Walang patid na kantahan at kasiyahan ang pumuno sa Hokutopia, Sakura Hall, gabi ng Setyembre 21, nang magtanghal ang mga paborito at hinahangaang bituin ng henerasyon na sina Sam Milby, Erik Santos, Chokoleit at Vina Morales.
Matapos ang matagumpay na paglulunsad at pasasalamat ng TFCko sa pamamagitan ng "Kapamilya Invades Japan: The Dream Concert Tour 2007" at "Yokoso Kapamilya: The ABS-CBN Housewarming Party" ay muling inihatid ng ABS-CBN Japan ang "Libre Kanta, Libre Kwela: A Kapamilya Konsert" para magbigay-saya sa mga Pilipino dito sa Japan lalung-lalo na sa mga patuloy na tumatangkilik ng TFCko.
Hindi magkamayaw ang tilian at sigawan ng mga manonood nang sabay-sabay na lumabas ng entablado sina Sam, Erik, Chokoleit at Vina at awitin ang mga Pinoy hits na "Sugod", "Tara Let's", "Sandal", "Darna" at "Superhero". Lalo pang umugong ang sigawan ng mga tagahanga nang isa-isang nang magtanghal ang apat na bituin.
Sinimulan ni "Prince of Pop", Erik Santos ang kanyang solo performance sa pamamagitan ng mga awiting "Next in Line" at "This is the Moment". Inialay ni Erik ang mga kantang ito sa lahat ng mga OFWs na nakikipagsapalaran dito sa Japan at buong pusong ipinagmalaki na siya ay anak ng isang OFW. Dahil sa sobrang kagalakan na muling makarating at makapag-tanghal dito ay halos makalimutan na ni Erik ang mga linya ng awitin.
Bumuhos naman ng katatawanan at kasiyahan nang magtanghal na ang tinaguriang "Latest Flavor of TV Comedy" na si Chokoleit. Ipinamalas niya ang kanyang galing sa stand-up comedy na sinuklian naman ng magandang pagtanggap ng mga manonood. "One of the best countries that I've been to talaga ang Japan. Masarap balik-balikan ang lugar, pagkain at mga tao," saad ng komedyante. Hindi maitatangging si Chokoleit ay isa sa mga talaga nga namang pinalakpakan ng gabing iyon, lalung-lalo na ang kanyang pamosong beauty contest stint.
Sa kabila ng kanyang maselang kondisyon ay pinatunayan ni Vina Morales na karapat-dapat nga siyang tawaging "Ultimate Performer" dahil sa kanyang galing sa pagkanta at pagsayaw. Pinaindak niya ang mga manonood sa saliw ng musikang "Lets Get the Party Started", "Tuloy pa rin", "Bongga ka Day" at "Awitin Mo at Isasayaw Ko". Pagkatapos nito'y ilang Pinoy love songs din ang kanyang binirit tulad ng "Pangako Sa 'yo", "Kailangan Kita" at "Kahit Isang Saglit".
Nag-duet din sina Erik at Vina ng awiting "Maging Sino Ka Man".
Isang nakakaindak na duet ng "Kiss" at "Simply Irresistible" rin ang pinaunlakan nina Sam at Erik na sinabayan pa ng pagrampa ng kwelang si Chokoleit sa entablado na lalong nagpasaya sa mga manonood. Samantala, nagpasalamat naman ang ABS-CBN Japan Managing Director na si Jeffrey Remigio sa mga sponsors at TFCko subscribers na walang sawang tumatangkilik sa mga programa ng ABS-CBN. Inihayag din niya ang tatlong layunin ng pagtatanghal: ang paglulunsad ng Star Studio Magazine dito sa Japan; ang maibalik sa mga TFCko subscribers ang suportang ibinibigay nila sa ABS-CBN; at ang paglulunsad ng pinakabagong proyekto ng ABS-CBN Japan, ang "Gawad Geny Lopez, Bayaning Pilipino Awards, Bayaning Pilipino sa Gawing-Japan".
Nagbigay din ng mensahe si Fr. Nilo Tanalega, S.J., ng Ugat Foundation na siyang nangangasiwa sa pagpili ng mga nominado para sa Bayaning Pilipino Awards. Kasabay nito'y ipinakilala rin sa mga manonood si Elvie Okabe, aktibong lider ng Filipino community dito at isang Bayaning Pilipino Awardee.
Sa saliw ng awiting "Sugod" ay muling nagtipun-tipon sa entablado sina Sam, Erik, Chokoleit at Vina at pinasalamatan ang lahat ng taong dumalo ng gabing iyon.
Nagbigay din ng mga give aways ang KDDI sa mga mapalad na manonood.
Ang pagtatanghal na ito ay inihandog ng ABS-CBN Japan at KDDI, sa tulong na rin ng Philippine Digest at iba pang sponsors.
*published in the November '08 issue of "Concert", Philippine Digest*
*photos by Florenda Corpuz*