My photo
Editor-in-chief, Travel writer (International Press Japan Co. -- Philippine Digest Magazine); Intern (The Manila Times Publishing Corp.); Managing Editor (The Sentinel, Lyceum); News Editor (The Filters, BHS); 8th placer (News Writing, DSSPC)

Sunday, 14 December 2008

Ginza - Where Sophistication and Elegance Meet

Kaayaaya at natatanging commercial at shopping district sa Japan na may eastern at western touch. Ganito kung ilarawan ang Ginza, noon at ngayon.

Matatagpuan sa Chuo-ku, Tokyo, ang Ginza (gin- "silver", za- "guild") ay ipinangalan kasunod ng silver coin mint na itinatag ng mga Shogun sa lugar noong 1612. Taong 1860 nang ito ay buksan sa mga dayuhang mangangalakal matapos ang mahigit sa 200 taon na pagkakahimbing ng bansa. Matapos ang sunud-sunod na pinsalang dulot ng Great Fire of Tokyo, 1923 Great Kanto Earthquake at World War II ay isinaayos ang Ginza at ngayon ay itinuturing na isa sa mga simbolo ng pandaigdigang kultura at komersyo sa Tokyo.
Kilala ang Ginza hindi lamang sa Japan kundi pati na rin sa buong mundo dahil sa mga elegante at sopistikadang panghalina na matatagpuan dito, tulad ng mga brand shops ng Louis Vuitton, Chanel, Prada, Dior, Gucci, Coach, Bulgari at ang kabubukas pa lamang na H&M; art galleries ng mga magagaling na artists mula sa iba't-ibang bansa; tradisyonal na Japanese style-shops; at mamahaling mga coffee shops, restaurants, bars at department stores.
Naging popular din ang Ginza dahil sa sobrang mahal na presyo ng lupain. Ang one sq. meter ay nagkakahalaga ng mahigit sa 10 million yen.
Mga Atraksyon:
Ginza Wako- Isa sa mga pinakaluma at pinakamamahaling department stores sa Japan. Ito ay itinatag noong 1881 ni Kintaro Hattori bilang isang watch and jewelry shop na may pangalang K. Hattori (now Seiko Holdings Corporation). Mula 1894-1921, ang Hattori Clock Tower ang nakatayo rito na pinalitan ng mas bagong K. Hattori Building noong 1932. Nilagyan din ito ng orasan bilang pag-alala sa dating tore na matatagpuan dito. Ngayon, ang Hattori Big Clock ay itinuturing na simbolo ng Ginza at paboritong tagpuan ng mga lokal at dayuhang turista. Ito ay tumutunog sa saliw ng sikat na Westminster Chimes kada oras tulad din ng Big Ben sa London .
San-ai Building- Ito na marahil ang pinakatanyag na landmark sa Ginza dahil kadalasan itong makikita sa mga postcards at travel books. Kung dati'y ang billboard ng Vodafone ang makikita rito, ngayon ay ang anunsyo ng Ricoh, isang printer company na matatagpuan sa Ginza.
Kabukiza Theater- Binuksan sa publiko noong 1889, ito ang kauna-unahang teatro sa Tokyo na pinagtatanghalan ng tradisyonal na kabuki (literally means, "song, dance, and technique"; an all-male cast in Japanese classic tales and legends). Ito ay popular na pasyalan at panooran ng mga lokal at turista. May planong gibain ito at isaayos sa 2010 sa panseguridad na kadahilanan at muling buksan sa publiko sa 2013.

Sony Building- Kakaiba ang istruktura at disensyo, kaya naging popular na landmark ng Ginza simula pa noong 1966. Sa Sony Showroom, ay ang mga pinakabagong produkto ng Sony; Sony Shop na nagbebenta ng mga international models ng kanilang mga produkto; Opus Communication Zone: masusubukan ang isang video and audio entertainment na may mataas ng kalidad; Maxim's de Paris, isang French restaurant; at iba pang tindahan na nagbebenta ng mga Japanese souvenirs.

Mitsukoshi Depatment Store- Itinatag noong 1673 at binuksan sa Ginza noong 1930. Isa sa mga pinakamamahaling department stores sa Japan na may mga sangay din sa ibang bansa. May mga designer's boutiques dito.
Nissan Gallery- Dito makikita ang mga bago at classic cars na gawa ng Nissan.
Tsukiji Fish Market- Ang pinakamalaking tindahan at bagsakan ng isda at iba pang lamang-dagat sa buong Asya, pati na rin sa buong mundo ay nahahati sa dalawang bahagi, ang "inner market" (jonai shijo) kung saan may humigit-kumulang na 900 wholesale dealers at ang "outer market" (jogai shijo) na may wholesale at retail shops na nagtitinda ng mga Japanese kitchen tools, restaurant supplies, groceries, seafood at sushi.
Tsukiji Honganji- Indian-style Buddhist temple na simula pa noong 1617. Napinsala ng sunog at lindol at muling itinayo noong 1935 sa bago nitong lugar.
Nakajin Capsule Building- Ang unang capsule building na itinayo noong 1971 na susubok kung maaaring tirahan ng tao. May higaan at ilang appliances sa loob nito.
Hakuhinkan Toy Park- Isa sa pinakaluma at pinakamalaking tindahan ng laruan sa Japan na binuksan pa noong 1899.

Apple Store Ginza- Dito makikita ang mga pinakabagong produkto ng Apple. May theater room din dito na pinagdadausan ng mga tutorial lessons ng mga produkto ng Apple. Starbucks Japan- Taong 1996 nang buksan sa Ginza ang kauna-unahang Starbucks store sa Japan . Sa Ginza rin matatagpuan ang iba pang mamahaling department stores tulad ng Matsuya, Matsuzakaya, Printemps, Hankyu at Seibu. Ang mga kumpanyang Coca-cola at Warner Brothers ay matatagpuan din dito. Nandito rin ang Chikuyotei na tindahan ng isa sa pinakamasarap na unagi o eel sa buong Japan at Ginza Cafe Paulista na paboritong hangout ng Beatles legend na si John Lennon at asawang si Yoko Ono.
Nagkalat din ang mga sinehan dito tulad ng Cine Pathos at bars at pubs tulad ng Three Hundred at Duffy's.
Bukod sa mga elegante at sopistikadang atraksyon ng lugar, "Pedestrian's Paradise" rin kung tawagin ang Ginza dahil sa mga saradong kalsada ng Chuo Dori para sa mga sasakyan tuwing weekends; may mga street musicians na makikita rito.
Taun-taon, mula Nobyembre 15 hanggang matapos ang Holiday season ay iniilawan ang mga kalsada ng Ginza. Sa Ginzanamiki, 126 na puno ang inilawan ng 75,000 light bulbs at 76 na puno naman ang iniilawan ng 35,000 light bulbs sa Hanatsubaku.
How to Get There:
Take the Hibiya, Marunouchi and Ginza Subway Lines and get off at Ginza Station.
*published in the January '09 issue of "Let's Tour Tokyo", Philippine Digest*
*photos by Din Eugenio*

Wednesday, 3 December 2008

Hitomi Sakamoto: The Next Big Thing in Martial Arts

Isang manigong 'Mabuhay' para kay Hitomi Borilla Sakamoto, 17, Japino! Isinilang at lumaki rito sa Japan ngunit hindi nakakalimot na siya ay may dugong Pilipino.

Nasa ikatlong taon ng senior high school sa Toda Shoyo, hindi pangkaraniwang estudyante si Hitomi. Dahil bukod sa pagiging masipag na mag-aaral, part-time worker din siya sa isang chocolate factory. Hindi lamang 'yan, siya ay itinuturing din na martial arts wonder sa kanilang lugar sa Saitama-ken, Warabi-shi, dahil sa kanyang angkin galing sa aikido, kickboxing, grappling, judo at karate.

Siyam na taon gulang pa lamang si Hitomi nang siya ay mag-umpisa at mahilig sa aikido. Matapos ang ilang taon ng masusing ensayo, siya ay naging miyembro ng Warabi Aikido. Dahil sa kanyang ipinamalas na galing, na-feature siya sa newsletter ng Warabi-shi. Ipinadala rin siya sa Denmark kasama ang kanyang mga aikido sensei upang sumabak sa mga intensive trainings at workshops. Ipinalabas din siya sa isang programa sa Channel 4, Nihon Terebi. At ngayon Enero ay makakamtan na niya ang pinakaaasam na black belt na magbibigay-daan upang siya ay maging isang aikido sensei.

Bukod sa aikido, pambato rin sa grappling si Hitomi. Sa katunayan, mapapanood sa (http://ie.youtube.com/watch?v=wYReYzWxjKU) ang isa sa mga grappling tournaments na kanyang sinalihan. Umabot na ng mahigit sa 27,000 views sa Youtube ang laban niya na ito, kung saan iba't-ibang papuri ang kanyang natanggap mula sa mga taong nakapanood dito.

Mahusay din sa kickboxing si Hitomi at maraming kompetisyon na ang kanyang sinalihan. Sa isang panayam, natatawang ibinahagi ng kanyang ama na sa isang sparring session ay hindi sinasadyang matamaan ni Hitomi ang kanyang mukha na naging dahilan upang malagas ang ilan sa kanyang mga ipin.

"She's very strong," saad ng ama ni Hitomi sa wikang hapon. "I want her to become a Muay Thai champ and even a martial arts sensation," dagdag pa nito.
Buong-buo rin ang suporta ng ina kay Hitomi sa tuwing siya ay may ensayo at kompetisyon na dinadaluhan.

Judo ang kasalukuyang sports ni Hitomi sa kanyang paaralan. Nag-aral din siya ng karate ng dalawang taon.
Batid ni Hitomi na sa bawat laban na kanyang sinasalihan ay may nananalo at natatalo. Kaya naman sa mga pagkakataon na hindi siya ang nagwawagi ay tinatatagan niya ang kanyang kalooban at mas pinagbubuti sa mga susunod na laban.
"Hindi madali ang pagsabak sa martial arts subalit kung ikaw ay may determinasyon, lakas ng katawan at tibay ng loob ay walang imposible," pahayag ni Hitomi. Sa mga darating na panahon, hindi malayong maging kinatawan si Hitomi ng Japan o Pilipinas sa Asian Games, South East Asian Games o kahit pa sa Olympics dahil sa kanyang versatility at husay sa martial arts. At lalong hindi malabong siya ay magbigay-karangalan sa dalawang bansa at sumunod sa mga yapak nina Bea Lucero, Japoy Lizardo at iba pang martial arts champs.

*published in the January '09 issue of "Education Wonder", Philippine Digest*

*photos by Florenda Corpuz*


Saturday, 15 November 2008

To Dear Santa with Love

"Christmas and children go together. So do their stories and versions and comments about Christmas." -ArthurTonne
Christmas is for children for they are the ones who are innocent enough, and candidly open to life's blessings and wonders, to really feel the awe and wondrous magic of the season. And they believe in the trappings and traditions of Yuletide. To some adults, Christmas is humbug and a meaningless exercise in futility. But leave it to children to see the truth behind the practice. Never their joy diminish.

No wonder that kids are too thrilled about the coming Christmas and these four Japinos are no exception. Just give them a hint, and then you cannot stop them from writing down their greetings and wishes to Santa Claus. Ah, the enthusiasm of the young! And they are fervent in their hope that through Santa's magic, their desires would be granted.

