My photo
Editor-in-chief, Travel writer (International Press Japan Co. -- Philippine Digest Magazine); Intern (The Manila Times Publishing Corp.); Managing Editor (The Sentinel, Lyceum); News Editor (The Filters, BHS); 8th placer (News Writing, DSSPC)

Wednesday, 17 September 2008

Isulong ang Wikang Ingles, Pagyamanin ang Wikang Filipino

"Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika, daig pa ang malansa at mabahong isda." -Dr. Jose Rizal

Bahagi na ng kulturang Pilipino ang wikang Ingles dahil sa ilang taong pagsakop ng mga Amerikano sa Pilipinas at patuloy na impluwensiya nila sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino. Ito rin ang pangunahing dahilan kung bakit marami sa atin ang may sapat na kaalaman at kasanayan sa pakikipagtalastasan sa wikang ito.

Madalas na ginagamit ang Ingles sa mga tahanan, paaralan, pribadong opisina at ahensya ng gobyerno. Sa katunayan, isa ito sa mga asignaturang pinag-aaralan ng mga estudyante. Ito rin ang wikang ginagamit ng mga guro sa kanilang pagtuturo. Sa Ingles din nakalathala ang karamihan sa mga aklat at babasahin. Ang ilang programa sa telebisyon at sa radyo ay mapapanood at mapapakikinggan din sa Ingles. Kaya naman hindi nakapagtatakang lumawak ang kaalaman ng mga Pilipino sa wikang banyaga na ito.

Itinuturing na "universal language", ang Ingles ay isa sa mga opisyal na wika ng mahigit sa 70 bansa. Kaya naman angat ang galing ng Pilipino lalo na ng mga call center agents at OFWs sa tuwing kakailanganin nila itong gamitin sa pakikipag-usap sa mga dayuhang kanilang pinagsisilbihan.

Sinasabi sa ilang mga survey na ang Pilipinas ang pangatlong bansa sa buong mundo, sunod sa Inglatera at Estados Unidos kung saan Ingles ang ginagamit ng mga tao. Ngunit ayon sa mga kritiko ay bumababa na ang kalidad ng Ingles ng mga Pilipino na nangangahulugan lamang ng pagbaba ng bilang ng magandang oportunidad para kay Juan dela Cruz. Dahil dito'y kabi-kabilang suhestiyon ang inilalatag para matugunan ang suliraning ito at maisulong ang pagtaas ng kalidad ng Ingles sa bansa.

Mabuting adhikain, hindi po ba? Subalit kung iisiping mabuti, hindi ba't ang Filipino ang pambansang wika ng Pilipinas at hindi ang Ingles? Kung isinusulong ng karamihan ang pagtaas ng kalidad nito, may natitira pa bang Pilipino, bukod sa iilang nasyonalista at makabayan na nagsusulong ng pagtaas ng kalidad ng wikang Filipino?

Sa totoo lang, ang wikang Filipino ay napagtutuunan na lamang ng pansin tuwing buwan ng wika at tila maririnig na lamang sa mga kampanya ng mga pulitiko at sa mga probinsya at malalayong lugar sa Pilipinas. Sa kamaynilaan naman, mabibilang na lamang ang mga Pilipinong gumagamit ng purong Filipino dahil sa paggamit ng "Taglish" o kombinasyon ng Tagalog at Ingles.

Ngayon na tila ang kahusayan sa Ingles ang nagiging sukatan at basehan ng kagalingan ng tao, saan na patungo ang wikang Filipino? Hindi ba't nararapat na mas una itong bigyang-pansin at pagyamanin kesa sa kung ano pa mang banyagang wika dahil ito'y sariling atin?

Oo nga't hindi maitatanggi ang katotohanang ang kahusayan sa Ingles ay may hatid na magandang oportunidad at trabaho para sa atin. Subalit huwag naman sana nating kaligtaan na responsibilidad din ng bawat isa sa atin na pagyamanin ang sariling wika natin, ang Filipino, at ipagmalaki ito. Kundi ay baka mag-amoy malansa nga tayo tulad ng winika ni Rizal. Higit na tataas ang tingin ng mundo sa lahing Pilipino kung sabay nilang makikita ang kasanayan natin sa Ingles at kahusayan at pagmamahal natin sa ating pambansang wika.

