Sa simula’y tila isang pangarap lamang para kay billionaire developer Minoru Mori na gawing isang "ultra-high rise city" ang "flat urban sprawl" ng Tokyo ngunit ito’y nabigyan ng kaganapan nang mapangunahan niya ang pagtatayo ng isa sa pinakamoderno at pinakakilalang pasyalan ngayon sa Tokyo, ang Roppongi Hills.
Ang pangarap na ito ni Mori ay nag-ugat sa kanyang kagustuhan na magkaroon ng isang lugar kung saan maaaring magtrabaho, maglibang, manirahan at matuto ang pangkaraniwang manggagawang Hapon na hindi nababawasan ang kanyang leisure time at quality of life dulot ng mahabang oras ng pagbabiyahe. Hindi naging madali para kay Mori na isakatuparan ang pangarap na ito dahil sa tradisyunal na patakaran sa paggamit sa lupa na umiiral sa Tokyo .
Ngunit matapos ang 17 taon na pagpupunyagi ay nagkaroon ng katuparan ang kanyang hangarin. At noon ngang Abril 2003 ay pormal na nagbukas sa publiko ang 27 ektaryang Roppongi Hills sa tulong na rin ng 400 may-ari ng mga maliliit na lupain.
Ngayon ay tinaguriang "City within a City", ang Roppongi Hills ay binubuo ng walong bahagi. Ang Metro Hat/Hollywood Plaza, Mori Tower, Roppongi Hills Arena/TV Asahi Building/Mori Garden, Toho Virgin Cinemas, West Walk/Hillside, Keyakizaka Doori, Roppongi Hills Residences at Grand Hyatt Tokyo kung saan ang 54 na palapag na Mori Tower ang siyang pinakatampok na atraksyon.Ang bawat isang bahagi na ito ng Roppongi Hills ay may kanya-kanyang atraksyon na dinadagsa ng mga lokal at dayuhang turista. Ilan sa mga panghalina nito ay ang Tokyo City View hatid ang makapigil-hiningang panoramic view ng lungsod; Higanteng Gagamba na tinatawag na "Maman" na isa sa mga simbolo ng lugar; Sky Aquarium kung saan makakakita ng iba’t-ibang uri ng isda at laman-dagat; Mori Art Museum na may mga nakakamanghang art displays; Roppongi Academy Hills na isang silid-aklatan para sa mga miyembro nito; Mori Garden kung saan makakakita ng authentic Japanese garden at Roppongi Hills Arena na ginawang city plaza kung saan laging may mga masasayang kaganapan. Hindi lamang ‘yan, may mahigit sa 200 restaurants, cafes at shopping boutiques din dito.
Ilang naglalakihang kompanya rin ang nag-oopisina rito tulad ng Goldman Sachs & Co. at Lehman Brothers. Ang Roppongi Hills din ang sinasabing simbolo ng industriya ng Information Technology dahil sa mga kompanya ng IT tulad ng Rakuten, Livedoor at Yahoo! Japan na nag-oopisina rito. Kumpleto rin sa makabagong pasilidad ang Roppongi Hills.
Makalipas ang limang taon mula nang magbukas ang Roppongi Hills ay patuloy pa rin itong dinadagsa ng mga tao. Sa katunayan, umaabot sa mahigit sa 300,000 lokal at dayuhang turista ang bumibisita rito araw-araw.
How to Get There:
Ang Roppongi Hills ay 0-minute walk mula sa Exit 1C ng Roppongi Station (Hibiya Line) at 4-minute walk mula sa Exit 3 ng Roppongi Station (Oedo Line).
*photos by Din Eugenio*
*published in the October '08 issue of "Let's Tour Tokyo", Philippine Digest*
No comments:
Post a Comment