My photo
Editor-in-chief, Travel writer (International Press Japan Co. -- Philippine Digest Magazine); Intern (The Manila Times Publishing Corp.); Managing Editor (The Sentinel, Lyceum); News Editor (The Filters, BHS); 8th placer (News Writing, DSSPC)

Saturday, 15 November 2008

To Dear Santa with Love

"Christmas and children go together. So do their stories and versions and comments about Christmas." -ArthurTonne
Christmas is for children for they are the ones who are innocent enough, and candidly open to life's blessings and wonders, to really feel the awe and wondrous magic of the season. And they believe in the trappings and traditions of Yuletide. To some adults, Christmas is humbug and a meaningless exercise in futility. But leave it to children to see the truth behind the practice. Never their joy diminish.

No wonder that kids are too thrilled about the coming Christmas and these four Japinos are no exception. Just give them a hint, and then you cannot stop them from writing down their greetings and wishes to Santa Claus. Ah, the enthusiasm of the young! And they are fervent in their hope that through Santa's magic, their desires would be granted.

Here are their wish list:
Inigo Kurane
5 years old
Britesparks International School
Senior Kinder


Jiro Amano
6 years old
Ryoke Hoikuen




Herisa Besonia
4 years old
Hoikuen

Shintaro Amano
10 years old

Asahi Higashi Shogakko

Grade 4



*published in the December '08 issue of "Education Wonder", Philippine Digest*

*photos by Florenda Corpuz*

Hibiya Park - Green Haven in the Business District

Kilalang pahingahan ng mga empleyado tuwing lunch break at pasyalan naman ng buong pamilya kapag weekends, ang Hibiya Park ang kauna-unahang "westernized urban-style park" sa Japan na matatagpuan sa gitna ng business district ng Tokyo. Ang Hibiya Park ang lugar kung saan dating nakatayo ang palasyo ng feudal lord na si Matsudaira Hizen-no-kami at iba pang feudal lords hanggang matapos ang Edo period (1603-1867). Unang bahagi ng Meiji period (1868-1912) nang gawin itong military parade ground ng Imperial army. Matapos ito’y muling idinisensyo ang lugar at naging isang modernong parke at binuksan sa publiko noong June 1, 1903. Isa rin ang Hibiya Park sa mga simbolo ng modernisasyon ng bansa matapos ang 1868.

Mga Atraksyon:

Dogwoods- Ito ay handog ng bansang Amerika sa Japan kapalit ng mga puno ng cherry na ibinigay ng Japan sa kanila. Ang mga ito’y nakatanim din sa iba pang parke sa Japan habang ang ilan sa mga nakatanim sa Hibiya Park ay mula pa sa mga orihinal na handog ng Amerika.
Green Path- Ang daan na ito ay binubuo ng mga kaaya-ayang green tunnels.
Health Field- Kung ikaw ay health conscious, ito ang lugar para sa ‘yo. Dito’y may mga kagamitan na susukat sa iyong tatag at lakas. Kadalasang nagpupunta rito ang mga empleyado tuwing lunch break upang mag-recharge.
Remains of Hibiya Guardpost- Ang naiwang ivy-covered stone walled mound sa dating Hibiya guardpost ng Edo Castle ay isa sa mga pangunahing atraksyon ng lugar.

Risky Ginkgo- Ito ang pinakamalaking ginkgo na matatagpuan sa parke at may edad na humigit-kumulang sa 400 na taon.

Seagull Field and local Forest- Isang fountain ang nakatayo sa gitna ng parke na idinisenyo kamukha ng isang black-headed gull, ang prefectural bird ng Tokyo. May 57 puno rin ang matatagpuan sa palibot ng parke na mula pa sa iba’t-ibang lugar sa buong Japan.
Monuments and Sculptures- Dito matatagpuan ang estatwa ng Lupa Romana na handog ng bansang Italya sa Japan noong 1938. Ito’y sumisimbolo sa dalawang magkapatid, Romulus and Remus, sa Roman mythology na pinalaki ng mga lobo. Makikita rin dito ang Bell of Liberty galing Amerika. Kabilang din sa mga atraksyon ng lugar ang mga malalaking bato na ipinagkaloob ng Antarctica, Scandinavia at Micronesia sa pamahalaang Hapon.

Dr. Jose Rizal’s Bust- Lingid sa kaalaman ng karamihan ng mga Pilipino dito sa Japan, isang bust ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal ang matatagpuan sa Hibiya Park. Ito ay makikita sa tapat ng Imperial Hotel (dating Tokyo Hotel), kung saan namalagi si Rizal mula Marso 1-7, 1888. Ngayon na gugunitain ang ika-112 anibersaryo ng kamatayan ng ating pambansang bayani, mainam na dalawin ang kanyang bantayog at mag-alay ng panalangin at bulaklak.
Bukod sa mga pangunahing atraksyong ito ng Hibiya Park, may mga public halls, silid-aklatan, parade ground, tennis courts, children’s playground at mga kainan din dito.

Iba’t-ibang uri rin ng magagandang bulaklak ang makikita rito sa kabuuan ng taon. Kabilang na ang mga azaleas at tulips tuwing Abril, rosas tuwing Mayo at chrysanthemums tuwing Nobyembre.
Libre ang entrance fee rito.
How to Get There:
Ang Hibiya Park ay 2-minute walk mula sa Kasumigaseki Sta. sa Marunouchi line, Chiyoda line o Hibiya line; 8-minute walk mula sa Yurakucho Sta. sa JR line.

*published in the December '08 issue of "Let's Tour Tokyo", Philippine Digest*
*photos by Din Eugenio*







Merii Kurisumasu o Maligayang Pasko?


Ilang araw na lang, Pasko na! Nandito ka man sa Japan o Pilipinas ay tiyak na iba't-ibang Christmas songs at displays ang pupukaw sa iyong atensyon.

Sinasabi ng karamihan na ang Pasko sa Pilipinas ang may pinakamahabang preparasyon at selebrasyon. Ber month pa lang ay mararamdaman na ang simoy ng kapaskuhan.

Disyembre 16, opisyal na simula ng pagdiriwang. Bata at matanda, abalang-abala pagsapit pa lamang ng alas-tres ng madaling araw. Kahit malamig ang simoy ng hangin at madilim-dilim pa ay maraming tao na ang makikita sa kalsada. Mga pamilyang sama-samang naglalakad patungong simbahan, mga magkakaibigang sabay-sabay na magsisimba at mga magkasintahang sweet na sweet na dadalo sa misa. May kasabihan na kapag nakumpleto mo ang siyam na araw ng simbang gabi na tatagal hanggang Disyembre 24, ay matutupad ang iyong Christmas wish.

Pagkatapos ng simbang gabi, sabik ang lahat na kumain ng paboritong puto bumbong, bibingka, kutsinta, arroz caldo, lugaw, mainit na tsokolate at kape na tinda sa labas ng simbahan.

Pagdating naman ng gabi, ang mga bata, nagbabahay-bahay at nangangaroling. Tuwang-tuwa sa mga pamaskong barya na kanilang natanggap.

Sa mga malls at groceries, siksikan ang mga mamimili. Naghahanap ng mga Christmas sales na swak sa budget.

Sa mga paaralan at opisina naman, masayang Christmas party at exchange gift ang nagaganap. Kris kringle at monito monita. "Sino ang nabunot mo?", "Anong regalo ang natanggap mo?" ang kadalasang maririnig.

Pagsapit ng noche buena, ang buong pamilya sama-sama. Nagpapalitan ng pagbati ng "Maligayang Pasko" bago sabay-sabay na pagsasaluhan ang mga pagkain sa hapag. Hamon, pansit, lumpia, spaghetti, tinapay, lechon at fruit salad. Ang mga kapamilya naman na nasa ibang bansa, nag-o-overseas call na at bumabati ng "Merry Christmas". At pagkatapos ng batian, kainan, iyakan at masayang kwentuhan, sabik ang bawat isa na buksan ang kanilang mga natanggap na regalo.

Disyembre 25, ang mga ninong at ninang naghihintay sa kanilang mga inaanak habang ang iba naman ay tila nagtatago dahil wala pang nakahandang pamaskong aginaldo. "Sa Bagong Taon na lang", ang litanya ng ilan.

Nakaka-miss ang Pasko sa atin, hindi ba?

Dito sa Japan, hindi man kasing-saya sa Pilipinas ang paraan ng pagdiriwang ay mararamdaman pa rin ang kapaskuhan dahil sa mga nagkalat na Christmas greetings at displays sa mga commercial establishments at ilang tahanan.

Ayon sa mga tala, ipinakilala ang Pasko rito noong ika-16 na siglo nang dumating ang mga taga-Europa at dalhin ang Kristiyanismo. Sa kabila ng maliit na porsyento ng relihiyon sa bansa, ito ay naging popular na pagdiriwang sa mga lungsod dahil na rin sa impluwensiya ng mga programang Amerikano at mga Christmas products na ginagawa ng mga Hapon para sa ibang bansa.

Hindi national holiday ang Disyembre 25 dito. Sa katunayan, kung ito ay papatak sa weekday ay asahan mo na ang mga estudyante at empleyado ay nasa kanilang mga paaralan at opisina.

Katulad ng pamilyang Pilipino, nagsasalu-salo rin sa hapag ang buong mag-anak pagsapit ng alas-dose ng gabi at bumabati ng "Merii Kurisumasu". Ang kadalasang handa ay manok at strawberry whipped cream cake na popular na pagkain dito tuwing noche buena.

Nagbibigay din ng regalo ang mga magulang sa kanilang mga anak subalit hindi ang mga anak sa paniwalang si Santa Claus (Hotei-osho sa kanila, isang god o pari na parang si Santa Claus) lamang ang nagbibigay ng regalo.

Ang Pasko rito ay maihahalintulad din sa Araw ng mga Puso dahil ang mga magkasintahan ay sweet na sweet na namamasyal at kumakain sa mga restaurants.

May ilan din mga tao na nagpupunta sa mga temples at shrines at nagpapasalamat sa mga biyayang kanilang natatanggap.

Sa madaling salita, ipinagdiriwang din ang Pasko rito sa Japan subalit mas commercialized ang dating at kulang sa tunay na kahulugan.

Masaya sana kung sa Pilipinas tayo magdiriwang ng Pasko, kapiling ang buong pamilya. Pero sa totoo lang, kahit nasaan man tayo, magkakaiba man ang paraan ng pagdiriwang, ngunit hangga't nananatili sa ating puso at isipan ang tunay na diwa at kahulugan ng araw na ito, ang kaarawan ni Hesu Kristo ay magiging maligaya pa rin ang ating Pasko.

Maligayang Pasko sa inyong lahat!

*published in the December '08 issue of "Beyond the Horizon", Philippine Digest*

Thursday, 23 October 2008

'Kapamilya' Stars Rock Japan (Part 3)





Walang patid na kantahan at kasiyahan ang pumuno sa Hokutopia, Sakura Hall, gabi ng Setyembre 21, nang magtanghal ang mga paborito at hinahangaang bituin ng henerasyon na sina Sam Milby, Erik Santos, Chokoleit at Vina Morales.
Matapos ang matagumpay na paglulunsad at pasasalamat ng TFCko sa pamamagitan ng "Kapamilya Invades Japan: The Dream Concert Tour 2007" at "Yokoso Kapamilya: The ABS-CBN Housewarming Party" ay muling inihatid ng ABS-CBN Japan ang "Libre Kanta, Libre Kwela: A Kapamilya Konsert" para magbigay-saya sa mga Pilipino dito sa Japan lalung-lalo na sa mga patuloy na tumatangkilik ng TFCko.

