa pang lalakeng miyembro na sina Jing Adalid at Butch Abangan ay sa construction nagtatrabaho.


Ang grupo ay tumutugtog ng mga awiting pupukaw sa diwa at kamalayan ng mga Pilipino at Hapon suot ang mga katutubong kasuotan tulad ng malong at gamit ang mga katutubong instrumento tulad ng kulintang, bungkaka, kubing, hingalong, sarunay at gong.


Hindi naging hadlang ang pagiging undergraduate, construction worker, single mother o simpleng maybahay ng mga miyembro ng grupo para makatulong sa kapwa. Mula sa mga konsyertong kanilang nagawa sa paanyaya ng mga Japanese NGOs na may programa sa Pilipinas, unti-unting nakilala ang Lahing Kayumanggi sa buong Japan. Ito ay nagbunga ng “Give Peace a Chance to Mindanao” CD album kung saan ang benta ay inilalaan para sa mga evacuation centers sa Mindanao, sa tulong ng Moro Women Center ng Pasasambao at Disaster Response Center sa General Santos City. May Japanese NGO rin sa Mitaka City ang nais magfund-raising para makabili ng van na gagamiting ambulansiya ng mga buntis na Mangyan sa St. Barnabas Maternity Clinic sa Zambales. Kung may libreng oras ang mga miyembro ng Lahing Kayumanggi, sila ay mapapakinggan sa Ichikawa Catholic Church bilang mga choir singers.

Ang ‘Mahiwagang Barong Tagalog’

Habang nagbabakasyon sa Pilipinas ay napadaan si Allison sa isang mall. Dito’y nakita niya ang naka-display na barong tagalog. Hindi man batid kung saan ito gagamitin ay may kung ano sa kanyang sarili ang nagsasabing ito ay kanyang bilhin. Ang resulta, siya at ang kanyang grupong “Lahing Kayumanggi” ang napiling “Gawad Geny Lopez Jr. Bayaning Pilipino sa Gawing-Japan 2009” kung saan ang ‘mahiwagang barong tagalog’ ang kanyang isinuot.


Mula sa apat na finalists, tanging ang Lahing Kayumanggi lamang ang grupo. Dahil sa kanilang mabuting adhikain na ibahagi ang kulturang Pilipino sa dayuhang lupain at makatulong sa kapwa ay hindi nakakapagtakang sila ang nag-uwi ng prestihiyosong karangalan.


Sa kabila ng kasiyahang naramdaman, alam nina Allison, Jing, Butch, Liberty, Anabel at Masako na may kaakibat na responsibilidad ang karangalang natamo. Ang manguna sa gawaing may kabuluhan, walang kapagurang makatulong sa kapwa, pagsantabi ng pansariling interes at pag-intindi sa kapakanan ng mas nakakarami.

Subalit para sa grupo, ang tunay na bayani ay ang bawa’t isang Pilipino na nakikipagsapalaran sa dayuhang lupain na ito.


Mabuhay ang Lahing Kayumanggi!


*published in the June '09 issue of "Cover Focus Story", Philippine Digest


*photos by Din Eugenio


PD June '09, Editor's Note

Beyond the Horizon


Sa darating na Hunyo 12 ay gugunitain ng sambayanang Pilipino ang ika-111 na anibersaryo ng kasarinlan ng Pilipinas mula sa pananakop ng mga dayuhan. Kaya naman inihahandog ng Philippine Digest ang espesyal na edisyon na ito para sa lahat ng mga mambabasang Pilipino rito sa Japan, sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.


Balikan ang mga pangyayari noong ideklara ni Gen. Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite ang kalayaan ng Pilipinas laban sa mga mapanakop na dayuhan. Matapos ang maraming taon, tunay na nga kaya tayong malaya?


