My photo
Editor-in-chief, Travel writer (International Press Japan Co. -- Philippine Digest Magazine); Intern (The Manila Times Publishing Corp.); Managing Editor (The Sentinel, Lyceum); News Editor (The Filters, BHS); 8th placer (News Writing, DSSPC)

Wednesday, 4 March 2009

Tobu World Square - A Trip to the World's Cultural Heritage Sites

"Protection of the world's artifacts and architectural monuments," ito ang natatanging tema ng Tobu World Square, isang theme park na matatagpuan sa Nikko City, Tochigi-ken.
Mahigit limang taon ang ginugol ng mga bihasang artisan bago makumpleto ang Tobu World Square noong Abril 24, 1993. Dito makikita ang mga kahanga-hangang miniature reproduction ng 102 historic relics at architectures mula sa 21 bansa at 45 UNESCO World Cultural at Heritage Sites sa sukat na 1/25 mula sa orihinal na laki ng mga ito. Iba't ibang kwento rin ang hatid ng mahigit sa 140,000 "resident" figurines na may taas na 7 cm. Ang nakakamangha pa ay wala sa mga ito ang magkakamukha at magkakatulad. Hindi rin dapat palampasin ang magagandang hardin at mga puno na gawa sa 20,000 bonsai trees na akmang-akma sa mga istruktura.

Tiyak na mabubusog ang inyong mga mata sa mga makikitang miniature cultural heritage sites dito na magbibigay kamalayan din sa bawat isa na dapat pangalagaan ang mga yaman na ito ng mundo.

Mga Atraksyon:

Modern Japan Zone - Kung nais mong makita ang makabago at progresibong bansa ng Japan, ito ang dapat mong puntahan. Nandito ang abalang lugar ng Tokyo Station, ang pambansang kapulungan na Diet Building, ang dating Imperial Hotel na dinisenyo ng kilalang arkitekto na si Frank Lloyd Wright at marami pang iba.
America Zone - Ang mga matatayog na gusali ng "The Big Apple" o New York City ang makikita rito. Kabilang na ang Empire State Building, World Trade Center at Chrysler Building. Nandito rin ang tanyag na tourist spots na Statue of Liberty, The White House at iba pa.
Egypt Zone - Gusto mo bang makaranas ng mainit na panahon sa gitna ng malamig na klima? Narito ang mga disyerto ng Ehipto na maghahatid sa iyo ng pakiramdam na ikaw ay nasa mga misteryosong pyramids ng Menkaure, Khafre at Khufu; ang Sphinx na nagpapakita ng kapangyarihan ng Egyptian rulers. May camel display din dito para sa tunay na ancient Egypt experience.Europe Zone - Romantic at sacred. Ito ang mararamdaman sa bahaging ito sapagkat dito masisilayan ang ganda at gilas ng Eiffel Tower ng France, Sagrada Familia Church ng Spain, St. Peter's Basilica ng Vatican, Parthenon ng Greece, Colosseum ng Italy at maraming pang kaakit-akit na lugar sa Europa. Asia Zone - Ang parteng ito ang magpapaalala sa iyo ng makasaysayang kwento ng Asya at ng mga tao nito. Nandito ang The Great Wall of China, white marble mausoleum ng Taj Mahal ng India at Angkor Wat ng Cambodia. Japan Zone - Dito masisilayan ang "good old days" ng Japan. Bukod sa Rokuon-ji Golden Pavilion, hindi rin dapat palampasin ang mga miniature trees kung saan 97% sa mga ito ay tunay na lalong nagbibigay ng makatotohanang tanawin sa mga exhibit. May ilang kainan na matatagpuan sa loob ng theme park tulad ng Heian, Amuse Marche, World, Carnival at Convention House. Makakabili naman ng souvenirs sa Mercado I at II.

Para sa mas masayang park tour, maaaring umarkila ng binoculars (100 yen) at audio guides (500 yen-pair; 300 yen-single). May nabibili rin na playcards (1,000 yen-10-point card; 1,500 yen-15-point card) na magagamit upang mapasayaw at mapakanta ang mga figurines. (Open: 9 am-5 pm; Admission fee: 2,500 yen / adult, 1,200 yen / child).

How to Get There:

Take the Tobu Super Express Train "SPACIA" from Tobu Asakusa Sta. and get off at Kinugawa-onsen Sta., from which a 5-minute bus ride to the park.

*published in the March issue of "Let's Tour Japan", Philippine Digest
*photos by Din Eugenio

PD March '09, Editor's Note

Beyond the Horizon

Marami na ang apektado sa nararanasang global financial crisis. Hangad ng lahat na malampasan ang pagsubok na ito. Kaya naman ngayon buwan ng Marso ay malugod namin inihahandog sa inyo ang mga balita at kwento ng "Pag-asa, Pagbabago at Muling Pagbangon" na siya rin tema ng issue na ito ng Philippine Digest.

Hindi ako nagdalawang-isip na si Karylle ang gawing cover para sa issue na ito. Very warm ang response na ibinigay ni Karylle at ng kanyang publicist sa Stages na si Oliver Oliveros sa inyong likod kaya naman naging posible ang hangarin na ito ng PD. Matapos ang pinagdaanang 'emotional ride', heto ang bagong Karylle (still wholesome but a little sexier) na puno ng pag-asa at ngayon nga'y 'moving forward' para sa mas ikagaganda ng kanyang personal na buhay at show biz career.

Ang nakaraang inagurasyon ni U.S. President Barack Obama ay isang patunay na buhay na buhay pa rin ang demokrasya sa Amerika. Marami ang nabuhayan ng loob na malalampasan ang global financial crisis sa mensaheng ibinigay ni Obama sa kanyang inaugural speech. Magandang oportunidad din ang pagbubukas ng Japan para sa mga Filipino nurses at caregivers na gustong mangibang-bansa. Nakaka-inspire rin ang feature story ni Marita Napay na hindi nakakalimot sa kanyang pinagmulan kahit na may maayos na pamumuhay na siya ngayon sa Canada. Tiyak na makakatulong din para sa mga amateur at professional photographers ang mga ideya na ibinahagi ni Sir Al Eugenio sa kanyang column. Puno ng inspiring stories ang March issue na ito ng PD.

Nakakatuwang isipin na marami pa rin tao ang nakahandang magbahagi ng kanilang panahon at kaalaman nang walang hinihinging kapalit. Kayo ay tunay na kapuri-puri.

May ilan naman na panay ang daing at reklamo, hindi naman maayos magtrabaho. Nand'yan din ang mga taong hindi marunong tumanggap ng pagkakamali at may mataas na tingin sa sarili kaya naman nang bumagsak ay walang magawang mabuti kundi ang manira ng kapwa. Panahon na para kayo ay magising. Hindi pa huli ang lahat, may pag-asa pa upang kayo ay magbago.


*published in the March '09 issue of "Beyond the Horizon", Philippine Digest

Thursday, 12 February 2009

PD March '09, Editor's Note

Beyond the Horizon

Sa loob ng labinlimang taon, ang Philippine Digest ay naging katuwang ng Filipino community sa paghahatid ng mahahalagang pangyayari at impormasyon sa mga Pilipinong nakikipagsapalaran dito sa Japan. Marami ang natuwa, may ilan naman na nalungkot, nainis at naintriga sa mga kwentong nailathala rito. Subalit hangarin lamang ng babasahin na ito na bigyan-kulay ang pagod na araw ng bawat Pilipino na patuloy na naghahanap-buhay at nagtitiyaga sa dayuhang lupain na ito, mai-angat lamang ang estado ng buhay ng pamilya.


Nagdaan ang mga buwan at hindi maitatangging dumaan din sa maraming pagbabago ang magasin. Sa nilalaman, sa layout at kahit pa sa mga taong bumubuo rito. Ngunit sa kabila nito ay patuloy pa rin ito sasinimulang adhikain na ipabatid sa mga Pilipino ang mga bagay at kaganapan na makakaapekto sa kanilang pamimirmihan sa bansang ito.

Ang Philippine Digest ay hindi lamang nakatuon sa isang grupo o ilang prominenteng tao sa Filipino community. Layunin nito na ibahagi sa lahat ang mga kwento ng mga Pilipinong hindi madalas na nakikita at nariringgan ng kanilang istorya ngunit maaaring magsilbing inspirasyon para sa iba. Kaya naman malugod namin inaaanyayahan ang lahat, bata at matanda, may visa man o wala, na ibahagi sa amin ang kanilang mga kwento ng pagsubok at pagtatagumpay nang sa gayun ay kapulutan ng aral ng kapwa Pilipino.

At ngayon ipinagdiriwang ang buwan ng mga Puso, malamig na klima man ang gigising sa ating mga umaga at puno man ng paghihirap ang landas na ating tatahakin dulot ng krisis pang-ekonomiya, nawa'y manatili at maging maalab pa rin ang pag-ibig at pagmamahal sa ating mga puso. Nawa'y ito ay magsilbing instrumento upang tayo ay patuloy na maging malakas at matatag sa pagharap sa hamon ng buhay, para na rin sa ating mga pamilya at mga taong mahalaga sa atin.

*published in the Feb '09 issue of "Beyond the Horizon", Philippine Digest
*my first-ever Editor's Note, woohoo...

Tuesday, 3 February 2009

Tokyo Dome City – Place of Thrills and Excitement


Sa unang tingin, tila isang maliit na amusement at entertainment center lamang ang Tokyo Dome City kumpara sa mga naglalakihang leisure complex sa Japan. Ngunit hindi man masyadong kalakihan, hitik naman ito sa mga panghalina na tiyak na papatok sa panlasa ng mga lokal at dayuhang turista na naghahanap ng pasyalang magbibigay-kasiyahan, kaagtingan at tuwa sa gitna ng abalang lungsod ng Tokyo.


