My photo
Editor-in-chief, Travel writer (International Press Japan Co. -- Philippine Digest Magazine); Intern (The Manila Times Publishing Corp.); Managing Editor (The Sentinel, Lyceum); News Editor (The Filters, BHS); 8th placer (News Writing, DSSPC)

Sunday, 14 December 2008

Ginza - Where Sophistication and Elegance Meet

Kaayaaya at natatanging commercial at shopping district sa Japan na may eastern at western touch. Ganito kung ilarawan ang Ginza, noon at ngayon.

Matatagpuan sa Chuo-ku, Tokyo, ang Ginza (gin- "silver", za- "guild") ay ipinangalan kasunod ng silver coin mint na itinatag ng mga Shogun sa lugar noong 1612. Taong 1860 nang ito ay buksan sa mga dayuhang mangangalakal matapos ang mahigit sa 200 taon na pagkakahimbing ng bansa. Matapos ang sunud-sunod na pinsalang dulot ng Great Fire of Tokyo, 1923 Great Kanto Earthquake at World War II ay isinaayos ang Ginza at ngayon ay itinuturing na isa sa mga simbolo ng pandaigdigang kultura at komersyo sa Tokyo.
Kilala ang Ginza hindi lamang sa Japan kundi pati na rin sa buong mundo dahil sa mga elegante at sopistikadang panghalina na matatagpuan dito, tulad ng mga brand shops ng Louis Vuitton, Chanel, Prada, Dior, Gucci, Coach, Bulgari at ang kabubukas pa lamang na H&M; art galleries ng mga magagaling na artists mula sa iba't-ibang bansa; tradisyonal na Japanese style-shops; at mamahaling mga coffee shops, restaurants, bars at department stores.
Naging popular din ang Ginza dahil sa sobrang mahal na presyo ng lupain. Ang one sq. meter ay nagkakahalaga ng mahigit sa 10 million yen.
Mga Atraksyon:
Ginza Wako- Isa sa mga pinakaluma at pinakamamahaling department stores sa Japan. Ito ay itinatag noong 1881 ni Kintaro Hattori bilang isang watch and jewelry shop na may pangalang K. Hattori (now Seiko Holdings Corporation). Mula 1894-1921, ang Hattori Clock Tower ang nakatayo rito na pinalitan ng mas bagong K. Hattori Building noong 1932. Nilagyan din ito ng orasan bilang pag-alala sa dating tore na matatagpuan dito. Ngayon, ang Hattori Big Clock ay itinuturing na simbolo ng Ginza at paboritong tagpuan ng mga lokal at dayuhang turista. Ito ay tumutunog sa saliw ng sikat na Westminster Chimes kada oras tulad din ng Big Ben sa London .
San-ai Building- Ito na marahil ang pinakatanyag na landmark sa Ginza dahil kadalasan itong makikita sa mga postcards at travel books. Kung dati'y ang billboard ng Vodafone ang makikita rito, ngayon ay ang anunsyo ng Ricoh, isang printer company na matatagpuan sa Ginza.
Kabukiza Theater- Binuksan sa publiko noong 1889, ito ang kauna-unahang teatro sa Tokyo na pinagtatanghalan ng tradisyonal na kabuki (literally means, "song, dance, and technique"; an all-male cast in Japanese classic tales and legends). Ito ay popular na pasyalan at panooran ng mga lokal at turista. May planong gibain ito at isaayos sa 2010 sa panseguridad na kadahilanan at muling buksan sa publiko sa 2013.

Sony Building- Kakaiba ang istruktura at disensyo, kaya naging popular na landmark ng Ginza simula pa noong 1966. Sa Sony Showroom, ay ang mga pinakabagong produkto ng Sony; Sony Shop na nagbebenta ng mga international models ng kanilang mga produkto; Opus Communication Zone: masusubukan ang isang video and audio entertainment na may mataas ng kalidad; Maxim's de Paris, isang French restaurant; at iba pang tindahan na nagbebenta ng mga Japanese souvenirs.

Mitsukoshi Depatment Store- Itinatag noong 1673 at binuksan sa Ginza noong 1930. Isa sa mga pinakamamahaling department stores sa Japan na may mga sangay din sa ibang bansa. May mga designer's boutiques dito.
Nissan Gallery- Dito makikita ang mga bago at classic cars na gawa ng Nissan.
Tsukiji Fish Market- Ang pinakamalaking tindahan at bagsakan ng isda at iba pang lamang-dagat sa buong Asya, pati na rin sa buong mundo ay nahahati sa dalawang bahagi, ang "inner market" (jonai shijo) kung saan may humigit-kumulang na 900 wholesale dealers at ang "outer market" (jogai shijo) na may wholesale at retail shops na nagtitinda ng mga Japanese kitchen tools, restaurant supplies, groceries, seafood at sushi.
Tsukiji Honganji- Indian-style Buddhist temple na simula pa noong 1617. Napinsala ng sunog at lindol at muling itinayo noong 1935 sa bago nitong lugar.
Nakajin Capsule Building- Ang unang capsule building na itinayo noong 1971 na susubok kung maaaring tirahan ng tao. May higaan at ilang appliances sa loob nito.
Hakuhinkan Toy Park- Isa sa pinakaluma at pinakamalaking tindahan ng laruan sa Japan na binuksan pa noong 1899.

Apple Store Ginza- Dito makikita ang mga pinakabagong produkto ng Apple. May theater room din dito na pinagdadausan ng mga tutorial lessons ng mga produkto ng Apple. Starbucks Japan- Taong 1996 nang buksan sa Ginza ang kauna-unahang Starbucks store sa Japan . Sa Ginza rin matatagpuan ang iba pang mamahaling department stores tulad ng Matsuya, Matsuzakaya, Printemps, Hankyu at Seibu. Ang mga kumpanyang Coca-cola at Warner Brothers ay matatagpuan din dito. Nandito rin ang Chikuyotei na tindahan ng isa sa pinakamasarap na unagi o eel sa buong Japan at Ginza Cafe Paulista na paboritong hangout ng Beatles legend na si John Lennon at asawang si Yoko Ono.
Nagkalat din ang mga sinehan dito tulad ng Cine Pathos at bars at pubs tulad ng Three Hundred at Duffy's.
Bukod sa mga elegante at sopistikadang atraksyon ng lugar, "Pedestrian's Paradise" rin kung tawagin ang Ginza dahil sa mga saradong kalsada ng Chuo Dori para sa mga sasakyan tuwing weekends; may mga street musicians na makikita rito.
Taun-taon, mula Nobyembre 15 hanggang matapos ang Holiday season ay iniilawan ang mga kalsada ng Ginza. Sa Ginzanamiki, 126 na puno ang inilawan ng 75,000 light bulbs at 76 na puno naman ang iniilawan ng 35,000 light bulbs sa Hanatsubaku.
How to Get There:
Take the Hibiya, Marunouchi and Ginza Subway Lines and get off at Ginza Station.
*published in the January '09 issue of "Let's Tour Tokyo", Philippine Digest*
*photos by Din Eugenio*

Wednesday, 3 December 2008

Hitomi Sakamoto: The Next Big Thing in Martial Arts

Isang manigong 'Mabuhay' para kay Hitomi Borilla Sakamoto, 17, Japino! Isinilang at lumaki rito sa Japan ngunit hindi nakakalimot na siya ay may dugong Pilipino.

Nasa ikatlong taon ng senior high school sa Toda Shoyo, hindi pangkaraniwang estudyante si Hitomi. Dahil bukod sa pagiging masipag na mag-aaral, part-time worker din siya sa isang chocolate factory. Hindi lamang 'yan, siya ay itinuturing din na martial arts wonder sa kanilang lugar sa Saitama-ken, Warabi-shi, dahil sa kanyang angkin galing sa aikido, kickboxing, grappling, judo at karate.

Siyam na taon gulang pa lamang si Hitomi nang siya ay mag-umpisa at mahilig sa aikido. Matapos ang ilang taon ng masusing ensayo, siya ay naging miyembro ng Warabi Aikido. Dahil sa kanyang ipinamalas na galing, na-feature siya sa newsletter ng Warabi-shi. Ipinadala rin siya sa Denmark kasama ang kanyang mga aikido sensei upang sumabak sa mga intensive trainings at workshops. Ipinalabas din siya sa isang programa sa Channel 4, Nihon Terebi. At ngayon Enero ay makakamtan na niya ang pinakaaasam na black belt na magbibigay-daan upang siya ay maging isang aikido sensei.

Bukod sa aikido, pambato rin sa grappling si Hitomi. Sa katunayan, mapapanood sa (http://ie.youtube.com/watch?v=wYReYzWxjKU) ang isa sa mga grappling tournaments na kanyang sinalihan. Umabot na ng mahigit sa 27,000 views sa Youtube ang laban niya na ito, kung saan iba't-ibang papuri ang kanyang natanggap mula sa mga taong nakapanood dito.

Mahusay din sa kickboxing si Hitomi at maraming kompetisyon na ang kanyang sinalihan. Sa isang panayam, natatawang ibinahagi ng kanyang ama na sa isang sparring session ay hindi sinasadyang matamaan ni Hitomi ang kanyang mukha na naging dahilan upang malagas ang ilan sa kanyang mga ipin.

"She's very strong," saad ng ama ni Hitomi sa wikang hapon. "I want her to become a Muay Thai champ and even a martial arts sensation," dagdag pa nito.
Buong-buo rin ang suporta ng ina kay Hitomi sa tuwing siya ay may ensayo at kompetisyon na dinadaluhan.

Judo ang kasalukuyang sports ni Hitomi sa kanyang paaralan. Nag-aral din siya ng karate ng dalawang taon.
Batid ni Hitomi na sa bawat laban na kanyang sinasalihan ay may nananalo at natatalo. Kaya naman sa mga pagkakataon na hindi siya ang nagwawagi ay tinatatagan niya ang kanyang kalooban at mas pinagbubuti sa mga susunod na laban.
"Hindi madali ang pagsabak sa martial arts subalit kung ikaw ay may determinasyon, lakas ng katawan at tibay ng loob ay walang imposible," pahayag ni Hitomi. Sa mga darating na panahon, hindi malayong maging kinatawan si Hitomi ng Japan o Pilipinas sa Asian Games, South East Asian Games o kahit pa sa Olympics dahil sa kanyang versatility at husay sa martial arts. At lalong hindi malabong siya ay magbigay-karangalan sa dalawang bansa at sumunod sa mga yapak nina Bea Lucero, Japoy Lizardo at iba pang martial arts champs.

*published in the January '09 issue of "Education Wonder", Philippine Digest*

*photos by Florenda Corpuz*