My photo
Editor-in-chief, Travel writer (International Press Japan Co. -- Philippine Digest Magazine); Intern (The Manila Times Publishing Corp.); Managing Editor (The Sentinel, Lyceum); News Editor (The Filters, BHS); 8th placer (News Writing, DSSPC)

Sunday, 3 June 2007

Sa Ganang Akin

Students’ Welfare
Sa hostage taking na naganap noong Marso 28 sa harap ng Bonifacio Shrine, 32 bata edad 5-6 ang hinostage ni Amadeo Ducat, may-ari ng Musmos Day Care Center sa Tondo, kung saan nag-aaral ang mga bata. Ang dahilan ay nais niyang humingi ng tulong sa pamahalaan na mapagtapos ng pag-aaral ang mga bata at mabigyan ng maayos na tahanan ang mga ito.
Samantala, isang kakila-kilabot na pangyayari naman ang nangyari sa Virginia Tech,Virginia, U.S.A. nang 33 katao ang patayin ng gunman na nagbaril din sa sarili matapos pagbabarilin ang kanyang mga kapwa estudyante sa nasabing paaralan. Ang gunman ay nakilalang si Cho Seung-Hui, isang South Korean national, na pumunta sa US kasama ang pamilya nang siya’y walong taon pa lamang.

Sa Pilipinas, back to school na naman ang mga mag-aaral. Matapos ang mga insidenteng ito, masasabi bang may sapat na seguridad pa ang mga paaralan para sa mga mag-aaral? Kaya pa ba silang protektahan ng mga guro at school officials? Nakakalungkot isipin na sa loob ng paaralan katulad ng Virginia Tech naganap ang isang karumal-dumal na krimen. At nakakadismaya din naman na ang school administrator pa na si Amadeo Ducat ang nang-hostage sa mga scholars ng kanyang sariling day-care center. Kung anuman ang motibo ni Ducat at ng gunman, sana’y hindi nila dinamay ang mga inosenteng biktima na ang tanging nais lamang ay magkaroon ng magandang kinabukasan.

Pacquiao’s Victory
Nagbunyi ang mga Pilipino sa iba’t-ibang panig ng mundo ng muling magbigay ng karangalan sa bansa ang ‘Pambansang Kamao’ na si Manny Pacquiao nang maidepensa niya ang kanyang WBC International super featherweight title laban kay Jorge Solis ng Mexico sa kanilang Blaze of Glory fight sa Alamodome, San Antonio Texas noong Abril 14.

Kampante si Pacman na kanyang matatalo ang katunggali subalit hindi ito naging madali para sa kanya. Nakontrol lamang niya ang laban pagkatapos matamo ang sugat sa kaliwang bahagi ng mata dulot ng accidental head butt mula kay Solis. Ito ay nagsilbing ‘wake up call’ kay Pacman na sunud-sunod na nagpakawala ng suntok sa 6th at 7th round ng laban at nagtuluy-tuloy sa 8th round kung saan tuluyang bumagsak si Solis.

Ilang araw matapos ang laban ay nagbalik sa Pilipinas si Pacman upang asikasuhin ang pangangampanya sa unang distrito ng South Cotabato kung saan siya ay kumakandidato bilang kongresista.

Sa kanyang pagsabak sa political arena, ano naman kaya ang magsisilbing ‘wake up call’ sa ating People’s champ para mapag-isipan na mas mainam na sa boxing arena na lamang niya ipakita ang kanyang galing at kahusayan? Sapat na ang mapagkaisa niya ang mamamayang Pilipino sa buong mundo sa tuwing siya’y may laban. Ang pagnanais niyang makatulong sa kapwa sa pamamagitan ng pagkakawang-gawa ay maaari pa rin niyang ipagpatuloy sa ibang paraan. Ang isang Manny Pacquiao na itinuturing na isa sa greatest boxers of all-time ay hindi nababagay sa maruming kalakaran ng pulitika. Nawa’y magising si Pacman at huwag hayaang magamit ng mga mapagsamantalang pulitiko na ang tanging nais lamang ay kapangyarihan.

Post-Election Syndrome
“Many are called but only few are chosen.”

Naihayag na ang mga pinalad na maglingkod sa taong-bayan sa katatapos palamang na national at local elections. Tapos na din ang partisipasyon ng mga botante sa pagpili ng mga kandidatong tingin nila ay karapat-dapat sa puwesto. Nagbunyi ang mga nagwagi, at sa mga sinawing palad, better luck next time.

Para sa mga nahalal na opisyal, tapos na ang kalbaryong dulot ng walang tigil na pangangampanya at makaubos-salaping pagpondo para dito. Ang panibagong pagsubok na kailangan nilang harapin ngayon ay kung paano nila maipatutupad ang kanilang mga pangako sa taong-bayan, kung paano nila maisasakatuparan ang mga platapormang kanilang ipinaglaban noong panahon ng kampanya at kung paano nila magagampanan nang maayos ang responsibilidad na nakaatang sa kanilang mga balikat.

Hindi lingid sa ating kaalaman na sakit na ng ilang mga kandidato na pagkatapos mailuklok sa puwesto’y tila nagkakaroon ng amnesia at nakakalimutanang dahilan kung bakit sila ay naihalal.

Sa pagkakataong ito, nawa’y hindi maging ningas-kugon ang mga nahalal na opisyal at kanilang tuparin ang mga binitiwang pangako sa taong-bayan nang sagayun ay muling maibalik ang kumpiyansa at tiwala ng mamamayang Pilipino sa pamahalaan. Nawa’y pakatandaan nila na sila’y iniluklok sa puwesto para maglingkod at hindi para gamitin ang kanilang kapangyarihan sa pansariling interes lamang.

Para naman sa mga taong-bayan na umaasang magkakaroon ng pagbabago sa sistema pagkatapos ihalal ang mga opisyal na ito, nawa’y bigyan natin sila ng pagkakataon na mapatunayan ang kanilang kakayahan na tayo ay mapaglingkuran.

*published in the June '07 issue of "Beyond the Horizon", Philippine Digest*