
*published in the April '09 issue of "Faces", Philippine Digest
*photo by Din Eugenio
A compilation of the writer's published works on various magazines and newspapers both in Japan and in the Philippines.

*published in the April '09 issue of "Faces", Philippine Digest
*photo by Din Eugenio
Beyond the Horizon
Spring, Haru, Tagsibol. Magkakaibang-salita subalit may iisang kahulugan. Panahon para magpasalamat sa magandang klima ng tamang-tamang init at lamig at pagkakataon na rin upang ipagdiwang ang buhay, anuman ang pagsubok na kinakaharap. “Celebrate Life, Celebrate Spring”, ang handog namin sa April issue na ito ng Philippine Digest.
Marahil ay marami ang napapaisip kung bakit si Gabby Concepcion ang napiling cover para sa issue na ito. Katulad ng tagsibol, heto muli ang “Golden Boy”, nagbabalik-show biz, muling sisibol at nakahandang ibalik ang ningning ng kanyang bituin matapos ang “hibernation” na ginawa dulot ng sunud-sunod na eskandalong kinasangkutan.
Magandang balita para sa mga Filipino War Veterans ng WWII ang pag-apruba ng Amerika sa benepisyong dapat ay matagal na nilang pinapakinabangan. Sana lamang ay isaalang-alang din ang partisipasyon ng mga beteranong namayapa na at bigyan-benepisyo ang kanilang mga naiwang pamilya.
Tulad ng pamumukadkad ng mga bulaklak, refreshing at nakakahalina rin ang gandang taglay ng mga nanalong kandidata sa ginanap na Ms. International (Foreigner) in Japan ‘09 kung saan dalawa sa ating mga Pinay beauties ang nag-uwi ng karangalan. Mai-inspire rin kayo sa mga kwento ng isang dating ALT at isang call center agent, mga propesyong in-demand ngayon sa Japan at sa Pilipinas. Para naman sa mga nagbabalak mag-hanami, hindi rin dapat palampasin ang aming featured travel spot, ang Ueno Park na isa sa mga popular na lugar na pinagdarausan ng mga hanami parties. Atin din ipagdiwang ang buhay, Philippine style!
Kasabay ng gagawin nating "spring cleaning" sa ating mga sarili ay ang paggunita natin sa pagpapakasakit ni Hesu Kristo upang iligtas ang sanlibutan at pag-alala sa Kanyang muling pagkabuhay dahil sa pagmamahal sa sangkatauhan.
Tapos na ang taglamig. Baka tulad ng mga hayop ay nasa hibernation stage ka pa rin. Gising, gising at gumawa ng mabuti sa kapwa. Kasabay ng gagawing pagtitika ay pag-isantabi sa mga hindi mabuting gawain at pagtanggap kay Hesu Kristo ng buong puso.
Happy Spring reading sa inyong lahat!
*published in the April '09 issue of "Beyond the Horizon", Philippine Digest
Mahigit limang taon ang ginugol ng mga bihasang artisan bago makumpleto ang Tobu World Square noong Abril 24, 1993. Dito makikita ang mga kahanga-hangang miniature reproduction ng 102 historic relics at architectures mula sa 21 bansa at 45 UNESCO World Cultural at Heritage Sites sa sukat na 1/25 mula sa orihinal na laki ng mga ito. Iba't ibang kwento rin ang hatid ng mahigit sa 140,000 "resident" figurines na may taas na 7 cm. Ang nakakamangha pa ay wala sa mga ito ang magkakamukha at magkakatulad. Hindi rin dapat palampasin ang magagandang hardin at mga puno na gawa sa 20,000 bonsai trees na akmang-akma sa mga istruktura.
America Zone - Ang mga matatayog na gusali ng "The Big Apple" o New York City ang makikita rito. Kabilang na ang Empire State Building, World Trade Center at Chrysler Building. Nandito rin ang tanyag na tourist spots na Statue of Liberty, The White House at iba pa.
Egypt Zone - Gusto mo bang makaranas ng mainit na panahon sa gitna ng malamig na klima? Narito ang mga disyerto ng Ehipto na maghahatid sa iyo ng pakiramdam na ikaw ay nasa mga misteryosong pyramids ng Menkaure, Khafre at Khufu; ang Sphinx na nagpapakita ng kapangyarihan ng Egyptian rulers. May camel display din dito para sa tunay na ancient Egypt experience.
Europe Zone - Romantic at sacred. Ito ang mararamdaman sa bahaging ito sapagkat dito masisilayan ang ganda at gilas ng Eiffel Tower ng France, Sagrada Familia Church ng Spain, St. Peter's Basilica ng Vatican, Parthenon ng Greece, Colosseum ng Italy at maraming pang kaakit-akit na lugar sa Europa.
