My photo
Editor-in-chief, Travel writer (International Press Japan Co. -- Philippine Digest Magazine); Intern (The Manila Times Publishing Corp.); Managing Editor (The Sentinel, Lyceum); News Editor (The Filters, BHS); 8th placer (News Writing, DSSPC)

Wednesday, 30 July 2008

Portrait of an Actor

Versatile. Ito ang pinaka-angkop na salita para ilarawan ang isang Joel Torre. Bilang isang premyadong aktor, TV director, businessman, nature lover, asawa at ama, tunay na kahanga-hanga ang versatility na kanyang taglay.

Halos hindi mabilang na pelikula at soap opera na ang nagawa na ni Joel. Nagsimula ang kanyang acting career noong siya’y pitong taong gulang pa lamang. Mula sa pagiging stage at theater actor, nabigyan ng break sa pelikula si Joel nang siya’y gumanap na bida sa tinaguriang landmark for Philippine Cinema, ang “Oro Plata Mata” noong 1982 sa direksyon ng batikang direktor na si Peque Gallaga. Dito nakilala si Joel dahil sa kanyang mahusay na pagganap bilang lead role. Umani ang pelikula ng grand prize sa Metro Manila Film Festival, best director award sa Belgium Film Festival at best screenplay sa Hong Kong Film Festival. Ito ang naging hudyat sa patuloy na pag-usbong ng kanyang acting career na pinatunayan pa ng makatanggap siya ng best supporting actor awards mula sa FAMAS para sa kanyang pagganap sa pelikulang “Mumbaki” noong 1997, Gawad Urian para sa pelikulang “Bayaning Third World” noong 2000, best actor awards naman mula sa Cinemanila International Film Festival 2001 at Gawad Urian noong 2002, kapwa sa kanyang natatanging pagganap sa pelikulang “Batang West Side”.

Para sa aktor, ang bawat papel na kanyang ginagampanan ay nagkakaroon ng bahagi sa kanyang pagkatao kung saan ang kanyang pagkatao ay nagiging bahago rin nito. Ang lahat ng kanyang natutuhan ay iniaakma niya sa mga nadidiskubre sa buhay at sa hangganan ng kanyang kakayahan bilang aktor.

Astute Businessman
Alam ni Joel na ang kasikatan sa showbiz industry ay hindi permanente at walang katiyakan, minsan nasa itaas, minsan nasa ibaba. As they say in Show Business, “You are only as good as your last film”. Kung kaya’t pinasok na rin niya ang pagnenegosyo. Itinayo niya ang JT Manukan Grille sa Quezon City kung saan ang specialty ay Chicken Inasal, sikat na pagkain sa Bacolod, ang kanyang native city.

Nature Lover and Advocate
Lingid sa kaalaman ng karamihan, si Joel ay isang anti-coal advocate, Greenpeace volunteer at DENR spokesperson. Katulad ng pagmamahal at dedikasyon bilang aktor at direktor sa teatro, pelikula at telebisyon, ganun din ang ipinapakitang concern ni Joel sa pagsuporta sa mga programang pang-kalikasan tulad ng Green Highways Philippines ng DENR kung saan sila ay nagtanim ng milyong mga puno. Ilang taon na din niyang sinusuportahan ang Greenpeace Climate and Energy Campaign na naglalayong magkaroon ng massive switch to clean, renewable energy para mapigilan ang climate change. Sa katunayan, naging spokesperson din si Joel ng Greenpeace Flagship Rainbow Warrior sa Bacolod kung saan nanawagan siya sa kanyang mga kababayan na patuloy na kondenahin ang paggamit ng coal at i-promote ang renewable energy sa Negros Occidental.

Caring Family Man
Biniyayaan ng dalawang anak si Joel at ang kanyang non-showbiz wife na si Christy Azcona. College sweethearts sila ng kanyang maybahay at magkasama sa mga pagtatanghal sa entablado at teatro noong kabataan nila. Labing-walong taon na silang kasal at halos tatlumpung-taon na ang kanilang pagsasama mula nang sila ay naging magkasintahan na patuloy namang nagiging matatag sa pag-usad ng panahon.

Proud Bacolodian
Ipinanganak si Joel noong June 19, 1961 sa Bacolod City, makalipas ang isandaang taon matapos isilang si Jose Rizal. Dahil sa parehong buwan at araw ng kapanganakan sa pambansang bayani, Jose Rizalino ang ipinangalan sa kanya ng kanyang mga magulang. Tunay na anak ng Bacolod si Joel. Dito siya nagkaisip, lumaki at nagtapos ng pag-aaral. Kumuha siya ng mga kursong Marketing at Mass Communication sa De La Salle University, one of the most prestigious places of learning in the Visayas.

On the Movie “Abong”
Kamakailan ay nagtungo si Joel dito sa Japan para i-promote ang Fil-Jap film na “Abong” na kanyang pinagbibidahan sa direksyon ni Koji Imaizumi.

“I was very happy when Koji asked me to play the lead role of “Abong”. It was a very unusual script and it’s the kind of role you have to grow into. I have done lots of films, but this is one special film for me because of the content. It’s a small-budgeted film but with a very big story and wider impact.”

Ayon sa aktor, ang pelikulang ito ay punung-puno ng aral kung saan ang sinumang makapanood ay mapapag-isip sa kung ano ba ang mahalaga sa buhay ng tao.

Joel’s Mindspeak
Unlike several actors that we know, walang balak si Joel na sumabak sa political arena. Para sa kanya, maaari pa rin siyang makatulong sa kanyang kapwa sa pamamagitan ng mga non-government organizations at isa pa’y masaya na siya sa paggawa ng mga pelikula at pamamahala sa kanyang restaurant.

Nang siya’y tanungin sa kasalukuyang kalagayan ng showbiz industry, hindi niya ito direktang binigyan ng kasagutan, sa halip ay sinabi na lamang niya na kung noon ay 250 na pelikula ang nagagawa sa loob ng isang taon, ngayon ay hindi na ito umaabot sa 40. Ngunit ayon sa aktor, may pag-asa pa, kung patuloy na lalabanan ang movie piracy at muling gagawa ng mga de-kalibreng pelikula at mga digital at independent films na usong trend ngayon sa Pilipinas.

Kung susumahin lahat ng pelikulang kanyang nagawa at mga tropeo’t parangal na kanyang nakamit, masasabing very successful na si Joel sa kanyang karera.

"Success for me is relevant. I’d still want to direct my own films in the near future."

*cover story for the June '07 issue of Philippine Digest*

No comments: