“May gantimpala bang dapat na asahan
Upang kumilos ng tama’t makatwiran
Saglit lamang ang ating buhay
Tilamsik sa Dakilang Apoy
Ang bukas na nais mong makita
Ngayon pa ma’y simulan mo na.”
-Excerpts from the song “Awit ng Mortal” by Joey Ayala
“Maraming-marami. Para malaman na may Dakilang Maylikha. Para makita ang Kanyang mga dakilang gawa. Para malaman kung ano ang mali, ano ang tama. Para mapag-aralan kung paano maging tunay na tao,” ito ang mga salitang namutawi sa kanyang mga labi sa kung ano sa tingin niya ang layon niya sa buhay.
Nagmula sa isang pamilyang salat sa yaman, si Allison M. Opaon ay isinilang noong Pebrero 7, 1962 sa Gingoog, Misamis Oriental. Sa murang edad ay batid na ni Allison ang kahulugan ng buhay. Nang magtapos ng hayskul ay natutuhan niyang sakahin ang munti nilang lupain na nagbigay-daan para makapag-aral ang kanyang mga kapatid.
Nagsumikap at patuloy na nangarap, lumuwas ng Maynila si Allison at namasukan sa pabrika ng sako ng bigas at tela at naging NGO worker din. Dahil sa walang ibang inaasahan kundi ang sarili ay nagkayod-kalabaw si Allison. Hanggang sa isang araw ay napabilang siya sa Teatro Pabrika, isang grupong pangkultura ng mga manggagawa na may kaugnayan sa Philippine Educational Theater Association (PETA). Likas na mahilig sa musika at pagganap sa entablado si Allison kaya naman ito ang nagbigay-pagkakataon sa kanya para maging stage actor. Dito nagsimula ang gulong ng swerte sa buhay ni Allison. Dahil sa mga kaalaman at natutuhan sa teatro ay dalawang beses siyang naimbitahan na magbigay ng workshops sa Tokyo at Osaka. And the rest is history, ika nga.
Sa pananatili sa bansang Hapon ay nakilala ni Allison ang kanyang kabiyak ng labindalawang taon na si Yumiko, isang Haponesa. Napabilang man sa tinatawag na international marriage couples, hindi naging hadlang sa kanilang pagmamahalan ang pagkakaroon ng magkaibang kultura.
Ngayon ay nagtatrabaho sa isang food processing company si Allison at tumatayong chairman ng KAFIN-Yokohama Chapter na tumutulong sa mga Pilipinang biktima ng domestic violence pati na rin sa mga problema ng Japanese-Filipino children at iba pa.
Pinoy ang Lahi Ko
Ang “Lahing Kayumanggi” ay isang Filipino alternative, ethnic folk-rock band kung saan si Allison ang lider at bokalista. Ito ay binuo noong Marso 1997 matapos ang pagtatanghal ng “Rebuild My Church” sa direksyon ni Dessa Quesada Palm ng PETA. Noong una’y pawang mga lalakeng taga-Mindanao ang mga miyembro nito. Nang lumaon ay nagkaroon ito ng dalawang bokalistang babae, sina Liberty Ito, tubong-Bulacan at simpleng maybahay ng isang Hapon at Anabel Kawano, tubong-Carmen, Surigao del Sur, single mother at nagtatrabaho sa supermarket. Si Masako Ishii , alternate kulintang player naman ang bukod-tanging Haponesa sa grupo mula Osaka. Habang ang dalawa pang lalakeng miyembro na sina Jing Adalid at Butch Abangan ay sa construction nagtatrabaho.
Ang grupo ay tumutugtog ng mga awiting pupukaw sa diwa at kamalayan ng mga Pilipino at Hapon suot ang mga katutubong kasuotan tulad ng malong at gamit ang mga katutubong instrumento tulad ng kulintang, bungkaka, kubing, hingalong, sarunay at gong.
Hindi naging hadlang ang pagiging undergraduate, construction worker, single mother o simpleng maybahay ng mga miyembro ng grupo para makatulong sa kapwa. Mula sa mga konsyertong kanilang nagawa sa paanyaya ng mga Japanese NGOs na may programa sa Pilipinas, unti-unting nakilala ang Lahing Kayumanggi sa buong Japan. Ito ay nagbunga ng “Give Peace a Chance to Mindanao” CD album kung saan ang benta ay inilalaan para sa mga evacuation centers sa Mindanao, sa tulong ng Moro Women Center ng Pasasambao at Disaster Response Center sa General Santos City. May Japanese NGO rin sa Mitaka City ang nais magfund-raising para makabili ng van na gagamiting ambulansiya ng mga buntis na Mangyan sa St. Barnabas Maternity Clinic sa Zambales. Kung may libreng oras ang mga miyembro ng Lahing Kayumanggi, sila ay mapapakinggan sa Ichikawa Catholic Church bilang mga choir singers.
Ang ‘Mahiwagang Barong Tagalog’
Habang nagbabakasyon sa Pilipinas ay napadaan si Allison sa isang mall. Dito’y nakita niya ang naka-display na barong tagalog. Hindi man batid kung saan ito gagamitin ay may kung ano sa kanyang sarili ang nagsasabing ito ay kanyang bilhin. Ang resulta, siya at ang kanyang grupong “Lahing Kayumanggi” ang napiling “Gawad Geny Lopez Jr. Bayaning Pilipino sa Gawing-Japan 2009” kung saan ang ‘mahiwagang barong tagalog’ ang kanyang isinuot.
Mula sa apat na finalists, tanging ang Lahing Kayumanggi lamang ang grupo. Dahil sa kanilang mabuting adhikain na ibahagi ang kulturang Pilipino sa dayuhang lupain at makatulong sa kapwa ay hindi nakakapagtakang sila ang nag-uwi ng prestihiyosong karangalan.
Sa kabila ng kasiyahang naramdaman, alam nina Allison, Jing, Butch, Liberty, Anabel at Masako na may kaakibat na responsibilidad ang karangalang natamo. Ang manguna sa gawaing may kabuluhan, walang kapagurang makatulong sa kapwa, pagsantabi ng pansariling interes at pag-intindi sa kapakanan ng mas nakakarami.
Subalit para sa grupo, ang tunay na bayani ay ang bawa’t isang Pilipino na nakikipagsapalaran sa dayuhang lupain na ito.
Mabuhay ang Lahing Kayumanggi!
*published in the June '09 issue of "Cover Focus Story", Philippine Digest
*photos by Din Eugenio