My photo
Editor-in-chief, Travel writer (International Press Japan Co. -- Philippine Digest Magazine); Intern (The Manila Times Publishing Corp.); Managing Editor (The Sentinel, Lyceum); News Editor (The Filters, BHS); 8th placer (News Writing, DSSPC)

Wednesday, 6 February 2008

A Need for a Philippine School in Japan

Hindi maitatangging maraming Pilipino ang naninirahan at naghahanap-buhay dito sa Japan. Kabilang sa mga ito ay ang mga kabataang may lahing Hapon o Japino na nagsisimula nang humabi ng buhay para sa katuparan ng kanilang mga pangarap sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sapat na edukasyon.

Magiging mas madali para sa mga batang Japino na dito isinilang at nagkaisip ang pakikibagay at pag-aadjust sa school environment na kanilang pinapasukan, mga sensei, at kapwa mag-aaral. Subalit para sa mga batang Japino na lumaki sa Pilipinas at nagtungo rito, higit na magiging mahirap at komplikado ang adjustment period na kanilang pagdadaanan.

Philippine Schools Abroad
May 43 Philippine schools na ang naitatag sa 9 na bansa kabilang ang Bahrain, China, Greece, Kingdom of Saudi Arabia, Kuwait, Libya, Oman, Qatar at United Arab Emirates. 30 sa mga Philippine schools na ito ang may government permit mula sa DepEd, 9 ang may provisional permit at 4 ang nag-aaply pa lamang ng permit to operate. Aprubado ng DepEd ang educational curriculum ng mga Philippine schools sa mga bansang ito. Sa katunayan, mahigit sa 20,000 estudyante na ang nag-aaral sa mga paaralang ito mula elementarya hanggang hayskul.

Ang mga Philippine schools na ito ay itinatag upang matugunan ang pangangailangang pang-edukasyon ng mga kabataang Pilipino, may dugong banyaga man o wala na naninirahan sa ibang bansa. Ito rin ay magsisilbing daan upang magkaroon ng pagkakataon ang mga kabataang ito na maiakma ang kanilang mga sarili sa sistemang pang-edukasyon ng Pilipinas sa panahong naisin na nilang bumalik at dito mag-aral. Hindi lamang 'yan, ang mga paaralang ito rin ang magsisilbing lugar upang mapalawig ang kulturang Pilipino sa ibang bansa.

Establishing a Philippine School in Japan
May mga prosesong pagdadaanan kung magtatayo ng Philippine school dito sa Japan. Masalimuot kung iisipin ngunit kung maisasagawa ng tama at maayos ay tiyak na magiging maganda ang resulta at maraming kabataan ang makikinabang.

Ang Commission on Filipino Overseas (CFO) at Inter-Agency Committee on Philippine Schools Overseas (IACPSO) ang nakatalagang magsaayos ng mga programang gagamitin para sa pagtatag ng mga Philippine schools abroad at mapanatiling mataas ang kalidad ng edukasyon dito. (Para sa karagdagang impormasyon, mag-log on sa www.cfo.gov.ph). May Application Form, Information Sheet at Survey Form dito na kailangan para sa proposal ng pagtatag ng Philippine school dito at sa ibang bansa.

Advantages and Disadvantages
Ang pagkakaroon ng sapat na edukasyon ay napakahalagang sangkap sa paghubog ng pagkatao ng isang nilalang. Ito ang tutukoy sa posisyong uukupahin niya sa lipunang kanyang kinabibilangan. Kaya naman kung sakaling magkaroon ng katuparan ang hangaring pagtatag ng Philippine school dito ay tiyak na maraming kabataang Japino ang makikinabang at matutulungan. Mas magiging madali rin para sa magulang, lalo na para sa mga Filipino mothers ng mga Japino na maturuan ng leksyon ang kanilang mga anak. Idagdag pa ang maibibigay nitong oportunidad sa mga Filipino teachers na nagtuturo sa mga paaralan dito, maaari na nilang maibahagi ang kanilang kaalaman sa kanilang mga kapwa Pilipino.

Sa kabilang banda, may makikita rin sigurong disadvantages sa hangaring ito subalit kung ang isasaisip at isasapuso ay ang magandang kinabukasan ng mga kabataang Japino, walang makikitang hindi maganda sa hangaring magkaroon ng Philippine school dito.

Can We or Can We Not?
Posible sa marami ngunit imposible rin para sa ilan ang hangaring ito. Ngunit kung pag-iisipang mabuti, napakahalaga ng maiiambag ng pagkakaroon ng Philippine school dito sa Japan hindi lamang sa mga batang Japino na hanggang ngayon ay nakakaranas ng culture shock, identity crisis at bullying sa mga paaralang kanilang pinapasukan kundi pati na rin sa mga Filipino teachers at parents dito.

Kung nagawa nga ng mga Pilipino sa 9 na bansa na magtatag ng Philippine schools, kaya rin ng mga Pilipino dito sa Japan. Kailangan lamang na magkapit-bisig ang buong Filipino community para sa katuparan ng naisin na ito. Ika nga, "Education is a right not a privilege", kaya't bigyang pagkakataon ang mga kabataang Japino na mag-aral sa isang Philippine school dito sa Japan.

*published in the Feb '08 issue of "Education", Philippine Digest*

2 comments:

JFSekai.com said...

Meron tayong Online Tambayan ng Japanese-Filipino, Japinoy, Japinay, Japino, Shin-nikkeijin, nikkeijin, pure Pinoy and Japanese is also welcome here


www.jfsekai.com The Online Filipino-Japanese Community, The Home of the Japanese-Filipino Children

AnimeMom said...

Ito talaga ang nilalaman at iniiyak ng puso ko buhat nang malaman ko kamakailan sa isang kaibigang misyonaryo ang kalagayan ng mga Japino diyan. Bilang isang "homeschooling mom" na nakaranas ng hirap sa pagbalik sa "mainstream" ng mga anak dahil sa pagkaka-tira sa ibang bansa nang ilang taon, nakikinita ko ang balakid na maaaring maranasan din ng mga Japino pag balik sa Pilipinas.

Ang mga Japino at ang kanilang mga ina (o magulang) ay hindi habang-buhay na mananatili sa Japan. Anong paaralan o unibersidad ang tatanggap sa kanila kung wala silang angkop na "edukasyong Pinoy"? Sila ba'y mapapabilang lamang sa lumalaking populasyon ng mga "out of school youth"? Ang kanilang kinabukasan ba'y maitatalaga na lamang sa pagiging "tambay" o di kaya'y mababang uri ng trabahador dahil sa hindi nila pagtapos ng kurso sa mga lokal na paaralan?

Tulad nga ng sinulat mo, ang edukasyon ay karapatan, hindi pribilehiyo. Kailangan nating mabigyan ang mga Japino at iba pang kabataang Pilipino diyan sa Japan ng sandatang panlaban sa mga pagsubok na maaari nilang maranas sa kanilang pagbalik. Hindi natin maipagkakaila na karamihan sa mga Japino ay hindi malugod na tinatanggap diyan. Lalo nang nakaka durog-pusong isipin na sa sariling bayan, hindi pa rin ba sila tatanggapin dahil lamang wala silang "DepEd-accredited education &/or Form 137 or 138"?

Ipinagdarasal kong may magawang paraan para makapag-tayo ng paaralan o organisasyong pang-edukasyon para sa mga kabataang Pilipino sa Japan. Kung ipagkakaloob ng Panginoon na kami ay maging kasama Niya sa gawaing ito, malugod kong tatanggapin ang misyong ito!