Hindi magkamayaw ang tilian at sigawan ng mga manonood nang sabay-sabay na lumabas ng entablado sina Sam, Erik, Chokoleit at Vina at awitin ang mga Pinoy hits na "Sugod", "Tara Let's", "Sandal", "Darna" at "Superhero". Lalo pang umugong ang sigawan ng mga tagahanga nang isa-isang nang magtanghal ang apat na bituin.

Sinimulan ni "Prince of Pop", Erik Santos ang kanyang solo performance sa pamamagitan ng mga awiting "Next in Line" at "This is the Moment". Inialay ni Erik ang mga kantang ito sa lahat ng mga OFWs na nakikipagsapalaran dito sa Japan at buong pusong ipinagmalaki na siya ay anak ng isang OFW. Dahil sa sobrang kagalakan na muling makarating at makapag-tanghal dito ay halos makalimutan na ni Erik ang mga linya ng awitin.

Bumuhos naman ng katatawanan at kasiyahan nang magtanghal na ang tinaguriang "Latest Flavor of TV Comedy" na si Chokoleit. Ipinamalas niya ang kanyang galing sa stand-up comedy na sinuklian naman ng magandang pagtanggap ng mga manonood. "One of the best countries that I've been to talaga ang Japan. Masarap balik-balikan ang lugar, pagkain at mga tao," saad ng komedyante. Hindi maitatangging si Chokoleit ay isa sa mga talaga nga namang pinalakpakan ng gabing iyon, lalung-lalo na ang kanyang pamosong beauty contest stint.

Sa kabila ng kanyang maselang kondisyon ay pinatunayan ni Vina Morales na karapat-dapat nga siyang tawaging "Ultimate Performer" dahil sa kanyang galing sa pagkanta at pagsayaw. Pinaindak niya ang mga manonood sa saliw ng musikang "Lets Get the Party Started", "Tuloy pa rin", "Bongga ka Day" at "Awitin Mo at Isasayaw Ko". Pagkatapos nito'y ilang Pinoy love songs din ang kanyang binirit tulad ng "Pangako Sa 'yo", "Kailangan Kita" at "Kahit Isang Saglit".
Nag-duet din sina Erik at Vina ng awiting "Maging Sino Ka Man".

Hindi naman binigo ng "Rockoustic Heartthrob" na si Sam Milby ang mga manonood ng awitin niya ang "My Girl", "Only You" at "Close To You" na tunay na nagpakilig sa mga kababaihan ng gabing iyon. Isa si Sam sa mga most requested artists ng mga Pinoy dito sa Japan dahil sa kanyang galing sa pagkanta at karisma sa mga tagahanga.
Isang nakakaindak na duet ng "Kiss" at "Simply Irresistible" rin ang pinaunlakan nina Sam at Erik na sinabayan pa ng pagrampa ng kwelang si Chokoleit sa entablado na lalong nagpasaya sa mga manonood. Samantala, nagpasalamat naman ang ABS-CBN Japan Managing Director na si Jeffrey Remigio sa mga sponsors at TFCko subscribers na walang sawang tumatangkilik sa mga programa ng ABS-CBN. Inihayag din niya ang tatlong layunin ng pagtatanghal: ang paglulunsad ng Star Studio Magazine dito sa Japan; ang maibalik sa mga TFCko subscribers ang suportang ibinibigay nila sa ABS-CBN; at ang paglulunsad ng pinakabagong proyekto ng ABS-CBN Japan, ang "Gawad Geny Lopez, Bayaning Pilipino Awards, Bayaning Pilipino sa Gawing-Japan".