Here are their wish list:
Inigo Kurane
5 years old
Britesparks International School
Senior Kinder


Jiro Amano
6 years old
Ryoke Hoikuen




Herisa Besonia
4 years old
Hoikuen

Shintaro Amano
10 years old

Asahi Higashi Shogakko

Grade 4



*published in the December '08 issue of "Education Wonder", Philippine Digest*

*photos by Florenda Corpuz*

Hibiya Park - Green Haven in the Business District

Kilalang pahingahan ng mga empleyado tuwing lunch break at pasyalan naman ng buong pamilya kapag weekends, ang Hibiya Park ang kauna-unahang "westernized urban-style park" sa Japan na matatagpuan sa gitna ng business district ng Tokyo. Ang Hibiya Park ang lugar kung saan dating nakatayo ang palasyo ng feudal lord na si Matsudaira Hizen-no-kami at iba pang feudal lords hanggang matapos ang Edo period (1603-1867). Unang bahagi ng Meiji period (1868-1912) nang gawin itong military parade ground ng Imperial army. Matapos ito’y muling idinisensyo ang lugar at naging isang modernong parke at binuksan sa publiko noong June 1, 1903. Isa rin ang Hibiya Park sa mga simbolo ng modernisasyon ng bansa matapos ang 1868.

Mga Atraksyon:

Dogwoods- Ito ay handog ng bansang Amerika sa Japan kapalit ng mga puno ng cherry na ibinigay ng Japan sa kanila. Ang mga ito’y nakatanim din sa iba pang parke sa Japan habang ang ilan sa mga nakatanim sa Hibiya Park ay mula pa sa mga orihinal na handog ng Amerika.
Green Path- Ang daan na ito ay binubuo ng mga kaaya-ayang green tunnels.
Health Field- Kung ikaw ay health conscious, ito ang lugar para sa ‘yo. Dito’y may mga kagamitan na susukat sa iyong tatag at lakas. Kadalasang nagpupunta rito ang mga empleyado tuwing lunch break upang mag-recharge.
Remains of Hibiya Guardpost- Ang naiwang ivy-covered stone walled mound sa dating Hibiya guardpost ng Edo Castle ay isa sa mga pangunahing atraksyon ng lugar.

Risky Ginkgo- Ito ang pinakamalaking ginkgo na matatagpuan sa parke at may edad na humigit-kumulang sa 400 na taon.

Seagull Field and local Forest- Isang fountain ang nakatayo sa gitna ng parke na idinisenyo kamukha ng isang black-headed gull, ang prefectural bird ng Tokyo. May 57 puno rin ang matatagpuan sa palibot ng parke na mula pa sa iba’t-ibang lugar sa buong Japan.
Monuments and Sculptures- Dito matatagpuan ang estatwa ng Lupa Romana na handog ng bansang Italya sa Japan noong 1938. Ito’y sumisimbolo sa dalawang magkapatid, Romulus and Remus, sa Roman mythology na pinalaki ng mga lobo. Makikita rin dito ang Bell of Liberty galing Amerika. Kabilang din sa mga atraksyon ng lugar ang mga malalaking bato na ipinagkaloob ng Antarctica, Scandinavia at Micronesia sa pamahalaang Hapon.

Dr. Jose Rizal’s Bust- Lingid sa kaalaman ng karamihan ng mga Pilipino dito sa Japan, isang bust ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal ang matatagpuan sa Hibiya Park. Ito ay makikita sa tapat ng Imperial Hotel (dating Tokyo Hotel), kung saan namalagi si Rizal mula Marso 1-7, 1888. Ngayon na gugunitain ang ika-112 anibersaryo ng kamatayan ng ating pambansang bayani, mainam na dalawin ang kanyang bantayog at mag-alay ng panalangin at bulaklak.
Bukod sa mga pangunahing atraksyong ito ng Hibiya Park, may mga public halls, silid-aklatan, parade ground, tennis courts, children’s playground at mga kainan din dito.

Iba’t-ibang uri rin ng magagandang bulaklak ang makikita rito sa kabuuan ng taon. Kabilang na ang mga azaleas at tulips tuwing Abril, rosas tuwing Mayo at chrysanthemums tuwing Nobyembre.
Libre ang entrance fee rito.
How to Get There:
Ang Hibiya Park ay 2-minute walk mula sa Kasumigaseki Sta. sa Marunouchi line, Chiyoda line o Hibiya line; 8-minute walk mula sa Yurakucho Sta. sa JR line.

*published in the December '08 issue of "Let's Tour Tokyo", Philippine Digest*
*photos by Din Eugenio*







Merii Kurisumasu o Maligayang Pasko?


Ilang araw na lang, Pasko na! Nandito ka man sa Japan o Pilipinas ay tiyak na iba't-ibang Christmas songs at displays ang pupukaw sa iyong atensyon.

Sinasabi ng karamihan na ang Pasko sa Pilipinas ang may pinakamahabang preparasyon at selebrasyon. Ber month pa lang ay mararamdaman na ang simoy ng kapaskuhan.

Disyembre 16, opisyal na simula ng pagdiriwang. Bata at matanda, abalang-abala pagsapit pa lamang ng alas-tres ng madaling araw. Kahit malamig ang simoy ng hangin at madilim-dilim pa ay maraming tao na ang makikita sa kalsada. Mga pamilyang sama-samang naglalakad patungong simbahan, mga magkakaibigang sabay-sabay na magsisimba at mga magkasintahang sweet na sweet na dadalo sa misa. May kasabihan na kapag nakumpleto mo ang siyam na araw ng simbang gabi na tatagal hanggang Disyembre 24, ay matutupad ang iyong Christmas wish.

Pagkatapos ng simbang gabi, sabik ang lahat na kumain ng paboritong puto bumbong, bibingka, kutsinta, arroz caldo, lugaw, mainit na tsokolate at kape na tinda sa labas ng simbahan.

Pagdating naman ng gabi, ang mga bata, nagbabahay-bahay at nangangaroling. Tuwang-tuwa sa mga pamaskong barya na kanilang natanggap.

Sa mga malls at groceries, siksikan ang mga mamimili. Naghahanap ng mga Christmas sales na swak sa budget.

Sa mga paaralan at opisina naman, masayang Christmas party at exchange gift ang nagaganap. Kris kringle at monito monita. "Sino ang nabunot mo?", "Anong regalo ang natanggap mo?" ang kadalasang maririnig.

Pagsapit ng noche buena, ang buong pamilya sama-sama. Nagpapalitan ng pagbati ng "Maligayang Pasko" bago sabay-sabay na pagsasaluhan ang mga pagkain sa hapag. Hamon, pansit, lumpia, spaghetti, tinapay, lechon at fruit salad. Ang mga kapamilya naman na nasa ibang bansa, nag-o-overseas call na at bumabati ng "Merry Christmas". At pagkatapos ng batian, kainan, iyakan at masayang kwentuhan, sabik ang bawat isa na buksan ang kanilang mga natanggap na regalo.

Disyembre 25, ang mga ninong at ninang naghihintay sa kanilang mga inaanak habang ang iba naman ay tila nagtatago dahil wala pang nakahandang pamaskong aginaldo. "Sa Bagong Taon na lang", ang litanya ng ilan.

Nakaka-miss ang Pasko sa atin, hindi ba?

Dito sa Japan, hindi man kasing-saya sa Pilipinas ang paraan ng pagdiriwang ay mararamdaman pa rin ang kapaskuhan dahil sa mga nagkalat na Christmas greetings at displays sa mga commercial establishments at ilang tahanan.

Ayon sa mga tala, ipinakilala ang Pasko rito noong ika-16 na siglo nang dumating ang mga taga-Europa at dalhin ang Kristiyanismo. Sa kabila ng maliit na porsyento ng relihiyon sa bansa, ito ay naging popular na pagdiriwang sa mga lungsod dahil na rin sa impluwensiya ng mga programang Amerikano at mga Christmas products na ginagawa ng mga Hapon para sa ibang bansa.

Hindi national holiday ang Disyembre 25 dito. Sa katunayan, kung ito ay papatak sa weekday ay asahan mo na ang mga estudyante at empleyado ay nasa kanilang mga paaralan at opisina.

Katulad ng pamilyang Pilipino, nagsasalu-salo rin sa hapag ang buong mag-anak pagsapit ng alas-dose ng gabi at bumabati ng "Merii Kurisumasu". Ang kadalasang handa ay manok at strawberry whipped cream cake na popular na pagkain dito tuwing noche buena.

Nagbibigay din ng regalo ang mga magulang sa kanilang mga anak subalit hindi ang mga anak sa paniwalang si Santa Claus (Hotei-osho sa kanila, isang god o pari na parang si Santa Claus) lamang ang nagbibigay ng regalo.

Ang Pasko rito ay maihahalintulad din sa Araw ng mga Puso dahil ang mga magkasintahan ay sweet na sweet na namamasyal at kumakain sa mga restaurants.

May ilan din mga tao na nagpupunta sa mga temples at shrines at nagpapasalamat sa mga biyayang kanilang natatanggap.

Sa madaling salita, ipinagdiriwang din ang Pasko rito sa Japan subalit mas commercialized ang dating at kulang sa tunay na kahulugan.

Masaya sana kung sa Pilipinas tayo magdiriwang ng Pasko, kapiling ang buong pamilya. Pero sa totoo lang, kahit nasaan man tayo, magkakaiba man ang paraan ng pagdiriwang, ngunit hangga't nananatili sa ating puso at isipan ang tunay na diwa at kahulugan ng araw na ito, ang kaarawan ni Hesu Kristo ay magiging maligaya pa rin ang ating Pasko.

Maligayang Pasko sa inyong lahat!

*published in the December '08 issue of "Beyond the Horizon", Philippine Digest*

Thursday, 23 October 2008

'Kapamilya' Stars Rock Japan (Part 3)





Walang patid na kantahan at kasiyahan ang pumuno sa Hokutopia, Sakura Hall, gabi ng Setyembre 21, nang magtanghal ang mga paborito at hinahangaang bituin ng henerasyon na sina Sam Milby, Erik Santos, Chokoleit at Vina Morales.
Matapos ang matagumpay na paglulunsad at pasasalamat ng TFCko sa pamamagitan ng "Kapamilya Invades Japan: The Dream Concert Tour 2007" at "Yokoso Kapamilya: The ABS-CBN Housewarming Party" ay muling inihatid ng ABS-CBN Japan ang "Libre Kanta, Libre Kwela: A Kapamilya Konsert" para magbigay-saya sa mga Pilipino dito sa Japan lalung-lalo na sa mga patuloy na tumatangkilik ng TFCko.

Hindi magkamayaw ang tilian at sigawan ng mga manonood nang sabay-sabay na lumabas ng entablado sina Sam, Erik, Chokoleit at Vina at awitin ang mga Pinoy hits na "Sugod", "Tara Let's", "Sandal", "Darna" at "Superhero". Lalo pang umugong ang sigawan ng mga tagahanga nang isa-isang nang magtanghal ang apat na bituin.

Sinimulan ni "Prince of Pop", Erik Santos ang kanyang solo performance sa pamamagitan ng mga awiting "Next in Line" at "This is the Moment". Inialay ni Erik ang mga kantang ito sa lahat ng mga OFWs na nakikipagsapalaran dito sa Japan at buong pusong ipinagmalaki na siya ay anak ng isang OFW. Dahil sa sobrang kagalakan na muling makarating at makapag-tanghal dito ay halos makalimutan na ni Erik ang mga linya ng awitin.

Bumuhos naman ng katatawanan at kasiyahan nang magtanghal na ang tinaguriang "Latest Flavor of TV Comedy" na si Chokoleit. Ipinamalas niya ang kanyang galing sa stand-up comedy na sinuklian naman ng magandang pagtanggap ng mga manonood. "One of the best countries that I've been to talaga ang Japan. Masarap balik-balikan ang lugar, pagkain at mga tao," saad ng komedyante. Hindi maitatangging si Chokoleit ay isa sa mga talaga nga namang pinalakpakan ng gabing iyon, lalung-lalo na ang kanyang pamosong beauty contest stint.

