Kung ikaw ay isang Pilipino, hindi ka ba maiinsulto?
Simula ng si Juan dela Cruz ay tumapak sa paaralan ay itinuro na sa kanya ng mga guro ang kahulugan at kahalagahan ng pambansang watawat. At sa paglipas ng panahon ay tumatak sa kanyang puso't isipan ang respeto at pagpapahalagang nararapat ibigay para rito. Tuwing may flag ceremony at mahahalagang okasyon ay binibigyang-pugay niya ito sapagkat para sa kanya, ito ang tunay na simbolo ng kasarinlan ng kanyang bansa at pagka-Pilipino.
Nakasaad sa Republic Act 8491 o ang Flag Heraldic Code of the Philippines ang tamang pangangalaga sa pambansang watawat at ang mga bagay na ipinagbabawal gawin dito. Ilan sa mga hindi pinahihintulutan ng batas ay ang paglibak, paggamit bilang dekorasyon o tatak ng isang produkto at paglalagay sa mga di kaaya-ayang lugar tulad ng mga clubs na karaniwan nang tanawin sa mga Philippine establishments dito sa Japan.
Ayon kay Cultural and Filipino Community Affairs Vice Consul Anna De Vera, sakop ng batas na ito ang mga Philippine establishments na nag-ooperate dito sa Japan subalit wala pang natatanggap na reklamo ang embahada hinggil sa isyung ito.
"Every Filipino is responsible in treating our flag with high respect. As of this moment, we don't have any system to monitor this situation but every time we get to see Philippine establishments that display worn out flags, we immediately call the attention of the owners," dagdag pa ni De Vera.
Marami sa mga may-ari ng Philippine stores, restaurants at night clubs ang kulang o walang kaalaman ukol sa batas na ito kaya naman naglipana ang mga flag displays sa kani-kanilang mga establisimyento.
"Hindi ko alam na may ganyan palang batas. Pero nilagay ko lang naman 'yan para malaman ng mga customers, Pilipino at Hapon, na ito ay isang Philippine establishment," pahayag ni Jenny, may-ari ng isang tindahan.
Sa ganitong sitwasyon kung saan kulang ang kaalaman ng mga may-ari ng mga Philippine establishments at wala pang mainam na solusyon ang embahada ukol sa isyung ito, mainam na maging responsable na lamang ang mga may-ari ng mga nasabing establisimyento sa kanilang ginagawang pag-display lalo na ng mga marurumi at gula-gulanit na watawat ng Pilipinas. Mas makabubuting sila'y mag-isip na lamang ng ibang paraan upang maipahatid sa kanilang mga parokyano na sila ay isang Philippine establishment nang sa gayon ay hindi naman patuloy na bumaba at malibak ang pagkakakilanlan sa mga Pilipino. Sa mga kinauukulan naman, nawa'y may hakbang nang maipatupad para sa ikalulutas ng suliraning ito. Ang buong Filipino community ay maghihintay sa inyong gagawing aksyon.
*published in the September '08 issue of "Beyond the Horizon", Philippine Digest*
*photo by Florenda Corpuz**photo caption: A worn out flag displayed outside a Philippine store.*