Nagbigay din ng mensahe si Fr. Nilo Tanalega, S.J., ng Ugat Foundation na siyang nangangasiwa sa pagpili ng mga nominado para sa Bayaning Pilipino Awards. Kasabay nito'y ipinakilala rin sa mga manonood si Elvie Okabe, aktibong lider ng Filipino community dito at isang Bayaning Pilipino Awardee.

Sa saliw ng awiting "Sugod" ay muling nagtipun-tipon sa entablado sina Sam, Erik, Chokoleit at Vina at pinasalamatan ang lahat ng taong dumalo ng gabing iyon.

Nagbigay din ng mga give aways ang KDDI sa mga mapalad na manonood.

Ang pagtatanghal na ito ay inihandog ng ABS-CBN Japan at KDDI, sa tulong na rin ng Philippine Digest at iba pang sponsors.
*published in the November '08 issue of "Concert", Philippine Digest*
*photos by Florenda Corpuz*

Saturday, 11 October 2008

Odawara Castle Park - Fusion of The Old and The New

Ang Odawara Castle ay sinasabing isa sa pinakamalaking kastilyo sa Japan noong medieval times at ngayo’y itinuturing na simbolo ng lungsod ng Odawara sa Kanagawa-ken.
Nahahati sa dalawang bahagi, ang Honmaru at Ninomaru, ang Odawara Castle ay unang itinayo noong 1417 nang mapadpad sa Odawara ang pamilya Omori. Ito’y nagsilbing tirahan ng pamilya Hojo noong 1495 at naging pangunahing lugar na naghari sa kabuuan ng Kanto.
Sa paglipas ng panahon, napasa-kamay ng iba’t-ibang tagapamuno ang Odawara Castle. Edo period nang pagharian ito ni Ieyasu Tokugawa at pamunuan ng pamilya Okubo. Dahil sa hindi maayos na pamamalakad ay lumiit ang kastilyo at napabilang na lamang sa “San-no-Maru”.
Subalit ng ito’y pamunuan na ng pamilya Inaba ay malawakang pagsasaayos ang isinagawa rito kaya’t nanumbalik ang nawalang kinang ng Odawara Castle at muling napabilang sa isa sa mga moderno at makabagong kastilyo ng panahon. Muling inokupa at pinamunuan ng pamilya Okubo ang kastilyo at nagsilbing kuta kasama ang mga bundok ng Hakone na mangangalaga sa buong Kanto pati na rin sa tirahan ng Fudai Daimyo, isang feudal lord na malapit sa gobyerno.

Dahil sa matatag nitong pagkakatayo sa burol at mga tubig, tuyong kanal, pader at matatarik na bato na nakapaligid dito ay nagkaroon ng malakas na depensa ang Odawara Castle laban sa mga magigiting na mandirigmang nagtangkang sumakop dito. Ngunit matapos ang ilang beses na pagtatangkang sakupin ito ay tuluyan nang inabandona ng mga pinuno at tauhan ang Odawara Castle noong 1870. Karamihan sa mga bahagi nito’y nasira samantalang ang mga batong pader naman nito’y iginuho ng “Great Kanto Earthquake” noong 1923.

Sa kasalukuyan, ang malaking bahagi ng Honmaru at Ninomaru ay itinuturing na pambansang bantayog. Samantalang ang bahaging pumapalibot naman sa Honmaru ay ginawang “Joshi Koen” o Castle Park at “Tenshukaku”, isang donjon, na muling isinaayos noong 1960, kasunod ang pagsasagawa ng Tokiwagi-mon Gate noong 1971.

Mga Atraksyon:

Odawarajo Tenshukaku
(Donjon)

Ang “Tenshukaku” ay isang donjon na itinayo sa bahagi ng Honmaru bilang simbolo ng kastilyo. Ayon sa mga tala, taong 1634 nang umakyat dito ang pangatlong Shogun na si Iemitsu Tokugawa at magalak nang kanyang masilayan ang mga pandigmang sandata at ang makapigil-hiningang tanawin ng Odawara.

Matapos lisanin noong 1870, ang Tenshukaku ay muling isinaayos at binuksan sa publiko noong 1960 bilang paggunita sa ika-20 anibersaryo ng pagiging isang lungsod ng Odawara.

Sa loob nito’y isang exhibition hall na naglalaman ng mga sinaunang dokumento, kagamitan, armas, espada at iba pang sandatang pandigma. Ang tuktok na palapag naman ay naghahatid ng magandang tanawin ng Sagami Bay kung saan makikita ang Boso Peninsula. (Open from 9 am -5 pm; Admission fee - 400 yen / adult, 150 yen elementary / junior high school).

Odawarajo Rekishi-Kenbunkan
Dito maiintindihan ang kasaysayan ng Odawarajo sa pamamagitan ng tatlong palabas, ang “Hojo Godai Zone” kung saan isang shadow picture-story show ng feudal lord na si Soun Hojo ang mapapanood; ang “Edo Jidai Zone” na nagpapakita ng miniature models ng mga dating itsura ng mga gusali sa lugar na ito ng Odawara; ang “Odawara Joho Zone” hatid ang mga magagandang tanawin ng Odawara sa pamamagitan ng isang laro na kung tawagin ay “Odawara Tanken Game”. (Open from 9 am – 5 pm; Admission fee - 300 yen / adult, 100 yen / elementary / junior high school).

Tokiwagi-mon Gate
Matatagpuan sa harap ng Honmaru, ang Tokiwagi-mon gate ang pinakamalaki at pinakamatatag na pinto ng Odawara castle.

Ang pangalang “Tokiwagi” ay kumakatawan sa puno ng evergreen at pinaniniwalaang nagpapanatili sa kasaganaan ng kastilyo. May mga pine trees sa paligid nito na nananatiling matayog sa paglipas ng panahon.

Dito’y maaaring umupa ng sandata ng isang samurai at kimono at magpalitrato na tunay na magandang alaala sa pagpunta sa lugar.

Ayon sa mga tala, ang daanan na ito ay nakatayo na simula pa lamang ng Edo period at muling isinaayos at binuksan sa publiko noong 1971, matapos abandonahin noong 1870.

Akagane-mon Gate
Ito ay nakapwesto sa harap ng Ninomaru hanggang sa ito’y masira noong 1872 matapos ang pag-abandona sa lugar noong 1870. Muli itong inayos noong 1997 at nabuksan sa publiko noong 1998.

Ang pangalang “Akagane-mon” ay hango sa palamuting copper fittings na ginagamit sa mga malalaking pinto.

Zoo/Children’s Playground
Isang mini-zoo at children’s playground din ang matatagpuan dito na muling itinayo noong 1950 matapos ipasara ng pamahalaan noong Meiji period. May mga unggoy at elepante na kung tawagin ay si “Umeko”. May miniature train, automobiles at merry cup din dito na tunay na mabentang-mabenta sa mga bata.

May mga magagandang bulaklak din ng cherry blossoms at azaleas ang makikita sa paligid ng Odawara Castle lalo na tuwing panahon ng tagsibol.

Ginawa na rin video game ang isa sa mga “Siege of Odawara” kung saan tampok ang pakikipaglaban ni Hideyoshi sa “Samurai Warriors 2”.

How to Get there:
Ang Odawara Castle Park ay 10-minute walk mula sa Odawara Sta. sa JR Tokaido Shinkansen line, JR line, Odakyu line, Daiyuzan line at Hakone Tozan line.

*photos by Al Eugenio*
*published in the November '08 issue of "Let's Tour Japan", Philippine Digest*

Wednesday, 17 September 2008

Isulong ang Wikang Ingles, Pagyamanin ang Wikang Filipino

"Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika, daig pa ang malansa at mabahong isda." -Dr. Jose Rizal

Bahagi na ng kulturang Pilipino ang wikang Ingles dahil sa ilang taong pagsakop ng mga Amerikano sa Pilipinas at patuloy na impluwensiya nila sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino. Ito rin ang pangunahing dahilan kung bakit marami sa atin ang may sapat na kaalaman at kasanayan sa pakikipagtalastasan sa wikang ito.