Kilalanin din ang mga tinaguriang “Bayaning Pilipino, Noon at Ngayon” at ang kanilang mga naging kontribusyon sa bansa. Una na ang Lahing Kayumanggi sa pangunguna ni Allison Opaon. Ang kanilang hilig sa katutubong musika at kasuotan pati na rin ang pagiging makabayan ang nagbigay-daan upang sila ay makatulong sa mga kababayang nangangailangan sa Mindanao. Dahil sa adhikaing makatulong sa kapwa ay hinirang ang grupo bilang “Gawad Geny Lopez Jr. Bayaning Pilipino sa Gawing-Japan 2009”; Si Manny Pacquiao, ang Pambansang Kamao, muli ay matagumpay na naman niyang napagkaisa ang mga Pilipino sa buong mundo sa kanyang nakaraang laban; Ang mga call center agents, propesyong in-demand ngayon sa bansa, bayani na rin na maituturing dahil tulad ng mga OFWs, malaki ang nai-ambag nila sa ekonomiya ng Pilipinas; Si PFC Erwin Salva, nangarap at nagpursige, ngayon ay isa ng magiting na sundalo na handang ialay ang sariling buhay para sa kaligtasan ng mga mamamayan sa Basilan; at magbalik-tanaw sa mga masasayang araw ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal sa Dapitan.


Ang pagmamahal sa bayan ay maipapakita na rin sa mga kasuotan at iba pang produkto na usong-uso ngayon. Alamin kung anu-ano ang mga ito. Tuklasin din ang lugar na pasyalan ng mga Pilipino sa Tokyo. Namnamin din ang simoy ng preskong hangin sa bahay-kubo suot ang barong tagalog at terno.


“Isang taong hindi makasarili, laging iniisip ang kapakanan ng naghihikahos at kailangang tulungan. Ang Bayaning Pilipino na humimlay na sa libingan ay dapat halawan ang kanilang magagandang asal at ambag sa lipunan. Ang Bayaning Pilipino na buhay at kasalukuyang aktibo sa paggampan sa tungkuling maka-Diyos at maka-tao ay dapat samahan at suportahan.” Ganito inilarawan ni Allison Opaon ang isang Bayaning Pilipino. Ikaw, sa iyong palagay, paano ka magiging bayani sa sarili mong paraan?



*published in the June '09 issue of "Beyond the Horizon", Philippine Digest


Where Pinoys Are


Ikaw ba ay bagong salta sa lungsod o kaya naman ay galing inaka at nagbabalak manirahan sa Tokyo? Nais mo bang maibsan ang iyong homesickness at mas dumami pa ang mga kaibigang Pinoy sa Land of the Rising Sun?


Sabi nga nila, saan man sulok ng mundo, tiyak may makakasalubong kang Pilipino. Karamihan sa kanila ay mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nakikipagsapalaran sa mga dayuhang lupain upang mabigyan ng maginhawang buhay ang naiwang pamilya sa Pilipinas. Dito sa Japan, may 202,592 Pilipino ang naitala ng Ministry of Justice sa taong 2007. Umakyat ito sa 221,817 noong nakaraang taon. Hindi pa kasama rito ang humigit kumulang sa 25,000 undocumented na Pilipino. Ngayon, tayo ay pang-apat sa dami ng bilang ng mga dayuhan sa buong bansa. Ang mga Japanese-Filipino marriages din ang may pinakamataas na antas sa taong 2006. Samantala, karamihan sa mga Pilipinong naninirahan at naghahanap-buhay dito ay mga short-term residents. Ang pamimirmihang ito ng mga Pilipino ay nagsimula pa noong panahon ng pananakop ng mga Hapones sa Pilipinas kung saan marami sa ating mga kababayan ang pumunta sa Japan upang mag-aral sa mga unibersidad.


Malaking lungsod ang Tokyo at kung ikaw ay bago sa lugar ay tiyak na maninibago ka sa bilis ng takbo ng buhay dito. Bahay-opisina ang karaniwang routine ng mga tao rito, mapa-Hapones man o dayuhan. Gayunpaman, maraming pasyalan dito na tunay na makakapagbigay-kasiyahan sa sinuman. Para sa ating mga Pilipino, mas masaya ang gagawing pamamasyal kung may makakasalamuha at makikilalang kapwa Pinoy. Darami na ang mga bagong kaibigan ay maiibsan pa ang nararamdamang kalungkutan.


Narito ang ilang lugar at pasyalan sa Tokyo na karaniwang puntahan ng mga Pinoy:

Embahada ng Pilipinas - Una na sa listahan ang ating Embahada sa Roppongi, partikular ang Consular section nito. Mula Linggo hanggang Huwebes ay siksikan ang mga kababayan natin sa loob nito habang nag-aayos ng mga dokumento. Sa labas naman ay ang mga kababayan nating nagbebenta ng mga international call cards, namimigay ng mga pamphlets at flyers at kung minsan pa nga ay nagtitinda ng mga pagkain at inumin.

Immigration Bureau - May iba’t ibang sangay ito sa buong bansa. Ngunit sa Tokyo, ang Shinagawa branch ang puntahan ng mga Pinoy na nag-aayos ng kanilang mga dokumento. May iba rin dayuhan na makikita rito.

Simbahan - Dahil ang mga Pinoy ay likas na relihiyoso, magsadya lamang sa mga simbahan tuwing Linggo at tiyak na maraming Pinoy na makikita rito. Ilan sa mga simbahang ito ay ang Franciscan Chapel sa Roppongi, Meguro Catholic Church, Akabane Catholic Church at St. Ignatius Church sa Yotsuya. Pagkatapos ng misa ay dagsa ang mga kababayan natin sa labas ng simbahan at di magkamayaw sa pagbili ng mga pagkaing-Pinoy na itinitinda rito.

Philippine store - Nagkalat ang mga Philippine stores sa Tokyo. Magtungo lamang dito at tiyak na magkakaroon ka ng nostalgic na pakiramdam sapagkat para ka na rin nasa isang mini-supermarket o sari-sari store sa sariling bansa. Bukod sa mga tindang Pinoy goods ay makakakilala ka pa ng kababayan dito.

Philippine restaurant - Marami na rin ang mga Philippine restaurants dito. Pumunta lamang sa Kinshicho at halos tabi-tabi na ang mga kainan na makikita rito. Tiyak na masarap na pagkaing Pinoy ang ihahain sa’yo ng nakangiting Pinoy staff.

Libreng Concerts at Events - Basta’t libreng concerts at events na may mga artista galing ‘Pinas ay tiyak na dudumugin ‘yan ng mga Pinoy. May mga pagtatanghal at pagtitipon din ang iba’t ibang Filipino groups na maaaring daluhan na tiyak na magpapalawak sa iyong network.

Shotengai - Mahilig mag-shopping ang mga Pinoy. Kung wala naman pera at matagal pa ang sweldo, kahit window-shopping ay ayos na rin.

Bazaar - Usong-uso ang mga ukay-ukay sa Pilipinas. Dito naman sa Japan ay tinatangkilik din ang mga bazaar na kadalasang matatagpuan malapit sa mga eki. Dahil ang mga Pinoy ay matiyaga sa paghalukay ng mga ‘hidden treasures’ at magaling tumawad ay pasok na pasok sila sa mga lugar na ito.

Second Hand Shop at 100 Yen Shop - Ang mga Pinoy ay mahilig sa abubot. Sa mga 100 yen at recycle shop ay may makikita at makikita kang kababayan na bumibili ng kung anu-ano para punuin ang balikbayan box na ipapadala sa mga mahal sa buhay sa Pilipinas.

Pamilihan at Parke - Marami rin Pinoy sa mga pamilihan katulad ng Ameyoko market sa Ueno at sa mga parke katulad ng Arisugawa Park sa Minami-Azabu at kung saan-saan pa.


Ilan lamang ito sa mga lugar na maaari mong puntahan kung ikaw ay naho-homesick at nais makakita ng mga kababayan at makaramdam ng Pinoy atmosphere sa Japan. Kaya naman sana’y iwasan na ang hindi pagpapansinan sa tuwing may makakasalubong na kapwa Pinoy sa daan. Ika nga sa isang kasabihan, “No man is an island.”


*published in the June '09 issue of "Let's Tour Tokyo", Philippine Digest

*photo by Din Eugenio


Monday, 22 March 2010

PD May '09, Editor's Note

Beyond the Horizon

Ipinagdiwang noong Marso ang International Month for Women na nagbigay-pugay sa kontribusyon at bahaging ginagampanan ng mga kababaihan sa lipunan. At ngayong buwan ng Mayo ay inihahandog ng Philippine Digest ang aming pagkilala sa kagalingan at katatagan ng mga kababaihan na may temang “Women Empowerment”.

Si Judy Ann Santos, huwaran ng modernang Pilipina. Malayo na nga ang narating ng ‘batang gubat na si Ula’. Nagsimula bilang child actress, nagsikap si Juday upang maabot ang kinang ng kanyang bituin at ngayon sa edad na 30 ay itinuturing na “Young Superstar” ng Philippine show biz.

Para sa nalalapit na espesyal na Araw ng mga Ina ay isang munting alay ang aming handog sa kanilang kadakilaan. Kilalanin din ang husay ni Cadette Roan Marie Dinco Bascugin na siyang nanguna sa PNPA Class ’09. Tunghayan din ang kwento ng pakikipagsapalaran ni Dada Docot, dating monbusho scholar at ngayo’y nagbalik-bayan upang bigyan katuparan ang matagal na niyang pangarap gawin. Nagpamalas din ng kanyang culinary talent si Chef Myrna Dizon Segismundo, Managing Director ng Restaurant 9501 sa nakaraang Philippine Food Festival 2009 sa Hilton Tokyo. At si Dolores Salamanca, tour guide at propesora na naging matagumpay sa kanyang karera.

Nariyan din ang Santacruzan, tradisyon na namana pa natin sa mga Kastila at patuloy pa rin ginugunita ng mga Pilipino hanggang ngayon. Hindi rin dapat palampasin ang aming beauty at health tips, pati na rin ang aming tampok na pasyalan, ang Tokyo Midtown na tiyak na magugustuhan ng mga working moms at single ladies.

Tunay na nag-evolve na nga ang papel ng mga kababaihan sa lipunan. Mula sa pagiging isang simpleng maybahay at butihing ina, nag-excel na rin sila sa kanilang mga napiling propesyon at ngayon nga ay kinikilala na ang kanilang kagalingan saan man sulok ng mundo. Kaya naman natatangi ang papuri at pagsaludo namin para sa kanila.

Mabuhay ka, Babaeng Pilipina!


*published in the May '09 issue of "Beyond the Horizon", Philippine Digest


Tokyo Midtown – Urban District with a New Style



Tulad ng ibang "City Within a City" na matatagpuan sa Tokyo, ang Tokyo Midtown (Tokyo Middotaun) ay isa rin composite urban district na binigyan ng makabagong disensyo. Ito ay may kabuuang sukat na 569,000 sq. meter at binubuo ng anim na gusali na may modernong pasilidad at atraksyon tulad ng mga high-end shops, restaurants, hotels, offices at museums. Ang kabuuan ng lugar ay napapaligiran ng mga matataba at masaganang puno, halaman at damo.

Noong panahon ng Edo period (1603-1868), ang lugar na ito ay villa residence ng feudal lord ng Mori Family, miyembro ng Hagi Clan. Meiji period (1868-1912) nang maging army post ang lugar at nagsilbing lokasyon ng U.S. Military officer housing noong World War II. Matapos ang digmaan, ito ay ginamit bilang Hinokicho government na nagtaguyod para sa Defense Agency ng bansa. Hanggang ngayon ay may nalalabi pang mga historical relics dito na nagpapakita ng mahaba at mahalagang kasaysayan ng lugar. Halimbawa na rito ang rockwork drainage ditch na mga labi ng villa ng Mori Family at ngayon nga’y ginagamit bilang retaining wall. Samantalang, ang 140 at mahigit pang puno na nakatanim sa lumang Defense Agency grounds ay ginawa ng greenbelt area ng Tokyo Midtown.

Nag-ugat sa temang “Design”, inilunsad noong taong 2000 ang konsepto ng atraksyon na ito sa pamamagitan ng relokasyon ng punong tanggapan ng Defense Agency mula sa Hinokicho patungo sa Ichigaya district. Ang ideyang ito ay nagbunga ng pagsasagawa ng isang premier, large-scale na proyekto na nagkakahalaga ng 370 billion yen at matatagpuan sa gitna at abalang lungsod ng Tokyo, kasama na rin ang Hinokicho Park. At noon ngang 2005 ay naisakatuparan na ang bahagi ng “urban revitalization” ng Tokyo bilang genuine cosmopolitan city sa pamamagitan ng pagtatayo ng Tokyo Midtown. Ang pangalang ito ay hango mula sa Midtown district ng New York na ngayon ay kilala na bilang lugar ng dibersyon at pahingahan. Samantala, bago napili ang brandmark ng Tokyo Midtown ay nakatanggap ng 7893 public applications para sa board symbol nito mula sa 45 na bansa. Ang likha ng graphic designer na si Atsushi Harano ang napili, isang impressive variation ng “M” na sumisimbolo ng pagpasok sa isang bagong mundo ng magandang bukas.

Ilan sa mga opisina ng kilalang kumpanya na matatagpuan dito ay ang Fujifilm, Fuji Xerox, Yahoo! Japan, Cisco Japan, Konami, pati na rin ang medical clinic na affiliated sa U.S.-based na Johns Hopkins Hospital. Nandito rin ang Ritz Carlton Hotel, ang kauna-unahang sangay ng hotel sa Tokyo; ang Galleria na naglalaman ng mga shops at restaurants tulad ng Terence Conran at Dean & Deluca. Makikita rin dito ang Design Sight 21_21, design gallery workshop na ginawa ng fashion designer na si Issey Miyake at architect na si Tadao Ando.

Dito rin matatagpuan ang pinakamataas na gusali sa Tokyo prefecture at pang-apat sa buong bansa, ang Midtown Tower na may taas na 248 meters. Nandito rin ang Suntory Museum of Art.

Working, Dwelling, Playing at Relaxing. Lahat ng ito ay magagawa dahil sa mga pasilidad at atraksyon na matatagpuan dito. Puno rin ng mga likhang sining ang bawat sulok ng lugar na tiyak na makakapagbigay ng magiliw na pagsalubong sa bawat lokal at dayuhang turista na magtutungo rito. Ito ay magandang puntahan din ng buong pamilya, mga single ladies at kahit pa mga working moms na nais na mag-relax at mag-enjoy.

Ang Tokyo Midtown ay nagbukas sa publiko noong March 2007 na may layuning palaganapin ang new value at sensitivity ng Japan sa buong mundo.

How to Get There:

Roppongi Station on the Toei-Oedo Line, Tokyo Midtown is directly connected to Exit 8 of the station; Roppongi Itchome Station on the Tokyo Metro Namboku Line, 10-minute walk from Exit 1 of the station.

*published in the May '09 issue of "Let's Tour Tokyo", Philippine Digest

*photo by Din Eugenio

Sunday, 21 March 2010

KDDI, ABS-CBN Stage "2D Next Level" Concert

Muli na naman pinasaya ng KKDI at ABS-CBN Japan ang mga KDDI Super World Card customers at TFCko subscribers sa pamamagitan ng “2D Next Level Concert” kasama ang KDDI endorser na si Sam Milby sa Sunpearl, Arakawa, Marso 7.

Kasamang nagtanghal ni “Rockoustic Heartthrob” Sam Milby ang tinaguriang “Big Band Crooner” ng Pilipinas na si Richard Poon at “Comedy Concert Queen” Ai-Ai De las Alas.

Isang magiliw at gwapong Sam Milby ang lumabas ng entablado na labis na ikinatuwa ng mga manonood. Sa saliw ng mga awiting "Mahal Pa Rin", "Only You", "Close To You" at "My Girl" ay pinakilig ni Sam ang mga kababaihang manonood.

"I am here because of my KDDI family," pahayag ni Sam na tatlong taon ng endorser ng KDDI Super World Card at nagdiriwang ng kanyang ika-apat na taon sa show biz.

Hinarana naman ni Richard Poon ang mga manonood sa mga standards na kanyang inawit tulad ng "You are the Sunshine of my LIfe", "Put your Head on My Shoulder" at "I Left My Heart in San Francisco". Para mapatunayan na mahal niya ang Pilipinas kahit na siya’y 100% Chinese, inawit din ng magaling na singer ang ilan sa mga Pinoy jukebox hits tulad ng "Isang Linggong Pag-ibig", "Tukso" at "Sayang" na ikinagalak naman ng mga manonood.

Walang humpay na katatawanan naman ang inihatid ng “Tanging Ina” na si Ai-ai de las Alas nang kanyang binirit ang mga awiting "Halik", Basang-basa sa Ulan" at I Don’t Wanna Miss a Thing" na hinaluan pa ng kanyang mga funny antics.

Sabay din na inawit ng tatlong bituin ang “Can’t Take My Eyes Off You” na kanilang last number sa pagtatanghal.

Samantala, pinasalamatan ni KDDI Senior Manager Kunio Shimada ang lahat ng dumalo ng gabing iyon at ibinahagi na ang KDDI Super World Card ang top selling phonecard sa merkado.

Namigay din ang KDDI ng mga Super World Cards, Sam Milby Original T-shirt at MP3 Music Player sa mga maswerteng manonood.

