Sinasabi ng karamihan na ang Pasko sa Pilipinas ang may pinakamahabang preparasyon at selebrasyon. Ber month pa lang ay mararamdaman na ang simoy ng kapaskuhan.
Disyembre 16, opisyal na simula ng pagdiriwang. Bata at matanda, abalang-abala pagsapit pa lamang ng alas-tres ng madaling araw. Kahit malamig ang simoy ng hangin at madilim-dilim pa ay maraming tao na ang makikita sa kalsada. Mga pamilyang sama-samang naglalakad patungong simbahan, mga magkakaibigang sabay-sabay na magsisimba at mga magkasintahang sweet na sweet na dadalo sa misa. May kasabihan na kapag nakumpleto mo ang siyam na araw ng simbang gabi na tatagal hanggang Disyembre 24, ay matutupad ang iyong Christmas wish.
Pagkatapos ng simbang gabi, sabik ang lahat na kumain ng paboritong puto bumbong, bibingka, kutsinta, arroz caldo, lugaw, mainit na tsokolate at kape na tinda sa labas ng simbahan.
Pagdating naman ng gabi, ang mga bata, nagbabahay-bahay at nangangaroling. Tuwang-tuwa sa mga pamaskong barya na kanilang natanggap.
Sa mga malls at groceries, siksikan ang mga mamimili. Naghahanap ng mga Christmas sales na swak sa budget.
Sa mga paaralan at opisina naman, masayang Christmas party at exchange gift ang nagaganap. Kris kringle at monito monita. "Sino ang nabunot mo?", "Anong regalo ang natanggap mo?" ang kadalasang maririnig.
Pagsapit ng noche buena, ang buong pamilya sama-sama. Nagpapalitan ng pagbati ng "Maligayang Pasko" bago sabay-sabay na pagsasaluhan ang mga pagkain sa hapag. Hamon, pansit, lumpia, spaghetti, tinapay, lechon at fruit salad. Ang mga kapamilya naman na nasa ibang bansa, nag-o-overseas call na at bumabati ng "Merry Christmas". At pagkatapos ng batian, kainan, iyakan at masayang kwentuhan, sabik ang bawat isa na buksan ang kanilang mga natanggap na regalo.
Disyembre 25, ang mga ninong at ninang naghihintay sa kanilang mga inaanak habang ang iba naman ay tila nagtatago dahil wala pang nakahandang pamaskong aginaldo. "Sa Bagong Taon na lang", ang litanya ng ilan.
Nakaka-miss ang Pasko sa atin, hindi ba?
Dito sa Japan, hindi man kasing-saya sa Pilipinas ang paraan ng pagdiriwang ay mararamdaman pa rin ang kapaskuhan dahil sa mga nagkalat na Christmas greetings at displays sa mga commercial establishments at ilang tahanan.
Ayon sa mga tala, ipinakilala ang Pasko rito noong ika-16 na siglo nang dumating ang mga taga-Europa at dalhin ang Kristiyanismo. Sa kabila ng maliit na porsyento ng relihiyon sa bansa, ito ay naging popular na pagdiriwang sa mga lungsod dahil na rin sa impluwensiya ng mga programang Amerikano at mga Christmas products na ginagawa ng mga Hapon para sa ibang bansa.
Hindi national holiday ang Disyembre 25 dito. Sa katunayan, kung ito ay papatak sa weekday ay asahan mo na ang mga estudyante at empleyado ay nasa kanilang mga paaralan at opisina.
Katulad ng pamilyang Pilipino, nagsasalu-salo rin sa hapag ang buong mag-anak pagsapit ng alas-dose ng gabi at bumabati ng "Merii Kurisumasu". Ang kadalasang handa ay manok at strawberry whipped cream cake na popular na pagkain dito tuwing noche buena.
Nagbibigay din ng regalo ang mga magulang sa kanilang mga anak subalit hindi ang mga anak sa paniwalang si Santa Claus (Hotei-osho sa kanila, isang god o pari na parang si Santa Claus) lamang ang nagbibigay ng regalo.
Ang Pasko rito ay maihahalintulad din sa Araw ng mga Puso dahil ang mga magkasintahan ay sweet na sweet na namamasyal at kumakain sa mga restaurants.
May ilan din mga tao na nagpupunta sa mga temples at shrines at nagpapasalamat sa mga biyayang kanilang natatanggap.
Sa madaling salita, ipinagdiriwang din ang Pasko rito sa Japan subalit mas commercialized ang dating at kulang sa tunay na kahulugan.
Masaya sana kung sa Pilipinas tayo magdiriwang ng Pasko, kapiling ang buong pamilya. Pero sa totoo lang, kahit nasaan man tayo, magkakaiba man ang paraan ng pagdiriwang, ngunit hangga't nananatili sa ating puso at isipan ang tunay na diwa at kahulugan ng araw na ito, ang kaarawan ni Hesu Kristo ay magiging maligaya pa rin ang ating Pasko.
Maligayang Pasko sa inyong lahat!
*published in the December '08 issue of "Beyond the Horizon", Philippine Digest*