My photo
Editor-in-chief, Travel writer (International Press Japan Co. -- Philippine Digest Magazine); Intern (The Manila Times Publishing Corp.); Managing Editor (The Sentinel, Lyceum); News Editor (The Filters, BHS); 8th placer (News Writing, DSSPC)

Wednesday, 3 December 2008

Hitomi Sakamoto: The Next Big Thing in Martial Arts

Isang manigong 'Mabuhay' para kay Hitomi Borilla Sakamoto, 17, Japino! Isinilang at lumaki rito sa Japan ngunit hindi nakakalimot na siya ay may dugong Pilipino.

Nasa ikatlong taon ng senior high school sa Toda Shoyo, hindi pangkaraniwang estudyante si Hitomi. Dahil bukod sa pagiging masipag na mag-aaral, part-time worker din siya sa isang chocolate factory. Hindi lamang 'yan, siya ay itinuturing din na martial arts wonder sa kanilang lugar sa Saitama-ken, Warabi-shi, dahil sa kanyang angkin galing sa aikido, kickboxing, grappling, judo at karate.

Siyam na taon gulang pa lamang si Hitomi nang siya ay mag-umpisa at mahilig sa aikido. Matapos ang ilang taon ng masusing ensayo, siya ay naging miyembro ng Warabi Aikido. Dahil sa kanyang ipinamalas na galing, na-feature siya sa newsletter ng Warabi-shi. Ipinadala rin siya sa Denmark kasama ang kanyang mga aikido sensei upang sumabak sa mga intensive trainings at workshops. Ipinalabas din siya sa isang programa sa Channel 4, Nihon Terebi. At ngayon Enero ay makakamtan na niya ang pinakaaasam na black belt na magbibigay-daan upang siya ay maging isang aikido sensei.

Bukod sa aikido, pambato rin sa grappling si Hitomi. Sa katunayan, mapapanood sa (http://ie.youtube.com/watch?v=wYReYzWxjKU) ang isa sa mga grappling tournaments na kanyang sinalihan. Umabot na ng mahigit sa 27,000 views sa Youtube ang laban niya na ito, kung saan iba't-ibang papuri ang kanyang natanggap mula sa mga taong nakapanood dito.

Mahusay din sa kickboxing si Hitomi at maraming kompetisyon na ang kanyang sinalihan. Sa isang panayam, natatawang ibinahagi ng kanyang ama na sa isang sparring session ay hindi sinasadyang matamaan ni Hitomi ang kanyang mukha na naging dahilan upang malagas ang ilan sa kanyang mga ipin.

"She's very strong," saad ng ama ni Hitomi sa wikang hapon. "I want her to become a Muay Thai champ and even a martial arts sensation," dagdag pa nito.
Buong-buo rin ang suporta ng ina kay Hitomi sa tuwing siya ay may ensayo at kompetisyon na dinadaluhan.

Judo ang kasalukuyang sports ni Hitomi sa kanyang paaralan. Nag-aral din siya ng karate ng dalawang taon.
Batid ni Hitomi na sa bawat laban na kanyang sinasalihan ay may nananalo at natatalo. Kaya naman sa mga pagkakataon na hindi siya ang nagwawagi ay tinatatagan niya ang kanyang kalooban at mas pinagbubuti sa mga susunod na laban.
"Hindi madali ang pagsabak sa martial arts subalit kung ikaw ay may determinasyon, lakas ng katawan at tibay ng loob ay walang imposible," pahayag ni Hitomi. Sa mga darating na panahon, hindi malayong maging kinatawan si Hitomi ng Japan o Pilipinas sa Asian Games, South East Asian Games o kahit pa sa Olympics dahil sa kanyang versatility at husay sa martial arts. At lalong hindi malabong siya ay magbigay-karangalan sa dalawang bansa at sumunod sa mga yapak nina Bea Lucero, Japoy Lizardo at iba pang martial arts champs.

*published in the January '09 issue of "Education Wonder", Philippine Digest*

*photos by Florenda Corpuz*


1 comment:

Anonymous said...

Nakakatuwa kapag may mga Pilipinong namamayagpag sa ibang bansa na hindi nakakalimot kung saan sila nagmula.

Malayo ang mararating ng batang ito. :p