*published in the October '08 issue of "Beyond the Horizon", Philippine Digest*

Saturday, 6 September 2008

Roppongi Hills - The City Within a City

Kung ikaw ay nagbabalak mamasyal sa isang lugar, hindi ba’t ang kadalasang tanong mo’y kung ano ang pwedeng gawin dito? Sa Roppongi Hills, hindi problema ‘yan, dahil sa dami ng pwedeng pagpilian na gawin.

Sa simula’y tila isang pangarap lamang para kay billionaire developer Minoru Mori na gawing isang "ultra-high rise city" ang "flat urban sprawl" ng Tokyo ngunit ito’y nabigyan ng kaganapan nang mapangunahan niya ang pagtatayo ng isa sa pinakamoderno at pinakakilalang pasyalan ngayon sa Tokyo, ang Roppongi Hills.
Ang pangarap na ito ni Mori ay nag-ugat sa kanyang kagustuhan na magkaroon ng isang lugar kung saan maaaring magtrabaho, maglibang, manirahan at matuto ang pangkaraniwang manggagawang Hapon na hindi nababawasan ang kanyang leisure time at quality of life dulot ng mahabang oras ng pagbabiyahe. Hindi naging madali para kay Mori na isakatuparan ang pangarap na ito dahil sa tradisyunal na patakaran sa paggamit sa lupa na umiiral sa Tokyo .
Ngunit matapos ang 17 taon na pagpupunyagi ay nagkaroon ng katuparan ang kanyang hangarin. At noon ngang Abril 2003 ay pormal na nagbukas sa publiko ang 27 ektaryang Roppongi Hills sa tulong na rin ng 400 may-ari ng mga maliliit na lupain.
Ngayon ay tinaguriang "City within a City", ang Roppongi Hills ay binubuo ng walong bahagi. Ang Metro Hat/Hollywood Plaza, Mori Tower, Roppongi Hills Arena/TV Asahi Building/Mori Garden, Toho Virgin Cinemas, West Walk/Hillside, Keyakizaka Doori, Roppongi Hills Residences at Grand Hyatt Tokyo kung saan ang 54 na palapag na Mori Tower ang siyang pinakatampok na atraksyon.

Ang bawat isang bahagi na ito ng Roppongi Hills ay may kanya-kanyang atraksyon na dinadagsa ng mga lokal at dayuhang turista. Ilan sa mga panghalina nito ay ang Tokyo City View hatid ang makapigil-hiningang panoramic view ng lungsod; Higanteng Gagamba na tinatawag na "Maman" na isa sa mga simbolo ng lugar; Sky Aquarium kung saan makakakita ng iba’t-ibang uri ng isda at laman-dagat; Mori Art Museum na may mga nakakamanghang art displays; Roppongi Academy Hills na isang silid-aklatan para sa mga miyembro nito; Mori Garden kung saan makakakita ng authentic Japanese garden at Roppongi Hills Arena na ginawang city plaza kung saan laging may mga masasayang kaganapan. Hindi lamang ‘yan, may mahigit sa 200 restaurants, cafes at shopping boutiques din dito.
Ilang naglalakihang kompanya rin ang nag-oopisina rito tulad ng Goldman Sachs & Co. at Lehman Brothers. Ang Roppongi Hills din ang sinasabing simbolo ng industriya ng Information Technology dahil sa mga kompanya ng IT tulad ng Rakuten, Livedoor at Yahoo! Japan na nag-oopisina rito. Kumpleto rin sa makabagong pasilidad ang Roppongi Hills.
Makalipas ang limang taon mula nang magbukas ang Roppongi Hills ay patuloy pa rin itong dinadagsa ng mga tao. Sa katunayan, umaabot sa mahigit sa 300,000 lokal at dayuhang turista ang bumibisita rito araw-araw.
How to Get There:
Ang Roppongi Hills ay 0-minute walk mula sa Exit 1C ng Roppongi Station (Hibiya Line) at 4-minute walk mula sa Exit 3 ng Roppongi Station (Oedo Line).

*photos by Din Eugenio*

*published in the October '08 issue of "Let's Tour Tokyo", Philippine Digest*