Kasabay din ng pagtatanghal ang pagdiriwang ng 2nd anniversary ng TFCko kung saan pinarangalan ng ABS-CBN Japan ang “Bayaning Pilipino sa Gawing Japan ’09 na si Allison Opaon.


*published in the April '09 issue of "Concert", Philippine Digest

*photos by Din Eugenio

Miss International Foreigner in Japan ‘09

This season’s much talked about pageant, the 5th Miss International Foreigner in Japan was held at the Gyotoku Cultural I & I last February 22 with twenty of the most beautiful candidates from five different countries, the Philippines, Thailand, Nepal, India and Kazakhstan.

The stunning contestants first appear on stage in their sports wear and individually introduced themselves. Then they appeared in their respective national costumes and were given the chance to answer in the Q&A portion. They later came in evening dress after which nine were chosen and declared winners of the coveted titles.

Miss International Foreigner in Japan 2009 was Marina of Kazakhstan who also bagged the Best in Talent award, Miss 0033 was Miss Ratchataporn of Thailand, Miss Philippines in Japan was Mariye Annette Roa, Miss Thailand in Japan was Yuwaret, Miss Nepal in Japan was Rosy, Miss Vote was Tanatip of Thailand, Miss Vote runner-up was Lalita of Thailand and Best in Traditional Dress was Maki Sato of the Philippines.

Guest performances include Farasha Bellydance, Kids Show from Indian International School, YOSAKOI Dance and Philippine Folk Dance.

Also, three lucky winners from the audience won plane tickets and mini-components. Thai and Indian foods were served. This event was sponsored by 0033 NTT Communications Agency, Life Support Co. Ltd., ThaiNews and others.


*published in the April '09 issue of "Faces", Philippine Digest

*photo by Din Eugenio

Tuesday, 16 March 2010

PD April '09, Editor's Note

Beyond the Horizon

Spring, Haru, Tagsibol. Magkakaibang-salita subalit may iisang kahulugan. Panahon para magpasalamat sa magandang klima ng tamang-tamang init at lamig at pagkakataon na rin upang ipagdiwang ang buhay, anuman ang pagsubok na kinakaharap. “Celebrate Life, Celebrate Spring, ang handog namin sa April issue na ito ng Philippine Digest.

Marahil ay marami ang napapaisip kung bakit si Gabby Concepcion ang napiling cover para sa issue na ito. Katulad ng tagsibol, heto muli ang “Golden Boy”, nagbabalik-show biz, muling sisibol at nakahandang ibalik ang ningning ng kanyang bituin matapos ang hibernation na ginawa dulot ng sunud-sunod na eskandalong kinasangkutan.

Magandang balita para sa mga Filipino War Veterans ng WWII ang pag-apruba ng Amerika sa benepisyong dapat ay matagal na nilang pinapakinabangan. Sana lamang ay isaalang-alang din ang partisipasyon ng mga beteranong namayapa na at bigyan-benepisyo ang kanilang mga naiwang pamilya.

Tulad ng pamumukadkad ng mga bulaklak, refreshing at nakakahalina rin ang gandang taglay ng mga nanalong kandidata sa ginanap na Ms. International (Foreigner) in Japan ‘09 kung saan dalawa sa ating mga Pinay beauties ang nag-uwi ng karangalan. Mai-inspire rin kayo sa mga kwento ng isang dating ALT at isang call center agent, mga propesyong in-demand ngayon sa Japan at sa Pilipinas. Para naman sa mga nagbabalak mag-hanami, hindi rin dapat palampasin ang aming featured travel spot, ang Ueno Park na isa sa mga popular na lugar na pinagdarausan ng mga hanami parties. Atin din ipagdiwang ang buhay, Philippine style!

Kasabay ng gagawin nating "spring cleaning" sa ating mga sarili ay ang paggunita natin sa pagpapakasakit ni Hesu Kristo upang iligtas ang sanlibutan at pag-alala sa Kanyang muling pagkabuhay dahil sa pagmamahal sa sangkatauhan.

Tapos na ang taglamig. Baka tulad ng mga hayop ay nasa hibernation stage ka pa rin. Gising, gising at gumawa ng mabuti sa kapwa. Kasabay ng gagawing pagtitika ay pag-isantabi sa mga hindi mabuting gawain at pagtanggap kay Hesu Kristo ng buong puso.

Happy Spring reading sa inyong lahat!


*published in the April '09 issue of "Beyond the Horizon", Philippine Digest