Madalas na ginagamit ang Ingles sa mga tahanan, paaralan, pribadong opisina at ahensya ng gobyerno. Sa katunayan, isa ito sa mga asignaturang pinag-aaralan ng mga estudyante. Ito rin ang wikang ginagamit ng mga guro sa kanilang pagtuturo. Sa Ingles din nakalathala ang karamihan sa mga aklat at babasahin. Ang ilang programa sa telebisyon at sa radyo ay mapapanood at mapapakikinggan din sa Ingles. Kaya naman hindi nakapagtatakang lumawak ang kaalaman ng mga Pilipino sa wikang banyaga na ito.

Itinuturing na "universal language", ang Ingles ay isa sa mga opisyal na wika ng mahigit sa 70 bansa. Kaya naman angat ang galing ng Pilipino lalo na ng mga call center agents at OFWs sa tuwing kakailanganin nila itong gamitin sa pakikipag-usap sa mga dayuhang kanilang pinagsisilbihan.

Sinasabi sa ilang mga survey na ang Pilipinas ang pangatlong bansa sa buong mundo, sunod sa Inglatera at Estados Unidos kung saan Ingles ang ginagamit ng mga tao. Ngunit ayon sa mga kritiko ay bumababa na ang kalidad ng Ingles ng mga Pilipino na nangangahulugan lamang ng pagbaba ng bilang ng magandang oportunidad para kay Juan dela Cruz. Dahil dito'y kabi-kabilang suhestiyon ang inilalatag para matugunan ang suliraning ito at maisulong ang pagtaas ng kalidad ng Ingles sa bansa.

Mabuting adhikain, hindi po ba? Subalit kung iisiping mabuti, hindi ba't ang Filipino ang pambansang wika ng Pilipinas at hindi ang Ingles? Kung isinusulong ng karamihan ang pagtaas ng kalidad nito, may natitira pa bang Pilipino, bukod sa iilang nasyonalista at makabayan na nagsusulong ng pagtaas ng kalidad ng wikang Filipino?

Sa totoo lang, ang wikang Filipino ay napagtutuunan na lamang ng pansin tuwing buwan ng wika at tila maririnig na lamang sa mga kampanya ng mga pulitiko at sa mga probinsya at malalayong lugar sa Pilipinas. Sa kamaynilaan naman, mabibilang na lamang ang mga Pilipinong gumagamit ng purong Filipino dahil sa paggamit ng "Taglish" o kombinasyon ng Tagalog at Ingles.

Ngayon na tila ang kahusayan sa Ingles ang nagiging sukatan at basehan ng kagalingan ng tao, saan na patungo ang wikang Filipino? Hindi ba't nararapat na mas una itong bigyang-pansin at pagyamanin kesa sa kung ano pa mang banyagang wika dahil ito'y sariling atin?

Oo nga't hindi maitatanggi ang katotohanang ang kahusayan sa Ingles ay may hatid na magandang oportunidad at trabaho para sa atin. Subalit huwag naman sana nating kaligtaan na responsibilidad din ng bawat isa sa atin na pagyamanin ang sariling wika natin, ang Filipino, at ipagmalaki ito. Kundi ay baka mag-amoy malansa nga tayo tulad ng winika ni Rizal. Higit na tataas ang tingin ng mundo sa lahing Pilipino kung sabay nilang makikita ang kasanayan natin sa Ingles at kahusayan at pagmamahal natin sa ating pambansang wika.

*published in the October '08 issue of "Beyond the Horizon", Philippine Digest*

Saturday, 6 September 2008

Roppongi Hills - The City Within a City

Kung ikaw ay nagbabalak mamasyal sa isang lugar, hindi ba’t ang kadalasang tanong mo’y kung ano ang pwedeng gawin dito? Sa Roppongi Hills, hindi problema ‘yan, dahil sa dami ng pwedeng pagpilian na gawin.

Sa simula’y tila isang pangarap lamang para kay billionaire developer Minoru Mori na gawing isang "ultra-high rise city" ang "flat urban sprawl" ng Tokyo ngunit ito’y nabigyan ng kaganapan nang mapangunahan niya ang pagtatayo ng isa sa pinakamoderno at pinakakilalang pasyalan ngayon sa Tokyo, ang Roppongi Hills.
Ang pangarap na ito ni Mori ay nag-ugat sa kanyang kagustuhan na magkaroon ng isang lugar kung saan maaaring magtrabaho, maglibang, manirahan at matuto ang pangkaraniwang manggagawang Hapon na hindi nababawasan ang kanyang leisure time at quality of life dulot ng mahabang oras ng pagbabiyahe. Hindi naging madali para kay Mori na isakatuparan ang pangarap na ito dahil sa tradisyunal na patakaran sa paggamit sa lupa na umiiral sa Tokyo .
Ngunit matapos ang 17 taon na pagpupunyagi ay nagkaroon ng katuparan ang kanyang hangarin. At noon ngang Abril 2003 ay pormal na nagbukas sa publiko ang 27 ektaryang Roppongi Hills sa tulong na rin ng 400 may-ari ng mga maliliit na lupain.
Ngayon ay tinaguriang "City within a City", ang Roppongi Hills ay binubuo ng walong bahagi. Ang Metro Hat/Hollywood Plaza, Mori Tower, Roppongi Hills Arena/TV Asahi Building/Mori Garden, Toho Virgin Cinemas, West Walk/Hillside, Keyakizaka Doori, Roppongi Hills Residences at Grand Hyatt Tokyo kung saan ang 54 na palapag na Mori Tower ang siyang pinakatampok na atraksyon.

Ang bawat isang bahagi na ito ng Roppongi Hills ay may kanya-kanyang atraksyon na dinadagsa ng mga lokal at dayuhang turista. Ilan sa mga panghalina nito ay ang Tokyo City View hatid ang makapigil-hiningang panoramic view ng lungsod; Higanteng Gagamba na tinatawag na "Maman" na isa sa mga simbolo ng lugar; Sky Aquarium kung saan makakakita ng iba’t-ibang uri ng isda at laman-dagat; Mori Art Museum na may mga nakakamanghang art displays; Roppongi Academy Hills na isang silid-aklatan para sa mga miyembro nito; Mori Garden kung saan makakakita ng authentic Japanese garden at Roppongi Hills Arena na ginawang city plaza kung saan laging may mga masasayang kaganapan. Hindi lamang ‘yan, may mahigit sa 200 restaurants, cafes at shopping boutiques din dito.
Ilang naglalakihang kompanya rin ang nag-oopisina rito tulad ng Goldman Sachs & Co. at Lehman Brothers. Ang Roppongi Hills din ang sinasabing simbolo ng industriya ng Information Technology dahil sa mga kompanya ng IT tulad ng Rakuten, Livedoor at Yahoo! Japan na nag-oopisina rito. Kumpleto rin sa makabagong pasilidad ang Roppongi Hills.
Makalipas ang limang taon mula nang magbukas ang Roppongi Hills ay patuloy pa rin itong dinadagsa ng mga tao. Sa katunayan, umaabot sa mahigit sa 300,000 lokal at dayuhang turista ang bumibisita rito araw-araw.
How to Get There:
Ang Roppongi Hills ay 0-minute walk mula sa Exit 1C ng Roppongi Station (Hibiya Line) at 4-minute walk mula sa Exit 3 ng Roppongi Station (Oedo Line).

*photos by Din Eugenio*

*published in the October '08 issue of "Let's Tour Tokyo", Philippine Digest*