Asia Zone - Ang parteng ito ang magpapaalala sa iyo ng makasaysayang kwento ng Asya at ng mga tao nito. Nandito ang The Great Wall of China, white marble mausoleum ng Taj Mahal ng India at Angkor Wat ng Cambodia.
Japan Zone - Dito masisilayan ang "good old days" ng Japan. Bukod sa Rokuon-ji Golden Pavilion, hindi rin dapat palampasin ang mga miniature trees kung saan 97% sa mga ito ay tunay na lalong nagbibigay ng makatotohanang tanawin sa mga exhibit.
May ilang kainan na matatagpuan sa loob ng theme park tulad ng Heian, Amuse Marche, World, Carnival at Convention House. Makakabili naman ng souvenirs sa Mercado I at II. 
Amusement Park – Para sa kasiyahan ng mga bata at ng buong pamilya, iba’t ibang rides ang makikita rito. Nariyan ang Linear Gale, ang kauna-unahang hanging-type linear roller coaster sa buong mundo; Tower Hacker, na tiyak na magpapasigaw sa sinumang susubok nito dahil sa mabilis nitong pagbulusok pababa mula sa taas na 80 metro; Thunder Dolphin, isang klase ng roller coaster kung saan ang bilis ay umaabot sa 130 km/h; Skyflower, mala-parachute ride na taas-baba hanggang 61 metro.
Tokyo Dome Hotel - Kung kayo ay naghahanap ng mainam na lugar para sa inyong business at leisure pursuit, isa ito sa magandang puntahan. Ito ang flagship ng 5 sangay nito sa bansa. Ang kabuuan ng hotel ay may 1,006 guest rooms, 10 restaurants at lounges, 18 banquet rooms at dalawang chapels. May wedding facilities, business center, child care room at outdoor pool din dito.
Meets Port - Ito ang pinakabagong atraksyon ng lugar na nagbukas tagsibol ng nakaraang taon. Kung ang bawat pasyalan ay may tinatawag na "meeting point", ito na marahil ang sa Tokyo Dome City. Ilan sa mga panghalina nito ay ang makatawag-pansin na multi-purpose hall, dining facilities at garden space.
Kaayaaya at natatanging commercial at shopping district sa Japan na may eastern at western touch. Ganito kung ilarawan ang Ginza, noon at ngayon.
Naging popular din ang Ginza dahil sa sobrang mahal na presyo ng lupain. Ang one sq. meter ay nagkakahalaga ng mahigit sa 10 million yen. 
Ngayon, ang Hattori Big Clock ay itinuturing na simbolo ng Ginza at paboritong tagpuan ng mga lokal at dayuhang turista. Ito ay tumutunog sa saliw ng sikat na Westminster Chimes kada oras tulad din ng Big Ben sa London .
Kabukiza Theater- Binuksan sa publiko noong 1889, ito ang kauna-unahang teatro sa Tokyo na pinagtatanghalan ng tradisyonal na kabuki (literally means, "song, dance, and technique"; an all-male cast in Japanese classic tales and legends). Ito ay popular na pasyalan at panooran ng mga lokal at turista. May planong gibain ito at isaayos sa 2010 sa panseguridad na kadahilanan at muling buksan sa publiko sa 2013.
Sony Building- Kakaiba ang istruktura at disensyo, kaya naging popular na landmark ng Ginza simula pa noong 1966. Sa Sony Showroom, ay ang mga pinakabagong produkto ng Sony; Sony Shop na nagbebenta ng mga international models ng kanilang mga produkto; Opus Communication Zone: masusubukan ang isang video and audio entertainment na may mataas ng kalidad; Maxim's de Paris, isang French restaurant; at iba pang tindahan na nagbebenta ng mga Japanese souvenirs.
Nissan Gallery- Dito makikita ang mga bago at classic cars na gawa ng Nissan.
Starbucks Japan- Taong 1996 nang buksan sa Ginza ang kauna-unahang Starbucks store sa Japan .
Sa Ginza rin matatagpuan ang iba pang mamahaling department stores tulad ng Matsuya, Matsuzakaya, Printemps, Hankyu at Seibu. Ang mga kumpanyang Coca-cola at Warner Brothers ay matatagpuan din dito. Nandito rin ang Chikuyotei na tindahan ng isa sa pinakamasarap na unagi o eel sa buong Japan at Ginza Cafe Paulista na paboritong hangout ng Beatles legend na si John Lennon at asawang si Yoko Ono.