Sa kabila ng kanyang maselang kondisyon ay pinatunayan ni Vina Morales na karapat-dapat nga siyang tawaging "Ultimate Performer" dahil sa kanyang galing sa pagkanta at pagsayaw. Pinaindak niya ang mga manonood sa saliw ng musikang "Lets Get the Party Started", "Tuloy pa rin", "Bongga ka Day" at "Awitin Mo at Isasayaw Ko". Pagkatapos nito'y ilang Pinoy love songs din ang kanyang binirit tulad ng "Pangako Sa 'yo", "Kailangan Kita" at "Kahit Isang Saglit".
Nag-duet din sina Erik at Vina ng awiting "Maging Sino Ka Man".

Hindi naman binigo ng "Rockoustic Heartthrob" na si Sam Milby ang mga manonood ng awitin niya ang "My Girl", "Only You" at "Close To You" na tunay na nagpakilig sa mga kababaihan ng gabing iyon. Isa si Sam sa mga most requested artists ng mga Pinoy dito sa Japan dahil sa kanyang galing sa pagkanta at karisma sa mga tagahanga.
Isang nakakaindak na duet ng "Kiss" at "Simply Irresistible" rin ang pinaunlakan nina Sam at Erik na sinabayan pa ng pagrampa ng kwelang si Chokoleit sa entablado na lalong nagpasaya sa mga manonood. Samantala, nagpasalamat naman ang ABS-CBN Japan Managing Director na si Jeffrey Remigio sa mga sponsors at TFCko subscribers na walang sawang tumatangkilik sa mga programa ng ABS-CBN. Inihayag din niya ang tatlong layunin ng pagtatanghal: ang paglulunsad ng Star Studio Magazine dito sa Japan; ang maibalik sa mga TFCko subscribers ang suportang ibinibigay nila sa ABS-CBN; at ang paglulunsad ng pinakabagong proyekto ng ABS-CBN Japan, ang "Gawad Geny Lopez, Bayaning Pilipino Awards, Bayaning Pilipino sa Gawing-Japan".

Nagbigay din ng mensahe si Fr. Nilo Tanalega, S.J., ng Ugat Foundation na siyang nangangasiwa sa pagpili ng mga nominado para sa Bayaning Pilipino Awards. Kasabay nito'y ipinakilala rin sa mga manonood si Elvie Okabe, aktibong lider ng Filipino community dito at isang Bayaning Pilipino Awardee.

Sa saliw ng awiting "Sugod" ay muling nagtipun-tipon sa entablado sina Sam, Erik, Chokoleit at Vina at pinasalamatan ang lahat ng taong dumalo ng gabing iyon.

Nagbigay din ng mga give aways ang KDDI sa mga mapalad na manonood.

Ang pagtatanghal na ito ay inihandog ng ABS-CBN Japan at KDDI, sa tulong na rin ng Philippine Digest at iba pang sponsors.
*published in the November '08 issue of "Concert", Philippine Digest*
*photos by Florenda Corpuz*

Saturday, 11 October 2008

Odawara Castle Park - Fusion of The Old and The New

Ang Odawara Castle ay sinasabing isa sa pinakamalaking kastilyo sa Japan noong medieval times at ngayo’y itinuturing na simbolo ng lungsod ng Odawara sa Kanagawa-ken.
Nahahati sa dalawang bahagi, ang Honmaru at Ninomaru, ang Odawara Castle ay unang itinayo noong 1417 nang mapadpad sa Odawara ang pamilya Omori. Ito’y nagsilbing tirahan ng pamilya Hojo noong 1495 at naging pangunahing lugar na naghari sa kabuuan ng Kanto.
Sa paglipas ng panahon, napasa-kamay ng iba’t-ibang tagapamuno ang Odawara Castle. Edo period nang pagharian ito ni Ieyasu Tokugawa at pamunuan ng pamilya Okubo. Dahil sa hindi maayos na pamamalakad ay lumiit ang kastilyo at napabilang na lamang sa “San-no-Maru”.
Subalit ng ito’y pamunuan na ng pamilya Inaba ay malawakang pagsasaayos ang isinagawa rito kaya’t nanumbalik ang nawalang kinang ng Odawara Castle at muling napabilang sa isa sa mga moderno at makabagong kastilyo ng panahon. Muling inokupa at pinamunuan ng pamilya Okubo ang kastilyo at nagsilbing kuta kasama ang mga bundok ng Hakone na mangangalaga sa buong Kanto pati na rin sa tirahan ng Fudai Daimyo, isang feudal lord na malapit sa gobyerno.

Dahil sa matatag nitong pagkakatayo sa burol at mga tubig, tuyong kanal, pader at matatarik na bato na nakapaligid dito ay nagkaroon ng malakas na depensa ang Odawara Castle laban sa mga magigiting na mandirigmang nagtangkang sumakop dito. Ngunit matapos ang ilang beses na pagtatangkang sakupin ito ay tuluyan nang inabandona ng mga pinuno at tauhan ang Odawara Castle noong 1870. Karamihan sa mga bahagi nito’y nasira samantalang ang mga batong pader naman nito’y iginuho ng “Great Kanto Earthquake” noong 1923.

Sa kasalukuyan, ang malaking bahagi ng Honmaru at Ninomaru ay itinuturing na pambansang bantayog. Samantalang ang bahaging pumapalibot naman sa Honmaru ay ginawang “Joshi Koen” o Castle Park at “Tenshukaku”, isang donjon, na muling isinaayos noong 1960, kasunod ang pagsasagawa ng Tokiwagi-mon Gate noong 1971.

Mga Atraksyon:

Odawarajo Tenshukaku
(Donjon)

Ang “Tenshukaku” ay isang donjon na itinayo sa bahagi ng Honmaru bilang simbolo ng kastilyo. Ayon sa mga tala, taong 1634 nang umakyat dito ang pangatlong Shogun na si Iemitsu Tokugawa at magalak nang kanyang masilayan ang mga pandigmang sandata at ang makapigil-hiningang tanawin ng Odawara.

Matapos lisanin noong 1870, ang Tenshukaku ay muling isinaayos at binuksan sa publiko noong 1960 bilang paggunita sa ika-20 anibersaryo ng pagiging isang lungsod ng Odawara.

Sa loob nito’y isang exhibition hall na naglalaman ng mga sinaunang dokumento, kagamitan, armas, espada at iba pang sandatang pandigma. Ang tuktok na palapag naman ay naghahatid ng magandang tanawin ng Sagami Bay kung saan makikita ang Boso Peninsula. (Open from 9 am -5 pm; Admission fee - 400 yen / adult, 150 yen elementary / junior high school).

Odawarajo Rekishi-Kenbunkan
Dito maiintindihan ang kasaysayan ng Odawarajo sa pamamagitan ng tatlong palabas, ang “Hojo Godai Zone” kung saan isang shadow picture-story show ng feudal lord na si Soun Hojo ang mapapanood; ang “Edo Jidai Zone” na nagpapakita ng miniature models ng mga dating itsura ng mga gusali sa lugar na ito ng Odawara; ang “Odawara Joho Zone” hatid ang mga magagandang tanawin ng Odawara sa pamamagitan ng isang laro na kung tawagin ay “Odawara Tanken Game”. (Open from 9 am – 5 pm; Admission fee - 300 yen / adult, 100 yen / elementary / junior high school).

Tokiwagi-mon Gate
Matatagpuan sa harap ng Honmaru, ang Tokiwagi-mon gate ang pinakamalaki at pinakamatatag na pinto ng Odawara castle.

Ang pangalang “Tokiwagi” ay kumakatawan sa puno ng evergreen at pinaniniwalaang nagpapanatili sa kasaganaan ng kastilyo. May mga pine trees sa paligid nito na nananatiling matayog sa paglipas ng panahon.

Dito’y maaaring umupa ng sandata ng isang samurai at kimono at magpalitrato na tunay na magandang alaala sa pagpunta sa lugar.

Ayon sa mga tala, ang daanan na ito ay nakatayo na simula pa lamang ng Edo period at muling isinaayos at binuksan sa publiko noong 1971, matapos abandonahin noong 1870.

Akagane-mon Gate
Ito ay nakapwesto sa harap ng Ninomaru hanggang sa ito’y masira noong 1872 matapos ang pag-abandona sa lugar noong 1870. Muli itong inayos noong 1997 at nabuksan sa publiko noong 1998.

Ang pangalang “Akagane-mon” ay hango sa palamuting copper fittings na ginagamit sa mga malalaking pinto.

Zoo/Children’s Playground
Isang mini-zoo at children’s playground din ang matatagpuan dito na muling itinayo noong 1950 matapos ipasara ng pamahalaan noong Meiji period. May mga unggoy at elepante na kung tawagin ay si “Umeko”. May miniature train, automobiles at merry cup din dito na tunay na mabentang-mabenta sa mga bata.

May mga magagandang bulaklak din ng cherry blossoms at azaleas ang makikita sa paligid ng Odawara Castle lalo na tuwing panahon ng tagsibol.

Ginawa na rin video game ang isa sa mga “Siege of Odawara” kung saan tampok ang pakikipaglaban ni Hideyoshi sa “Samurai Warriors 2”.

How to Get there:
Ang Odawara Castle Park ay 10-minute walk mula sa Odawara Sta. sa JR Tokaido Shinkansen line, JR line, Odakyu line, Daiyuzan line at Hakone Tozan line.

*photos by Al Eugenio*
*published in the November '08 issue of "Let's Tour Japan", Philippine Digest*

Wednesday, 17 September 2008

Isulong ang Wikang Ingles, Pagyamanin ang Wikang Filipino

"Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika, daig pa ang malansa at mabahong isda." -Dr. Jose Rizal

Bahagi na ng kulturang Pilipino ang wikang Ingles dahil sa ilang taong pagsakop ng mga Amerikano sa Pilipinas at patuloy na impluwensiya nila sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino. Ito rin ang pangunahing dahilan kung bakit marami sa atin ang may sapat na kaalaman at kasanayan sa pakikipagtalastasan sa wikang ito.

Madalas na ginagamit ang Ingles sa mga tahanan, paaralan, pribadong opisina at ahensya ng gobyerno. Sa katunayan, isa ito sa mga asignaturang pinag-aaralan ng mga estudyante. Ito rin ang wikang ginagamit ng mga guro sa kanilang pagtuturo. Sa Ingles din nakalathala ang karamihan sa mga aklat at babasahin. Ang ilang programa sa telebisyon at sa radyo ay mapapanood at mapapakikinggan din sa Ingles. Kaya naman hindi nakapagtatakang lumawak ang kaalaman ng mga Pilipino sa wikang banyaga na ito.

Itinuturing na "universal language", ang Ingles ay isa sa mga opisyal na wika ng mahigit sa 70 bansa. Kaya naman angat ang galing ng Pilipino lalo na ng mga call center agents at OFWs sa tuwing kakailanganin nila itong gamitin sa pakikipag-usap sa mga dayuhang kanilang pinagsisilbihan.

Sinasabi sa ilang mga survey na ang Pilipinas ang pangatlong bansa sa buong mundo, sunod sa Inglatera at Estados Unidos kung saan Ingles ang ginagamit ng mga tao. Ngunit ayon sa mga kritiko ay bumababa na ang kalidad ng Ingles ng mga Pilipino na nangangahulugan lamang ng pagbaba ng bilang ng magandang oportunidad para kay Juan dela Cruz. Dahil dito'y kabi-kabilang suhestiyon ang inilalatag para matugunan ang suliraning ito at maisulong ang pagtaas ng kalidad ng Ingles sa bansa.

Mabuting adhikain, hindi po ba? Subalit kung iisiping mabuti, hindi ba't ang Filipino ang pambansang wika ng Pilipinas at hindi ang Ingles? Kung isinusulong ng karamihan ang pagtaas ng kalidad nito, may natitira pa bang Pilipino, bukod sa iilang nasyonalista at makabayan na nagsusulong ng pagtaas ng kalidad ng wikang Filipino?

Sa totoo lang, ang wikang Filipino ay napagtutuunan na lamang ng pansin tuwing buwan ng wika at tila maririnig na lamang sa mga kampanya ng mga pulitiko at sa mga probinsya at malalayong lugar sa Pilipinas. Sa kamaynilaan naman, mabibilang na lamang ang mga Pilipinong gumagamit ng purong Filipino dahil sa paggamit ng "Taglish" o kombinasyon ng Tagalog at Ingles.

