Kumitil ng 11 buhay at nag-iwan ng 120 sugatan ang pagsabog na yumanig sa Glorietta 2, tanghali ng Oktubre 19.
Nilansag ng pagsabog ang tatlong palapag ng Glorietta 2 na ikinapinsala at ikinasugat ng mga empleyado at namamasyal sa mall. Ang mga biktima ay dinala sa Makati Medical Center at Ospital ng Makati.
Winasak naman ng mga nagtalsikang debris ang mga sasakyang nakaparada at tindahang malapit sa establisyemento at nag-iwan ng malaking halaga ng pinsala.
Ayon sa pulisya, dalawang pagsabog ang magkasunod na naganap. Ang una ay nangyari 1:30 p.m. sa delivery area ng Luk Yuen Noodle House sa kaliwang bahaging entrance ng Glorietta 2 at makaraan ang ilang segundo ay sa kanang bahagi naman ng entrance. Hindi pa tukoy ng otoridad ang sanhi ng pagsabog ngunit iniutos na ni Pangulong Arroyo ang masusing pag-iimbestiga rito.
“I am deeply saddened by this unfortunate incident. I assure everyone that a full blown investigation is now underway,” pahayag ng pangulo.
Tumutulong din sa imbestigasyon ang ilang private investigation teams at foreign forensic experts upang mapabilis ang pagtukoy sa sanhi ng pagsabog.
Aakuin naman ng pamunuan ng Ayala Land Inc., may-ari ng Glorietta mall ang pinansiyal na gastusin ng mga pamilya ng biktima.
Matapos ang insidente, pinaigting ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines ang seguridad sa mga pampublikong lugar sa pamamagitan ng pagtalaga ng karagdagang 2000 pulis sa buong bansa upang maiwasan nang maulit ang ganitong pangyayari.
Blast Theory
Iba’t-ibang teorya ang pinag-aaralan ng otoridad na posibleng sanhi ng pagsabog na naganap sa Glorietta 2.
Ang teoryang ito ay isang “bomb attack” ay may magkakaibang anggulo. Maaaring ito raw ay pakana ng mga terorista upang maghasik ng karahasan at samantalahin ang kasalukuyang kaguluhang pampulitika ng bansa. May mga haka-haka rin na ito ay gawa ng mga malalapit sa Pangulong Arroyo upang malihis ang atensyon ng mga tao mula sa mga kontrobersiyang kinahaharap ng kasalukuyangadministrasyon. May mga kuru-kuro rin na ito ay gawa ng kaaway ng gobyerno upang madagdagan at pagtibayin ang sunud-sunod na iskandalo sa administrasyong Arroyo.
Samantala, ang posibilidad na ito ay isang industrial failure na dulot ng kapabayaan ng Ayala Land Inc. ay hindi rin inisasantabi.
Accident or Sabotage?
Ito ang katanungang hindi mabigyang kasagutan sapagkat nananatiling palaisipan ang tunay na dahilan ng pagsabog. Sa resulta ng imbestigasyon ng kinauukulan, hindi bomba ang sanhi ng pagsabog kundi gas build-up sa basement ng Glorietta 2. Subalit tila hindi kumbinsido ang sambayanang Pilipino sa ulat na ito sapagkat hindi sapat at konkreto ang mga ebidensyang iniharap. Ngunit sa kabila nito’y nananatiling positibo ang pananaw ng publiko na lalabas din ang katotohanan at mabibigyang-katarungan ang mga inosenteng mamamayan na naging biktima ng insidente.
Mall Blasts in RP
Bukod sa Glorietta 2, may tatlo pang pagsabog ang naganap sa iba’t-ibang malls sa Pilipinas sa nakalipas na pitong taon.
May 17, 2000: Pagsabog sa C.R. ng isang restaurant sa Glorietta na nag-iwan ng 13 taong sugatan. Bago ang insidente ay may dalawang hip-hop gangs ang nag-away malapit sa pinangyarihan ng pagsabog. (Sources: BusinessWorld, Manila StandardToday)
May 21, 2000: Isang homemade bomb ang sumabog sa labas ng C.R. ng sinehan ng SM Megamall na kumitil sa buhay ng isang janitor at ikinasugat ng 10 pang tao.(Sources: AsiaWeek, BBC)
April 21, 2002: Pagpapasabog ng Abu Sayaff sa FitMart sa General Santos na ikinasawi ng 15 tao. (Sources: DND, PIA)
*published in the Dec '07 issue of "Beyond the Horizon", Philippine Digest*