Mga Atraksyon:

Tokyo Dome – Dati’y kilala sa tawag na "Big Egg" (BIG Entertainments & Golden Games), ito ang kauna-unahang domed stadium sa Japan na nagbukas sa publiko noong Marso 17, 1988. Pinalitan nito ang mas lumang Korakuen stadium na itinuturing na mecca ng professional baseball.

Taun-taon, mahigit sa 60 laro ng Yomiuri Giants ang ginaganap dito kaya naman ito na ang itinuturing na home stadium ng koponan. Ito ay kasama rin sa listahan ng mga nangungunang stadiums sa buong mundo dahil sa mga Japanese-American baseball games na idinaraos dito. Hindi lamang ‘yan, iba’t ibang international sports event din ang ginawa rito tulad ng NFL American Bowl, NBA at World Heavyweight Match nina Tyson at Tubbs.

Bukod sa pagiging sports arena, dito rin itinanghal ang malalaking konsyerto ng mga international singing superstars tulad nina Madonna, Celine Dion, Mariah Carey, Michael Jackson, Britney Spears, Backstreet Boys, Rolling Stones at iba pa. Ito rin ang nagsisilbing venue ng mga international conventions tulad ng Tableware Festival at Great Quilt Festival.

Isang misa rin ang idinaos dito ni Pope John Paul II noong 1981 na dinaluhan ng mahigit sa 36,000 na tao.
Air-supported ang loob ng stadium upang mapanatili ang covering membrane nito. Ito ay may seating capacity na 55,000 katao. Amusement Park – Para sa kasiyahan ng mga bata at ng buong pamilya, iba’t ibang rides ang makikita rito. Nariyan ang Linear Gale, ang kauna-unahang hanging-type linear roller coaster sa buong mundo; Tower Hacker, na tiyak na magpapasigaw sa sinumang susubok nito dahil sa mabilis nitong pagbulusok pababa mula sa taas na 80 metro; Thunder Dolphin, isang klase ng roller coaster kung saan ang bilis ay umaabot sa 130 km/h; Skyflower, mala-parachute ride na taas-baba hanggang 61 metro.
May nakalaan naman na bowling center para sa mga bowling enthusiasts.
Medyo may kamahalan ang entrance fee sa bawat rides ngunit makakabili naman ng one-day pass sa halagang 3000 yen.
Tokyo Dome Hotel - Kung kayo ay naghahanap ng mainam na lugar para sa inyong business at leisure pursuit, isa ito sa magandang puntahan. Ito ang flagship ng 5 sangay nito sa bansa. Ang kabuuan ng hotel ay may 1,006 guest rooms, 10 restaurants at lounges, 18 banquet rooms at dalawang chapels. May wedding facilities, business center, child care room at outdoor pool din dito.
Ang regular rates para sa guest room ay umaabot sa 19,000 yen (single) at 24,000 yen (double).
LaQua - Ang konsepto nitong "enjoying self-refreshment in the heart of Tokyo" ay nakadagdag sa popularidad ng Tokyo Dome City. Patuloy itong dinarayo ng mga turista simula pa noong 2003, dahil na rin sa nakaka-relax na natural hot spring dito, mga pools, saunas, shops at restaurants. Nandito rin ang "Big O", ang kauna-unahang donut-shaped ferris wheel sa buong mundo.
Baseball Hall of Fame and Museum - Binuksan sa publiko noong 1959 at kauna-unahan sa buong Japan. Ang layunin nito ay paunlarin at pagyamanin ang larong baseball sa bansa. Makikita rito ang mga Hall of Famers ng sports na ito kasama na rin ang kanilang mga koleksyon at memorabilya. Meets Port - Ito ang pinakabagong atraksyon ng lugar na nagbukas tagsibol ng nakaraang taon. Kung ang bawat pasyalan ay may tinatawag na "meeting point", ito na marahil ang sa Tokyo Dome City. Ilan sa mga panghalina nito ay ang makatawag-pansin na multi-purpose hall, dining facilities at garden space.

Koishikawa Korakuen - Isang landscape garden ng mga Japanese at Chinese sceneries in miniature. Ito ay simula pa noong Edo period. Hindi na ito bahagi ng Tokyo Dome City subalit ito ay walking distance lamang sa lugar.
May mga kainan din dito tulad ng Baseball Café kung saan ang tema ay ang good old days ng American MLB; The Burgers Tokyo, at Sushi Soba Ginzo, isang Japanese resto at marami pang iba.
Nagkalat din ang mga sports shops dito tulad ng Adidas, To Do at The DOME 22.
How to Get There:
Take the JR Chuo-Sobu Line and get off at Suidobashi Sta. or the Marunouchi and Namboku Lines and get off at Korakuen Sta.
*published in the February '09 issue of "Let's Tour Tokyo", Philippine Digest*
*photos by Din Eugenio*