Ngayon na tila ang kahusayan sa Ingles ang nagiging sukatan at basehan ng kagalingan ng tao, saan na patungo ang wikang Filipino? Hindi ba't nararapat na mas una itong bigyang-pansin at pagyamanin kesa sa kung ano pa mang banyagang wika dahil ito'y sariling atin?

Oo nga't hindi maitatanggi ang katotohanang ang kahusayan sa Ingles ay may hatid na magandang oportunidad at trabaho para sa atin. Subalit huwag naman sana nating kaligtaan na responsibilidad din ng bawat isa sa atin na pagyamanin ang sariling wika natin, ang Filipino, at ipagmalaki ito. Kundi ay baka mag-amoy malansa nga tayo tulad ng winika ni Rizal. Higit na tataas ang tingin ng mundo sa lahing Pilipino kung sabay nilang makikita ang kasanayan natin sa Ingles at kahusayan at pagmamahal natin sa ating pambansang wika.

*published in the October '08 issue of "Beyond the Horizon", Philippine Digest*

Saturday, 6 September 2008

Roppongi Hills - The City Within a City

Kung ikaw ay nagbabalak mamasyal sa isang lugar, hindi ba’t ang kadalasang tanong mo’y kung ano ang pwedeng gawin dito? Sa Roppongi Hills, hindi problema ‘yan, dahil sa dami ng pwedeng pagpilian na gawin.

Sa simula’y tila isang pangarap lamang para kay billionaire developer Minoru Mori na gawing isang "ultra-high rise city" ang "flat urban sprawl" ng Tokyo ngunit ito’y nabigyan ng kaganapan nang mapangunahan niya ang pagtatayo ng isa sa pinakamoderno at pinakakilalang pasyalan ngayon sa Tokyo, ang Roppongi Hills.
Ang pangarap na ito ni Mori ay nag-ugat sa kanyang kagustuhan na magkaroon ng isang lugar kung saan maaaring magtrabaho, maglibang, manirahan at matuto ang pangkaraniwang manggagawang Hapon na hindi nababawasan ang kanyang leisure time at quality of life dulot ng mahabang oras ng pagbabiyahe. Hindi naging madali para kay Mori na isakatuparan ang pangarap na ito dahil sa tradisyunal na patakaran sa paggamit sa lupa na umiiral sa Tokyo .
Ngunit matapos ang 17 taon na pagpupunyagi ay nagkaroon ng katuparan ang kanyang hangarin. At noon ngang Abril 2003 ay pormal na nagbukas sa publiko ang 27 ektaryang Roppongi Hills sa tulong na rin ng 400 may-ari ng mga maliliit na lupain.
Ngayon ay tinaguriang "City within a City", ang Roppongi Hills ay binubuo ng walong bahagi. Ang Metro Hat/Hollywood Plaza, Mori Tower, Roppongi Hills Arena/TV Asahi Building/Mori Garden, Toho Virgin Cinemas, West Walk/Hillside, Keyakizaka Doori, Roppongi Hills Residences at Grand Hyatt Tokyo kung saan ang 54 na palapag na Mori Tower ang siyang pinakatampok na atraksyon.

Ang bawat isang bahagi na ito ng Roppongi Hills ay may kanya-kanyang atraksyon na dinadagsa ng mga lokal at dayuhang turista. Ilan sa mga panghalina nito ay ang Tokyo City View hatid ang makapigil-hiningang panoramic view ng lungsod; Higanteng Gagamba na tinatawag na "Maman" na isa sa mga simbolo ng lugar; Sky Aquarium kung saan makakakita ng iba’t-ibang uri ng isda at laman-dagat; Mori Art Museum na may mga nakakamanghang art displays; Roppongi Academy Hills na isang silid-aklatan para sa mga miyembro nito; Mori Garden kung saan makakakita ng authentic Japanese garden at Roppongi Hills Arena na ginawang city plaza kung saan laging may mga masasayang kaganapan. Hindi lamang ‘yan, may mahigit sa 200 restaurants, cafes at shopping boutiques din dito.
Ilang naglalakihang kompanya rin ang nag-oopisina rito tulad ng Goldman Sachs & Co. at Lehman Brothers. Ang Roppongi Hills din ang sinasabing simbolo ng industriya ng Information Technology dahil sa mga kompanya ng IT tulad ng Rakuten, Livedoor at Yahoo! Japan na nag-oopisina rito. Kumpleto rin sa makabagong pasilidad ang Roppongi Hills.
Makalipas ang limang taon mula nang magbukas ang Roppongi Hills ay patuloy pa rin itong dinadagsa ng mga tao. Sa katunayan, umaabot sa mahigit sa 300,000 lokal at dayuhang turista ang bumibisita rito araw-araw.
How to Get There:
Ang Roppongi Hills ay 0-minute walk mula sa Exit 1C ng Roppongi Station (Hibiya Line) at 4-minute walk mula sa Exit 3 ng Roppongi Station (Oedo Line).

*photos by Din Eugenio*

*published in the October '08 issue of "Let's Tour Tokyo", Philippine Digest*

Friday, 8 August 2008

Respecting the Philippine Flag

Sa isang undoukai (exercise meet), tanong ng isang Pilipina sa Nihonggo, "Bakit walang Philippine flag na nakasabit kasama ng ibang flags?" sagot ng kausap na Hapones, "Pumunta ka sa mga Philippine pub, malalaking flags ang nakasabit doon."

Kung ikaw ay isang Pilipino, hindi ka ba maiinsulto?

Simula ng si Juan dela Cruz ay tumapak sa paaralan ay itinuro na sa kanya ng mga guro ang kahulugan at kahalagahan ng pambansang watawat. At sa paglipas ng panahon ay tumatak sa kanyang puso't isipan ang respeto at pagpapahalagang nararapat ibigay para rito. Tuwing may flag ceremony at mahahalagang okasyon ay binibigyang-pugay niya ito sapagkat para sa kanya, ito ang tunay na simbolo ng kasarinlan ng kanyang bansa at pagka-Pilipino.

Nakasaad sa Republic Act 8491 o ang Flag Heraldic Code of the Philippines ang tamang pangangalaga sa pambansang watawat at ang mga bagay na ipinagbabawal gawin dito. Ilan sa mga hindi pinahihintulutan ng batas ay ang paglibak, paggamit bilang dekorasyon o tatak ng isang produkto at paglalagay sa mga di kaaya-ayang lugar tulad ng mga clubs na karaniwan nang tanawin sa mga Philippine establishments dito sa Japan.

Ayon kay Cultural and Filipino Community Affairs Vice Consul Anna De Vera, sakop ng batas na ito ang mga Philippine establishments na nag-ooperate dito sa Japan subalit wala pang natatanggap na reklamo ang embahada hinggil sa isyung ito.

"Every Filipino is responsible in treating our flag with high respect. As of this moment, we don't have any system to monitor this situation but every time we get to see Philippine establishments that display worn out flags, we immediately call the attention of the owners," dagdag pa ni De Vera.

Marami sa mga may-ari ng Philippine stores, restaurants at night clubs ang kulang o walang kaalaman ukol sa batas na ito kaya naman naglipana ang mga flag displays sa kani-kanilang mga establisimyento.

"Hindi ko alam na may ganyan palang batas. Pero nilagay ko lang naman 'yan para malaman ng mga customers, Pilipino at Hapon, na ito ay isang Philippine establishment," pahayag ni Jenny, may-ari ng isang tindahan.

Sa ganitong sitwasyon kung saan kulang ang kaalaman ng mga may-ari ng mga Philippine establishments at wala pang mainam na solusyon ang embahada ukol sa isyung ito, mainam na maging responsable na lamang ang mga may-ari ng mga nasabing establisimyento sa kanilang ginagawang pag-display lalo na ng mga marurumi at gula-gulanit na watawat ng Pilipinas. Mas makabubuting sila'y mag-isip na lamang ng ibang paraan upang maipahatid sa kanilang mga parokyano na sila ay isang Philippine establishment nang sa gayon ay hindi naman patuloy na bumaba at malibak ang pagkakakilanlan sa mga Pilipino. Sa mga kinauukulan naman, nawa'y may hakbang nang maipatupad para sa ikalulutas ng suliraning ito. Ang buong Filipino community ay maghihintay sa inyong gagawing aksyon.

*published in the September '08 issue of "Beyond the Horizon", Philippine Digest*
*photo by Florenda Corpuz*
*photo caption: A worn out flag displayed outside a Philippine store.*

Thursday, 7 August 2008

Tokyo Tower - Towering Landmark of Tokyo

Soaring high in the heart of Shiba-Koen in Minato-ku, the grand stronghold of Tokyo Tower serves as an emblem of Japan's economic rebirth and global aspirations after massive wartime destructions.

Completed in 1958 by the Takenaka Corporation at a cost of 2.8 billion yen, Tokyo Tower is a proud member of the World Federation of Great Towers and is officially considered as the world's tallest self-supporting steel tower with a height of 333 meters and a weight of 4,000 tons. It is 13 meters higher and 3,000 tons lighter than its model, the Eiffel Tower in Paris which stands 320 meters and weighs 7,000 tons.

The entire body of the Tokyo Tower is coated with 28,000 liters of orange and white paint in compliance to the Civil Aeronautic Law and is installed with 176 floodlights in various parts for illumination purposes. It also has a lightning rod on its top.

Designed for radio and television transmission, the Tokyo Tower sends out 24 broadcast waves, 14 analog and 10 digital, including those of known media outfits like NHK, TV Asahi, Fuji TV, TBS, Tokyo FM and J-Wave.

Aside from being the broadcast transmitter of most stations in the metropolis, Tokyo Tower is also a major tourist enticement which stations a 4-story recreational center called Foot Town (open all-year round, from 9 am to 10 pm) which can be found beneath the tower. This leisure hub houses several attractions including two observation decks, the Main Observatory located at 150 meters above the ground and the Special Observatory at 250 meters. These galleries provide a 360 degree panoramic view of the whole Kanto scene and Tokyo surroundings, including Mt. Tsukuba and Tokyo Disney Resort in the east; Rainbow Bridge and Yokohama's Landmark Tower in the south; Mt. Fuji in the west; and Imperial Palace in the north.

Also there are museums and amusement parks that proliferate inside Foot Town like the Wax Museum, Space Wax, Guinness World Records Museum, Trick Art Gallery, Aquarium Gallery, and Mysterious Walking Zone; souvenir shops -- Tokyo Souvenir Shop Town and Tokio 333; restaurants and food courts that offer Japanese, Chinese and western cuisines and even coffee shops and ice cream parlors.

Besides being The landmark, Tokyo Tower is also a popular icon for animes such as Sailor Moon and Digimon and locations to climatic battles between Godzilla, Mothra and King Kong Escapes.

Another captivating feature of Tokyo Tower that often delights many sightseers is its lighting, accentuating the city's already breathtaking nocturnal skyline. It is illuminated with orange light in winter and white incandescent light in summer and is changed during special events.
The Tokyo Tower also houses a system for detecting earthquakes.
Ticket prices in the Main Observatory are 820 yen for adults, 460/310 yen for children; Special Observatory, 600 yen for adults, 400/350 yen for children. While separate fees apply for other attractions, still a lot of people are taking the long lines and are oblivious in spending their money just to try this not to be missed experience.

How to Get There:

Tokyo Tower is a 5-minute walk from Akabanebashi Station on the Oedo Line; 6-minute walk from Onarimon Station (Exit No. A1) on the Mita Line and; 15-minute walk from Hamamatsucho Station (North Exit) on the JR Yamate Line.

*published in the September '08 issue of "Let's Tour Tokyo", Philippine Digest*
*photos by Din Eugenio*